Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tokyo International Film Festival. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tokyo International Film Festival. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Setyembre 4, 2017

Godzilla babalik sa Tokyo kasama ang live orchestra

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa TM&©TOHO CO., LTD.

Nakatakdang ipalabas ang digitally restored version ng orihinal na 1954 na black-and-white film na “Godzilla” na idinirehe ni Ishiro Honda sa Oktubre 31 sa Tokyo International Forum, Hall C bilang isa sa mga highlights ng 30th Tokyo International Film Festival (TIFF).

Sasabayan ito ng Tokyo Philharmonic Orchestra na magbibigay-buhay sa iconic soundtrack ng classic film na isinulat ng namayapang composer na si Akira Ifukube. Magsisilbing conductor ang kanyang estudyante na si Kaoru Wada, kasama ang choir group na Chor June.

Bago ang screening at live performance ay magkakaroon muna ng talk show na pinamagatang “Godzilla: Present, Past, Future.” Dadaluhan ito ng 12-time Godzilla suit actor na si Haruo Nakajima pati na rin nina Shogo Tomiyama, Heisei series producer at Shinji Higuchi, Shin Godzilla director para pag-usapan kung ano ang pang-akit ng Godzilla sa bagong henerasyon ng mga fans.

Hawak ni Godzilla ang record sa pinakamaraming beses na pagdalo sa TIFF.

Tumabo sa takilya ang 1954 movie at naging inspirasyon ng franchise na hanggang ngayon ay tinatangkilik ng mga manonood. Nakatakdang ipalabas ang Hollywood film na “King of the Monsters” sa 2019.

Lunes, Agosto 7, 2017

Brillante Mendoza, pipili ng pelikula para sa Tokyo Int’l Film Festival

Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio

 Isa ang award-winning Filipino filmmaker na si Brillante Mendoza sa apat na direktor mula Southeast Asia na napili ng organizers ng prestihiyosong 30th Tokyo International Film Festival (TIFF) at The Japan Foundation Asia Center para magrekomenda ng pelikula na ipapalabas sa “Crosscut Asia #04: What’s Next from Southeast Asia” section ng prestihiyosong festival.

Ipapalabas sa seksyon na ito ang “work from young filmmakers in Southeast Asia recommended by maestros in the same region.”

Una nang ipinalabas sa tatlong edisyon ng Crosscut Asia ang mga pelikula mula sa Pilipinas, Thailand at Indonesia.

Nasa 10 Pinoy indie films na kinabibilangan ng limang pelikula ni Mendoza ang “Taklub,” “Thy Womb,” “Serbis,” “Lola” at “Foster Child” ang ipinalabas sa Crosscut Asia #02 section na tinawag na “The Heat of Philippine Cinema” noong 2015.

Ipinalabas naman ang kanyang omnibus film na “Shiniuma” na co-production project ng TIFF at The Japan Foundation Asia Center sa “Asian Three-Fold Mirror” ng festival noong 2016.

“Maganda ang experience ko rito sa TIFF. Nakita ko sa Japanese audience ang interes nila sa pelikula natin,” sabi ni Mendoza sa panayam ng Pinoy Gazette noong TIFF 2015.

Makakasama ni Mendoza sa pagpili ang mga direktor na sina Tran Anh Hung (Vietnam), Apichatpong Weerasethakul (Thailand) at Garin Nugroho (Indonesia).

Tinatayang 10 pelikula ang makakasama sa line-up mula sa mga bansa sa Southeast Asia.

Ang 30th Tokyo International Film Festival (TIFF) ay gaganapin mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3 sa Roppongi Hills at iba pang lugar sa Tokyo.

Miyerkules, Oktubre 8, 2014

27th Tokyo International Film Festival kasado na sa Oktubre 23

Ni Florenda Corpuz 


L-R: TIFF Dir. Gen. Yasushi Shiina, Harry Sugiyama, Hideaki Anno,
 Azusa Okamoto and Japan Foundation President Hiroyasu Ando 
(Kua ni Din Eugenio)

TOKYO, Japan – Sa ika-27 pagkakataon ay muling idaraos ang prestihiyosong Tokyo International Film Festival (TIFF) sa darating na Oktubre 23-31 sa Roppongi Hills, TOHO Cinemas Nihonbashi at iba pang lugar sa lungsod.

Sa isang press conference na ginanap kamakailan ay inanunsyo ng mga organizers nito, sa pangunguna ni TIFF Director General Yasushi Shiina, ang event outline para sa taong ito kung saan isa sa mga highlights ay ang pagpapalabas sa mga pelikula ng magaling na direktor at animator na si Hideaki Anno.

“We are going to be showcasing animation films in a way that only TIFF could do this year. That is the retrospective program, ‘The World of Hideaki Anno.’ We will continue to present those outstanding Japanese filmmakers to the world,” pahayag ni Shiina.

Nagpahayag naman ng katuwaan si Anno na siya rin guest speaker sa pagtitipon at ibinalitang aabot sa 50 pelikula ang ipapalabas sa kanyang retrospective program.

“I am quite excited to show most of my previous films at this year’s TIFF. By looking back my past work, I find that my creation style has not been changed since I started my career.

“Even some of the films from my amateur ages constructed a part of my career, so I am thrilled to show my films from all genres. Come to think of it, everything is challenge, all of my works are unforgettable and good memories as a director don’t remain but hard experiences led to build my creativity,” pahayag ni Anno.

Ipinakilala rin ang British-Japanese celebrity na si Harry Sugiyama at Japanese actress Azusa Okamoto bilang mga “Festival Navigators.”

Ilan pa sa mga inanunsyo ay ang bagong logo ng Festival, ang pagtutulungan ng TIFF at Japan Foundation hanggang sa susunod na pitong taon at iba pang detalye tungkol sa Special Screening sa Kabukiza Theater kung saan ipapalabas ang “City Lights” na pinagbibidahan ni Charles Chaplin.
           
Nahahati sa limang bahagi ang Festival na kinabibilangan ng Competition, Asian Future, Special Screenings, Japanese Cinema Splash at World Focus sections. Paglalabanan sa Competition section ang pinakamataas na karangalan sa kompetisyon, ang “Tokyo Sakura Grand Prix” award, pati na rin ang bagong parangal na ibibigay ng TIFF at Japanese broadcasting channel na WOWOW – ang “WOWOW Viewer’s Choice Award” kung saan ang cash prize ay US $10,000.

Nakatakdang ianunsyo ang kabuuan ng film line-up ng Festival ngayong Setyembre kung saan inaasahan ang muling pagpasok ng ilang Pinoy independent films. Matatandaang tatlong pelikulang Pilipino ang nakapasok noong nakaraang taon, ang “Barber’s Tales” ni Jun Lana kung saan nanalong Best Actress si Eugene Domingo, ang “Rekorder” ni Mikhail Red at ang “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” ni Lav Diaz.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.