Ni Rey Ian
Corpuz
Noong
nakaraang buwan ay kumalat sa Facebook,
Twitter at iba pang social
media sites ang samu’t saring reaksiyon ukol sa blog ng isang turista na
Polish. Dito ay inihayag niya ang kanyang negatibong opinyon sa mga pagkaing
Pilipino nang bumisita sa bansa.
Sumiklab
ang damdamin ng mga Pilipino at tila dumami ang mga makabayan sa pagtatanggol
at pagpapaliwanag na masarap ang pagkaing Pinoy. Kilala ang mga Pilipino sa pagtatanggol
sa bayan kapag may negatibong opinyon ang mga banyaga hinggil sa bansa.
Unang
una, bilang isang Polish na naninirahan sa bansang malamig tulad ng Poland,
mataas ang standard nila sa pagkain. Tulad dito sa Japan, mahigpit ang
panuntunan hinggil sa kalidad, kalinisan at nutrisyon ng pagkain. Hihimayin
natin kung anu-ano ang mga katangian ng ating mga pagkain.
Mga negatibong aspeto ng ating pagkain:
1.
Puro karne. Ang
pagkaing Pilipino ay halos puro karne, mamantika at kaunti lang o ni walang
sahog na gulay. Tama ba? Ito ang pinakanegatibong aspeto ng ating pagkain na
kung ikukumpara mo sa ibang kultura ay malayung-malayo. Halimbawa, lechon,
dinuguan, crispy pata, lechon liempo at manok at marami pang iba. Ang mga ito
ay walang halong gulay at hitik na hitik sa mantika. Masarap dahil karne pero
hindi katanggap-tanggap sa ibang kultura dahil nakakasama sa kalusugan.
2.
Ang
pangkaraniwang pagkaing Pilipino ay hindi presentable. Tama ba? Ang
karaniwang pagkain sa ating hapag ay walang “sense of presentation.” Mula sa
kaldero o kawali kapag ito ay inihain ay iyon na. Wala nang kung anu-anong
garnish na gulay para maging kaaya-aya sa ating mga mata. Sa ibang kultura, ang
presentasyon ay isang mahalagang bahagi ng pagkain. Dito sa Japan, kahit saang restaurant ka o-order ng pagkain o
maging sa tahanan ay ginagawa itong kaaya-aya sa paningin ng customer.
3.
Ang pagkaing
Pilipino ay napaka--. Napaka? Ano iyon? Lahat ng lasa maliban sa malabnaw
at maanghang ay pwede mong ilagay. Napakaalat, napakatamis, at napaka-oily.
Tama ba? Halimbawa ng napakaalat: adobo dahil sa sobrang toyo, bagoong isda,
bagoong alamang, daing (bulad sa Bisaya), tuyo,at itlog na maalat.
4.
Ang pagkaing
Pilipino ay hindi para sa mga mahihina ang sikmura. Tama? Unang una, bilang
isang mainit na bansa iba ang kalidad ng ating mga sangkap. Ang tubig na
ginagamit na pangluto ay minsan hindi kaaya-aya sa tiyan ng mga banyaga. Kaya
kahit anong pakulo mo sa tubig o iyong pagkain mismo, nahihirapan pa rin na
masikmura ng mga banyaga. Isa sa mga traditional na sangkap na ating ginagamit
ay ang katas ng niyog o coconut milk.
Hindi lang sa Pilipinas, kundi sa Thailand at Vietnam, ang coconut milk ay isa
sa pangunahing sangkap sa mga tradisyonal na lutuin. Maraming mga banyaga tulad
ng mga Hapon ay hindi kayang kainin ang mga pagkaing Pilipino na may coconut
milk.
5.
Ang pagkaing
Pilipino ay hindi balanse. Tama? Kung karne, karne talaga at kaunti lang
ang gulay. Kung gulay, gulay talaga at kaunti lang ang karne. Halimbawa sa
gulay ay ang pinakbet (utan) at dinengdeng (lao-uy). Itong mga putaheng ito ay
nag-uumapaw sa gulay pero ang karne ay kakaunti lang. Ang dalawang putahe na
ito ay hinahaluan ng bagoong (isda at alamang) at patis na kung saan maalat ang
lasa. Tama ba? May isa pa, karamihan sa atin inuulam ang pansit sa kanin. Tama
ba? Puro carbohydrates iyon di ba?
Kung ang Pilipinas ay hitik sa prutas at gulay, bakit walang matituturing na
“standard” para sa salad? Maalala ko noon ang nanay ko parating naghahain ng atsara
o pickled na manibalang na papaya. Kahit man lang saging o mga salad na gulay
ay minsan kulang o wala.
Iba-iba
ang katangian ng pagkain ng bawat bansa, mahal natin ang mga bagay na kakaiba
sa atin, kung kaya’t nararapat lamang din na tanggapin natin kung anuman ang
tingin ng mga banyaga sa uri ng pagkain natin positibo man o negatibo.
Napakasarap ng pagkaing Pilipino dahil dito nasusukat ang ating kultura.
Huwag
maging balat sibuyas. Kung tutuusin, hindi rin natin kayang sikmurahin ang
pagkain ng ibang bansa. Ang naramdaman at opinyon ng Polish blogger ay
kapareha lang ng magiging opinyon natin kung tayo ay pupunta sa bansang
malayong-malayo sa ating kultura lalo na sa pagkain.
Dapat
respetuhin natin kung anong meron ang bibisitahing bansa. Maging malawak sana
ang ating pag-unawa na hindi lahat ng pagkain sa mundo ay pareha. Ang blogger
na iyon ay isa lamang kaysa ikumpara mo sa mga international celebrities na
gusto ang ating mga pagkain tulad ni Anthony
Bourdain at marami pang iba. Ang Pilipinas ay may 7,107 na isla. Marahil
kung napuntahan niya ang karamihan nito ay mag-iiba ang kanyang pananaw hinggil
sa ating pagkain na kung saan ang bawat isla ay may ibang kultura ng pagkain.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento