Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tokyo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tokyo. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Enero 8, 2019

‘Awakenings’ exhibition: An artistic expanse of changes in Asian societies




Nagbukas nitong Oktubre ang “Awakenings: Art in Society in Asia 1960s-1990s” exhibition sa National Museum of Modern Art in Tokyo (MOMAT) at nagtapos noong Disyembre 24, 2018 bago ito tumulak sa South Korea  at Singapore sa susunod na taon.

Bukas naman ang MOMAT mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at may admission ticket na ¥1,200 (adults), ¥800 (university students) at libre sa mga high school students, at persons-with-disability at kanilang kasama.

Makikita ang exhibition sa Art Museum Special Exhibition Gallery ng MOMAT na matatagpuan sa 3-1 Kitanomaru-koen, Chiyoda-ku.

An exploration of different responses to shared problems

Nahahati ito sa tatlong tema: Questioning “Art”: Development of New Ways of Artistic Expression, Artists and “City”: Places Where New Arts Developed, at In Pursuit of New “Solidarities”: The Formation of Artist Collectives.

Sa una, bunsod ng paglaki ng campus activism sa mundo, sinimulan nito ang kritisismo sa modernisasyon at pagkwestiyon sa konsepto ng “art.”  At sa halip na umayon sa kilala nang pamamaraan noon gaya ng paintings at iskultura, nabuo ang mga bagong klase ng artistic expression gamit ang mga pang-araw-araw na materyales at katawang-tao.

Sentro naman ang imahe ng mga siyudad bilang “nurturing environment for artistic experiements” noong 1960s at pagkatapos ng dekada sa ikalawang tema, kung saan binago ng mabilis na modernisasyon ang pamumuhay ng mga tao. Ngunit nagkaroon naman ng mga problema sa kahirapan, consumer society, at ethnic conflicts.

Tampok naman sa ikatlong tema ang paglitaw ng mga artist groups na may adbokasiya ng pagkakaisa at mga grupong may cross-genre activities, gayon din ang “communicative power of art.” At sa paglalayong maibahagi ang realidad sa maraming tao, nadiskubre ang bagong pamamaraan ng ekspresyon ng sining nang magsimulang gumamit ng mga billboards, banners, murals, at videos.

The transitional period of modern art to contemporary art

Kulminasyon ito ng limang-taong proyekto ng MOMAT, National Gallery Singapore, National Museum of Modern and Contemporary Art Korea (MMCA), at Japan Foundation Asia Center.

Tinipon dito ang 140 obra (paintings, sculptures, prints, photographs, performances, videos, installations) ng mahigit sa 90 artists/groups na mula sa iba’t ibang panig ng Asya kabilang ang Japan, Hong Kong, South Korea, Taiwan, Malaysia, Indonesia, Thailand, India, China, Singapore, at Pilipinas.

Sa loob ng 30 dekada, marami ang naging mga kaganapan sa rehiyon dahil sa pagkakaroon ng kalayaan mula sa kolonisasyon, modernisasyon, at mga ideolohikal na kumprontasyon sa panahon ng Cold War, Vietnam War, pagbagsak ng mga rehimen, at pag-usbong ng pro-democracy movements gaya ng People Power Movement sa Pilipinas noong 1986.

Ilang halimbawa ng mga obrang tampok ang “Fullness of Time” ni Filipino artist Renato Habulan, mga posters/paintings ng United Artists’ Front ng Thailand, experimental short film na “Eyes” ni Rajendra Gour ng Singapore, at “The White Hare of Inaba” (1970/2012), isang video pieces digest ng performance group Zero Jigen ng Japan.


Miyerkules, Oktubre 10, 2018

‘Kawaii Kabuki Play’ tampok sa Sanrio Puroland



Isa ang Sanrio Puroland o kilala rin sa tawag na Hello Kitty Land sa pinakapopular na theme parks hindi lamang sa Japan kundi sa buong mundo. Sa katunayan, isa ito sa mga madalas na dinarayo ng mga dayuhang turista. Nito lamang 2017, umabot sa 800,000 turista ang pumunta sa naturang parke.

Upang lalo pang maengganyo ang karamihan na bumisita sa Sanrio Puroland ay inilunsad ang “Kawaii Kabuki Play,” na tampok ang tradisyonal na kultura ng Japan at ang masasabing “kawaii” o cute culture, sa Marchen Theater.

Simula nang ilunsad ito nitong Marso, marami ang nagkagusto sa naturang pagtatanghal dahil sa magandang interpretasyon nito ng “Momotaro,” na isang popular na kwentong-bayan sa Japan. Kahanga-hanga rin ang naggagandahang costumes na kumbinasyon ng damit ng kabuki na mayroong disenyo na Hello Kitty.

“We would love Hello Kitty fans from around the world to enjoy this unique and original musical, which blends for the first time, the traditional Japanese art of Kabuki Theater with the ‘KAWAII’ (cute) nature of the characters,” pahayag ni Aya Komaki, Director ng Sanrio Entertainment Co. Ltd.

Dagdag pa ni Komaki, orihinal at natatangi ang itinatanghal na musika kaya naman kadalasan ay punung-puno ang Marchen Theater ng mga manonood dahil sa agad itong naging paboritong puntahan ng mga turista.

“We are simply delighted with the warm and encouraging reception of the new Marchen Theatre show. Our aim at all times is to give our visitors a unique experience that uplifts the spirit through the warmth and kindness that our Puroland characters embody in their very own ‘kawaii’ ways. We feel that that new Kawaii Kabuki is helping much to achieve that,” ani Komaki.

Ikinukunsidera bilang “Mecca of Sanrio Characters,” itinayo ang Sanrio Puroland noong 1990 ng Sanrio Entertainment Co., Ltd., na apat na beses ang laki sa Nippon Budokan.
“The concept of the theme park is communication, to have fun by meeting Hello Kitty, to make a fun memory inside the theme park and to feel ‘kawaii.’ Sanrio Puroland is for everyone, not just for children and female visitors. We also have Sanrio male visitors “Sanrio danshi” (Sanrio boys).”

Ilan sa mga paboritong atraksyon sa Sanrio Puroland ang Sanrio Character Boat Ride, na tumatagal ng 10 minuto na pagliligid sa Sanrio World; My Melody & Kuromi – Mymeroad Drive, kung saan maaaring magmaneho gamit ang Eco Melody Car at maaari rin kumuha ng litrato; at ang Gudetama Land, na lugar para sa mini-games at photo spots.

Tampok din ang Lady Kitty House, kung saan maaaring makita ang pribadong lugar ni Hello Kitty, ang hardin nito, Japanese tea room, dress tower at iba pa. Nariyan din ang Rainbow World Restaurant kung saan maaaring kumain ng pasta, ramen at curry.

Matatagpuan sa Tokyo, nagkakahalaga ang ticket ng ¥3, 300 para sa mga matatanda at ¥2,500 para sa mga bata tuwing Lunes hanggang Biyernes habang nasa ¥3,800 para sa mga matatanda at ¥2,700 para sa mga bata tuwing Sabado at Lingo.

Lunes, Setyembre 4, 2017

Godzilla babalik sa Tokyo kasama ang live orchestra

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa TM&©TOHO CO., LTD.

Nakatakdang ipalabas ang digitally restored version ng orihinal na 1954 na black-and-white film na “Godzilla” na idinirehe ni Ishiro Honda sa Oktubre 31 sa Tokyo International Forum, Hall C bilang isa sa mga highlights ng 30th Tokyo International Film Festival (TIFF).

Sasabayan ito ng Tokyo Philharmonic Orchestra na magbibigay-buhay sa iconic soundtrack ng classic film na isinulat ng namayapang composer na si Akira Ifukube. Magsisilbing conductor ang kanyang estudyante na si Kaoru Wada, kasama ang choir group na Chor June.

Bago ang screening at live performance ay magkakaroon muna ng talk show na pinamagatang “Godzilla: Present, Past, Future.” Dadaluhan ito ng 12-time Godzilla suit actor na si Haruo Nakajima pati na rin nina Shogo Tomiyama, Heisei series producer at Shinji Higuchi, Shin Godzilla director para pag-usapan kung ano ang pang-akit ng Godzilla sa bagong henerasyon ng mga fans.

Hawak ni Godzilla ang record sa pinakamaraming beses na pagdalo sa TIFF.

Tumabo sa takilya ang 1954 movie at naging inspirasyon ng franchise na hanggang ngayon ay tinatangkilik ng mga manonood. Nakatakdang ipalabas ang Hollywood film na “King of the Monsters” sa 2019.

Lunes, Agosto 7, 2017

Pinakamalaking indoor illumination tampok sa summer festival ng Sanrio Puroland


Tradisyon na sa iba’t ibang lugar sa Japan ang pagsasagawa ng summer festivals o matsuri tuwing panahon ng tag-init. Dahil dito ay gumawa ang Puroland, ang mecca ng mga Hello Kitty fans sa buong mundo, ng sarili nitong matsuri tampok ang mga paborito nating Sanrio characters sa pangunguna nina Hello Kitty at My Melody.

Mula Hulyo 15 hanggang Setyembre 3 ay mararanasan ng mga Hello Kitty fans ang naiibang matsuri na may temang “Summer Illumination” kung saan papailawan ang mahigit sa kalahating milyong light bulbs.

Maaaring pumili ang mga bisita ng theme park sa dalawang klase ng matsuri: ang “Daytime Character Festival” at ang “Nighttime Illumination Festival” na isasagawa buong araw na bukas ang Puroland.

Papangunahan ni Hello Kitty ang “Daytime Character Festival” kung saan may pop illumination show na tatawaging “Sparkle.” Magtatayo rin ng mga stalls kung saan makakabili ng mga espesyal na Hello Kitty at Gudetama items. Magsasagawa rin ng “Cinnamoroll Bon Dance Festival” kung saan aanyayahan ang lahat na makisayaw kasama ang mga Sanrio characters para sa naiibang Puroland festival style.

Sa “Nighttime Illumination Festival” naman ay mapupuno ng ilaw ang main area na lilikha ng romantikong kapaligiran. Sisimulan ito sa pamamagitan ng isang taiko drum performance. Magsasagawa rin ng nighttime festival marching parade kung saan iimbitahan ang mga bisita na makikanta at makisayaw kasama ang mga paboritong Sanrio characters.

“Our summer festival is a much loved and popular event at Puroland and always features exciting new shows. As the number of foreign visitors per year increases, we would like to offer them the unique experience of a traditional Japanese Matsuri but with Sanrio characters.

“This is something special and only possible at Puroland. We subsequently launched a multilingual mobile site for our international fans making the communication easier,” pahayag ni Kentaro Kawai ng Sanrio Entertainment’s Puroland Sales Department.

Ito ang unang pagkakataon na gagamit ang Puroland ng crowdfunding bilang paraan para kasamang ilikha ang summer festival kasama ang mga bisitang dadalo rito. Ang mga sponsors ay maaaring pumili sa mga personalized presents kabilang ang “name plates for a sponsors’ wall” at “paper lanterns” na rito lamang makikita sa summer festival.


Ang Sanrio Puroland ay matatagpuan sa 1-31 Ochiai, Tama, Tokyo. Ito ay mararating 30 minuto sa pamamagitan ng train mula sa Shinjuku at isang oras naman mula sa Tokyo Station.

Martes, Hulyo 11, 2017

Naoya ‘The Monster’ Inoue: The world’s best junior-bantamweight continues his fierce power


“To be honest, I’m relieved. There is nothing scarier than fighting in a bout you are expected to win, but I was prepared for it,” ang pahayag ni reigning World Boxing Federation (WBO) super flyweight champ Naoya Inoue pagkatapos niyang pabagsakin si Mexican-American Ricardo Rodriguez sa pamamagitan ng knockout sa loob ng isang minuto at walong segundo sa third round na ginanap sa Ariake Colosseum, Tokyo kamakailan.

Ito na ang ikalimang pagkakataon na matagumpay na naidepensa at ikaapat na knockout win ng 24-taong-gulang na boxing champ mula sa Ohashi Gym para sa naturang titulo. Bunsod nito, naitakda ni Inoue ang kasalukuyang record na 13-0-0 (11 knockouts) kumpara sa 16-4-0 ng 27-taong-gulang na si Rodriguez.

Umpisa pa lang ng laban ay ipinakita na agad ni Inoue na ‘di siya magpapadaig kay Rodriguez at pinatikim na nito ang Mexican ng malalakas na suntok. Mas lalong dinomina ni Inoue si Rodriguez pagpatak ng second round nang magpakita ito ng southpaw style at pinatamaan ng malakas na kaliwang suntok si Rodriguez na tuluyang nagpangatog sa Mexican.

Sunud-sunod na suntok ang pinaulan ni Inoue sa third round hanggang sa na-knockdown na nang tuluyan si Rodriguez. Nasundan ito ng isang dominant left hook na nagpayuko ulit sa Mexican at ‘di na siya muling nakatayo mula rito.

Most awaited US debut

Bagaman ‘di pa sigurado ang lahat sa inaabangang U.S. debut ng Japanese champ, ayon naman kay Hideyuki Ohashi, Ohashi Promotions head at dating WBA/WBC strawweight title holder, ang susunod na laban ni Inoue ay gagawin sa U.S. kung saan dedepensahan niya ang junior bantamweight championship title nito ngunit wala pang detalye sa ngayon.
Saglit na bakasyon lang sa Hokkaido ang ginawa ni Inoue at agad ay bumalik na ang binata sa pag-eensayo sa Yokohama. At ngayon pa lamang ay may mga nakaplano na si Inoue bagaman isa na siyang two-weight world champion.

“I would like to win a world champion in my third weight class, bantamweight, and make some unification bouts,” aniya sa Ring TV.

The power fist of Kanagawa

Si Inoue ang no. 1 rank best junior bantamweight ng The Ring magazine at Transnational Boxing Rankings Board at no. 3 naman sa rankings ng BoxRec. Ipinanganak sa Zama, Kanagawa ang 5’ 4½’ na boxing champ na may 67½’ reach, na ngayon ay nakatira na sa Yokohama.

Bago pa maging professional ay maganda na ang naghihintay na kinabukasan niya sa boxing Nanalo siya sa Japanese Interscholastic Athletic Meeting, Japanese Junior National Championships, Japanese Junior Selection Tournament, Asian Youth Championships Iran, at 21st President’s Cup Indonesia.

Nag-debut ang Kanagawa native noong Oktubre 2, 2012 kontra kay Filipino champ Crison Omayao at nagwagi sa isang fourth-round knockout.  Mula rito, maraming titulo na napagtagumpayan ni Inoue, maging mga kampeon gaya nina Ngaoprajan Chuwatana,  YÅ«ki Sano, Ryoichi Taguchi, at  Omar Andrés Narváez.

Huwebes, Hunyo 8, 2017

Bagong logo ng Tokyo inilunsad para itaguyod ang turismo sa ibang bansa

Kuha mula sa Tokyo Metropolitan Government

Inilunsad na ng Tokyo Metropolitan Government (TMG) ang bagong logo at slogan ng lungsod para i-promote ang turismo nito sa ibang bansa kamakailan.

Gagamitin ang logo na may slogan na “Tokyo Tokyo Old Meets New” sa iba’t ibang promotional activities para epektibong ipakilala ang mga atraksyon ng Tokyo.

Makikita sa disenyo ng logo ang pagkakasulat sa “Tokyo” gamit ang dalawang klase ng fonts at kulay para ibahagi ang imahe ng siyudad. Ang kaliwang “Tokyo” na isinulat gamit ang black brushstrokes at ang kanang “Tokyo” na isinulat gamit ang light-blue Gothic font.

“The brushstroke of Tokyo and Gothic block typeface of Tokyo represent the originality of the city, where traditions dating back to the Edo period (1603-1868), coexist alongside the cutting edge culture of today,” ayon sa website ng TMG.

“The tradition is expressed in black ink, while the new Tokyo is expressed in blue, like the sky spreading forward to express the innovative future,” saad pa rito.


Sa gitna ng dalawang logo ay makikita ang maliit na traditional stamp na nagpapakita sa isa sa pinakakilalang landmarks sa Tokyo, ang Shibuya “scramble” crossing, isa sa pinakaabalang intersections sa buong mundo.

Miyerkules, Nobyembre 30, 2016

Japanese businessmen hinimok ni Duterte na mamuhunan sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Japanese businessmen na mamuhunan sa Pilipinas sa mga sektor ng manufacturing, infrastructure, agriculture at energy sa kanyang pagdalo sa Philippine Economic Forum.

“We would like to see more investors and businesses setting up shops in the Philippines,” pahayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa harap ng 1,000 partisipante na dumalo sa business forum na ginanap sa Prince Park Tower Tokyo Hotel noong Oktubre 26.

Sinabi rin ng Pangulo na patuloy na magiging prayoridad ng Pilipinas ang Japan lalo na at ginugunita ngayong taon ang ika-60 taon ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa.

“We look to Japan as a steady fulcrum in our regional engagement as the Philippines’ first and only bilateral free trade partner today,” aniya.

Dinagdag din ni Duterte na ang Japan ang pangunahing trade partner ng bansa, pangunahing pinagmumulan ng pamumuhunan at pangalawang pinagmumulan ng official development assistance (ODA).

Ayon pa sa Pangulo, determinado ang pamahalaan na makalikha ng mas maraming trabaho sa pamamagitan ng mas madali at mas kaakit-akit na pagnenegosyo sa bansa.

Umaasa rin si Duterte na patuloy na susuportahan ng Japan ang hangarin ng Pilipinas na pagtataguyod sa rural development, pagtaas ng agriculture productivity, pagpapabilis ng infrastructure spending at pamumuhunan sa human capital development.

Tiniyak din ng Pangulo sa mga Japanese businessmen na ang kanyang pagbisita sa China ay tungkol lamang sa ekonomiya at hindi tungkol sa usapin sa seguridad.

“You know I went to China for a visit. And I would like to assure you that all there was, was economics. We did not talk about arms. We avoided talking about alliances,” aniya.

Nangako rin si Duterte na papanig sa Japan pagdating sa usapin sa South China Sea.

Umangat ang gross domestic product ng Pilipinas sa 6.3 porsyento sa nakalipas na mga taon kaya naman itinuturing ito bilang isa sa fastest growing economy sa buong mundo.

Lunes, Oktubre 24, 2016

Pinoy trainee sa Japan namatay dahil sa ‘karoshi’ –Labor Ministry


Kinumpirma ng Health, Labor, and Welfare Ministry ng Japan na namatay dahil sa “karoshi” o sobrang pagtatrabaho ang 27-taong-gulang na Filipino trainee na kinilalang si Joey Tocnang.

Nagsimulang magtrabaho si Tocnang sa isang casting company sa Gifu Prefecture bilang tagaputol ng bakal at tagapinta ng kemikal sa mga molde noong 2011. Namatay ito noong 2014 dahil sa atake sa puso.

Ayon sa Labor Ministry, umabot sa 122.5 ang overtime hours kada buwan ni Tocnang na maaaring naging sanhi ng atake sa puso. Bukod dito, sinabi ng tanggapan na labag sa Japan labor laws ang pagkakaroon ng ganoong karaming oras ng overtime sa trabaho.

Naiwanan ni Tocnang ang kanyang maybahay at anak.

Sinabi ng Advocacy Network for Foreign Trainees in Tokyo na ito na ang ikalawang pagkakataon na kinilala ng Japan ang kaso ng pagkamatay ng isang dayuhan bilang karoshi. Nauna nang namatay ang isang Chinese noong 2010, na noo’y nagtatrabaho sa metal casting company sa Ibaraki, dahil sa sobrang pagtatrabaho.

Batay sa pahayagang Asahi Shimbun, ipinag-utos noong Agosto ng Labor Ministry na ibigay ang dapat na death compensation sa pamilya ni Tocnang kung saan makatatanggap ito ng ¥3 milyon lump sum payment at ¥2 milyon kada taon bilang survivor’s annuity.

Linggo, Mayo 29, 2016

Toden Arakawa Line: Isa sa mga natitirang streetcar sa Tokyo

Ni Herlyn Alegre


Ang Toden Arakawa Line ay isa sa dalawa na lamang na natitirang street car sa Tokyo. Ang isa ay ang Tokyu Setagaya Line na nagsisimula sa Sangenjaya at nagtatapos sa Shimo-Takaido. Ang Toden Arakawa Line naman ay tumatakbo mula Waseda hanggang Minowabashi, may habang 12 kilometro at tumatagal ng 50 minuto ang byahe. Mainam gamitin ang Toden Arakawa Line tuwing spring dahil marami itong nadadaanang magagandang lugar na puno ng cherry blossoms. Kung summer naman, nalilinyahan ng malalaking mga rosas ang dinadaanan ng tram mula Arakawa-nanachome hanggang Minowabashi.
           
Ilan sa mga madadaanan ng tram ay ang mga sumusunod na pasyalan:

Asukayama Park. Ang Asukayama Park ay puno ng mga cherry trees na sinasabing ipinatanim pa ng shogun na si Tokugawa Yoshimune nang unang magbukas ang park noong 1873. Pero hindi lamang “hanami” ang maaaring gawin sa loob ng park, mayroon din itong tatlong museums – Ang Kita City Asukayama Museum, ang Shibusawa Memorial Museum at ang Paper Museum. Makikita rin sa loob ng park ang dalawang lumang tren, isang tram car at isang steam locomotive train na minsang ginamit sa Japan. Maaaring bumaba sa Asukayama Station ng Toden Arakawa Line upang mapuntahan ito.

Arakawa Yuenchi. Sa halagang ¥200 sa matatanda at ¥100 sa mga bata, maaari nang makapasok sa Arakawa Yuenchi at sumakay sa iba’t ibang rides dito. Siyempre hindi mawawala ang carousel at ferris wheel. Bagama’t maliit lang at walang masyadong iikutan, mainam pumasyal dito kung gustong iwasan ang matao at magulong bahagi ng Tokyo. Tamang-tama ito sa mga pamilyang gustong mag-bonding tuwing araw ng Linggo. Sa gilid ng daan papunta rito ay makikita ang maliliit na mga lumang tindahan na nagbabalik ng mga alaala ng Showa Japan. Nagbebenta ang mga ito ng “kakigori,” choco banana at ilang mga maliliit na laruan at pagkaing pambata. Arakawa-Yuenchimae ang pinakamalapit na istasyon ng tram dito.

Sugamo. Kung ang Harajuku ay kilala bilang fashion street ng mga kabataan, kilala naman ang Sugamo na tambayan ng mga “obaachan.” “Obaachan’s Harajuku” kung tawagin nila. Makikita rito ang isang mahabang kalsada na nalilinyahan ng mga tindahang nagbebenta ng mga goods na tiyak na patok sa mga obaachan tulad ng mga tungkod, mga bag na may gulong, mga maluluwag at makukulay na damit at mga murang rain boots. Makikita rin na ibinibenta rito ang mga pulang panloob na karaniwang isinusuot ng mga obaachan bilang pampaswerte. Sa dulo ng mahabang shopping street ay makikita ang Koshinzuka Station ng Toden Arakawa Line. Sa kabilang dulo naman matatagpuan ang Sugamo Station ng JR Yamanote Line.
           
Zoshigaya Cemetery. Bagamat hindi ordinaryong pasyalan ang sementeryo, maraming dumadalaw sa Zoshigaya Cemetery hindi lang para dalawin ang kanilang mga mahal sa buhay kundi para silipin na rin ang libingan ng ilang kilalang tao na nakahimlay dito. Isa na rito si Natsume Soseki, isang kilalang nobelista na nagpasikat ng mga nobelang “Kokoro,” “Botchan” at “I am a Cat.” Dati rin nakalagay sa likod ng ¥1,000 bill ang kanyang mukha bago ito palitan noong 2004. Nasa tapat lamang ng sementeryo ang Toden-Zoshigaya Station.

Minowabashi. Dito matatagpuan ang Joyful Minowa, isang mahabang shopping street kung saan tila makakabili ng kahit ano – mula sa mga murang gulay at prutas, tinapay, tsaa, at mga Japanese snacks, hanggang sa mga damit, sapatos, gamit sa bahay tulad ng mga pang-luto at plato, mga sariwang bulaklak at marami pang iba. Hindi kalayuan sa Minowa matatagpuan ang estatwa ni Yabuki Joe, ang kilalang boksingero na bumida sa manga na “Ashita no Joe” na isinulat ni Ikki Kajiwara at iginuhit ni Tetsuya Chiba. Nagkaroon din ito ng live action noong 2011 kung saan gumanap ang kilalang idol na si Yamashita Tomohisa, mas kilala sa tawag na YamaPi, bilang Joe. Mayaman din sa kasaysayan ang lugar na ito dahil dito matatagpuan ang dating execution grounds noong Edo Period na ngayon ay natabunan na ng sala-salabat na riles ng tren. Minowabashi ang huling istasyon ng Toden Arakawa Line.


Sa halagang ¥400 ay maaaring makabili ng one-day unlimited pass sa Toden Arakawa Line na magbibigay ng pagkakataon sa pasahero na bumaba sa kahit anong istasyon at tuklasin ang sulok ng downtown Tokyo na tila nagbabalik ng mga alaala ng Showa Japan.

Linggo, Agosto 9, 2015

Problema sa turismo ng Pilipinas

Ni Rey Ian Corpuz

Isa pa rin malaking hamon para sa sektor ng ating turismo kung papaano nito mapapataas ang bilang ng mga bumibisitang dayuhan. Ang Japan, halimbawa, ay kaliwa’t kanan ang mga programa tulad ng advertising sa lokal na telebisyon at maging sa social media sites gaya ng blogs.

Hindi naman papahuli ang Pilipinas na kung saan kamakailan lang ay naging agaw-atensiyon ang pagpaskil ng mga magagandang tanawin sa labas ng tren ng Yamanote Line sa Tokyo at kung international exposure ang pag-uusapan ay maraming taxi at bus na bumabaybay sa London na kung saan nakapaskil din ang “More Fun in the Philippines” slogan at posters.

Ngunit ayon sa datos ng Department of Tourism noong 2014, nagtala lang ng 463,744 na mga Hapon ang bumisita sa Pilipinas, pangatlo sa pinakamalaki sunod ng South Korea (1,175,472 katao) at Amerika (722,750 katao).           

Kung ating ikukumpara sa mga kapitbahay natin sa ASEAN, medyo kulelat po tayo. Ang mga turistang Hapon sa Thailand ay umabot ng 1,265,307 noong 2014, sa Vietnam ay umabot ng 647,956 at Indonesia na nasa 620,722 katao.

Bakit kaya? Marami namang Pilipino rito sa Japan. Sigurado akong karamihan sa atin ay mga tourist ambassadors kung saan ipinagmamayabang natin ang ating bansa. Tama ba? Pero sa pamamalagi ko rito ng halos pitong taon, may nakikita akong problema na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos.

1. Walang direktang eroplano papunta sa destinasyon. Sa totoo lang, lahat ng mga Hapon na kilala ko ayaw nang magpalipat-lipat ng eroplano. Gusto nila ay kung ano iyong pupuntahan nila na lugar ay doon lang. Sa ngayon ang NAIA lang sa Manila at Mactan sa Cebu ang may direktang flights mula sa Japan. Kung ibibida natin ang Boracay na worldclass resort, kailangan nilang mag-domestic flight mula sa NAIA o sa Cebu. Sa Japan, “time is platinum.” Hindi basta-basta nakakapagbakasyon ang mga tao at kung pwede man, gusto nila hindi “mendokusai” at mabilis.

2. Poor transportation infrastructure. Isa ito sa mga reklamo ng aking kaibigan. Sabi niya, mas kaya pa raw niya na pumunta ng Paris nang mag-isa. Papaano naman ay galing airport hanggang sa hotel ay kaya niyang mag-tren. Kagaya na lang dito sa Japan, kahit saang major international airport ka dumaong, kaya mong pumunta kahit saan sa pamamagitan ng tren o bus o hindi kaya ay fast craft gaya ng sa Kansai. Sa Pilipinas, kailangan mong pumakyaw ng taxi, swerte ka lang kung hindi ka lolokohin sa presyo. Walang bus sa atin sa Pilipinas na pwedeng sakyan ng mga turista galing airport at lalong walang tren.

3. Manlolokong taxi drivers. Lalung-lalo na sa Metro Manila. Kahit ordinaryong Pilipino ay walang sinasanto ang mga taxi drivers. May mga mabubuti naman din na mga driver pero karamihan namimili ng pasahero, hindi ginagamit ang metro, pakyaw system, humihingi pa ng dagdag at marami pang iba.

4. Kulang sa value-added services ang mga bakasyunan. Halimbawa, dito sa Japan, kung gusto nilang magbakasyon tulad ng onsen, ay may ibang activities na pwedeng gawin ang mga Hapon sa isang resort tulad ng pagpapamasahe o sightseeing sa lugar na malapit sa hotel. Sa Pilipinas, ‘pag dagat, dagat lang. Iyong iba siguro ay may mga restaurants pero karamihan kulang ang serbisyo. Maliban sa main activity, dapat ang mga resorts sa atin ay may mga sub-activities din na pwedeng i-offer sa mga bisita.

5. Kultura ng panloloko sa mga dayuhan. ‘Di porket dayuhan ang customer ay bigla mong tataasan ang presyo ng iyong serbisyo o paninda. Ito ay malaking pagkakamali ng mga Pilipino. Dapat maging tapat tayo sa pagnenegosyo. Hindi porket may pera sila ay ibig sabihin mayaman sila. At hindi porket hindi nila alam ang ating lenggwahe ay pwede na natin silang lokohin.

6. Kulang sa cultural at heritage sites. Mabibilang lang sa mga daliri ang ating UNESCO World Heritage sites tulad ng sa Bohol at Vigan. At karamihan pa nito ay puro simbahan lang. Kung pupunta ka sa siyudad, puro lang malls ang mapupuntahan mo. Kulang na kulang tayo sa park at mga pasilidad na nagpapakita ng ating kultura tulad ng mga museo. Ang mga Hapon ay hindi pupunta sa Pilipinas kung ipapagmayabang mo lang ang SM Mall of Asia at Ayala Mall. Ang kakulangan ng mga ganitong kaakit-akit at magandang tanawin na pwedeng bisitahin ang isa rin sa mga dahilan kung bakit kaunti lang ang mga dayuhan lalo na ang mga Hapon na bumisita sa ating bansa.

Martes, Hulyo 14, 2015

Bidding para sa dagdag na sports event sa Tokyo 2020, binuksan

Ni Florenda Corpuz

Tokyo, Japan – Pormal nang binuksan ng Tokyo 2020 Organising Committee ang application process para sa karagdagang sports events sa darating na 2020 Tokyo Olympics, ito ay kasunod nang pag-apruba ng International Olympic Committee (IOC) sa Olympic Agenda 2020 noong Disyembre.

Tutukuyin ng Tokyo 2020 Additional Event Programme Panel ang isa o dalawang karagdagang sports event na imumungkahi ng Tokyo 2020 sa IOC batay sa ilang mahahalagang alituntunin.

“The additional event(s) will serve as a driving force to promote the Olympic Movement and its values, with a focus on youth appeal,” pahayag ng kumite.

“The additional event(s) will add value to the Games by engaging the Japanese population and new audiences worldwide, reflecting the Tokyo 2020 Games vision,” dagdag pa nito.

Sinabi rin ng kumite na magiging bukas at patas ang selection procedure.

Naglunsad ang Tokyo 2020 Organising Committee ng two-stage procedure kung saan ang una ay inimbitahan ang mga IOC Recognised International Federations (IF) na magpasa ng aplikasyon.

“Phase I will involve response forms, which will include a brief set of questions, being sent to all IOC Recognised International Federations (IF) that control sports currently not on the Tokyo 2020 Olympic Games programme and that are not exclusively practiced on snow or ice.”

Pag-aaralan ng Additional Event Programme Panel ang mga aplikasyon kung saan ang mga mapipili ay dadaan sa Phase II na magsisimula sa Hunyo 22.

“The Additional Event Programme Panel will examine each application to ensure that it complies fully with Tokyo 2020’s key principles.”

Magsasagawa ng presentasyon ang mga finalists sa Tokyo sa darating na Agosto habang magbibigay naman ng rekomendasyon ang kumite sa IOC sa Setyembre 30. Maglalabas ng pinal na desisyon ang IOC sa Agosto 2016 sa Rio de Janeiro.

Ilan sa mga paboritong laro na kinukunsidera ay ang baseball, softball at karate.

Samantala, isinabatas naman ng Diet kamakailan ang bill kung saan isang sports agency sa ilalim ng pamamahala ng Ministry of Education, Culture, Sports, Science and Technology ang ilulunsad upang mangasiwa sa sports administration bago ang 2020 Tokyo Olympics. Inaasahan na mas palalakasin nito ang performance ng mga atletang Hapon.

Martes, Marso 3, 2015

Cardinal Tagle, bumisita sa Japan

Ni Florenda Corpuz
Facebook photo: Roman Catholic Archdiocese of Tokyo


Tokyo, Japan – Bumisita sa bansa ang lider ng simbahang Katoliko ng Pilipinas na si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle mula Pebrero 1 hanggang 3 upang dumalo sa isang pagtitipon sa Osaka.

Dinaluhan ng kardinal ang ika-400 taong kamatayan ni Dom Justo Takayama Ukon noong Pebrero 1. Si Dom Justo Takayama Ukon ay isang Christian Daimyo noong Edo period. Iniwan niya ang nakasanayang buhay at mga pag-aari sa Japan at mas piniling isabuhay ang Catholic Christian faith sa Pilipinas. Siya ang kauna-unahang Daimyo na inilibing sa bansa noong panahon ng Kastila.

Bago bumalik sa Pilipinas ay nagsagawa ng misa si Cardinal Tagle sa St. Mary’s Cathedral sa Tokyo noong Pebrero 2 na dinaluhan ng humigit-kumulang 1,000 mga Katolikong Pilipino at dayuhan.

Nagpahatid ng pakikidalamhati ang kardinal sa mga Pilipino at Hapon kasunod ng pagkakapaslang sa 44 na Special Action Force (SAF) men at ang pagpugot sa ulo ng dalawang Japanese nationals na gawa ng mga terorista.

“The Filipino and the Japanese people are united in grief in our suffering.” pahayag ni Tagle.

“Let our communion and solidarity be translated into common action for truth, love, respect for human life and peace,” dagdag ng kardinal.

Samantala, matapos ang misa ay tuwang-tuwa ang mga dumalo na lumapit at makapagkuha ng litrato kasama ang kardinal sa labas ng simbahan.


Linggo, Agosto 10, 2014

Angelina Jolie, Elle Fanning nag-promote ng pelikula sa Japan

Ni Florenda Corpuz


Elle Fanning at Angelina Jolie
(Kuha ni Din Eugenio)
TOKYO, Japan – Muling bumisita sa bansa ang Hollywood actress at UN Goodwill Ambassador na si Angelina Jolie kasama ang kanyang mga anak upang dumalo sa premiere ng kanyang pelikulang “Maleficent” na ginanap sa Ebisu Garden Place kamakailan.

Lumapag sa Haneda Airport ang eroplanong sinasakyan ng magaling na aktres kasama ang apat na anak na sina Pax, Shiloh at kambal na sina Knox at Vivienne na unang beses lumabas sa pelikula. Bago ang premiere ay ipinasyal muna ng aktres ang mga anak sa Shibuya kung saan sila ay nagtungo sa Kiddyland at kumain ng masarap na shabu-shabu.

“I always love Japan. I’ve been here many times and I look forward to the next time,” pahayag ng 39-taong-gulang na aktres.

Unang beses naman sa bansa ng 16-taong-gulang na si Elle Fanning na kasama rin dumalo sa Japanese premiere ng kanilang pelikula kung saan siya gumanap bilang si Princess Aurora. Namasyal muna sa Harajuku ang batang aktres bago ang premiere.
           
“This is my first time in Japan and I love it. It’s fantastic and you guys are so great and so sweet,” masayang sambit ni Fanning.

Hindi binigo ng “Maleficent” stars ang kanilang mga Japanese fans at supporters na ilang oras na naghintay sa kanilang pagdating sa red carpet. Sakay ng black Mercedes Benz, unang bumaba sa red carpet si Fanning suot ang puting Alexander McQueen gown. Siya ay masayang nagpaunlak ng interbyu sa mga tv crews, pumirma ng mga autographs at nag-selfie kasama ang mga fans.

Sunod naman na dumating ang eleganteng si Jolie suot ang itim na strapless Atelier Versace dress na masaya rin nakihalubilo sa mga fans.

Panay ngiti ang dalawang aktres pagharap sa mga photographers para sa isang photocall sa entablado.

 “Hello, Japan! Good evening! Thank you so much for coming out. We’re so excited to be here with all of you and we hope that you enjoy the film,” bati ni Jolie sa kanyang mga fans.

“I think what is unique about this film is that it follows a character that we’ve known as a villain; that I think the lesson we all know is that for all of us who have felt different or bullied or less than, we feel that way sometimes. But then we have the choice to rise above and to change and also love others, we can do that. I think it’s a very strong message for all people, especially children,” sagot ng aktres sa tanong kung ano ang mensahe ng pelikula.

“I think that love comes in all forms. It’s not just a romantic love, but there’s also love for your mom, your dad and your grandparents. I think that our film shows that it comes in all shapes and sizes. Love is all around you and it’s not difficult to find it,” sagot naman ni Fanning.

Ang “Maleficent” ay tungkol sa untold story ng kontrabida sa “Sleeping Beauty.” Ito ay may elemento ng panlilinlang na naging dahilan upang ang kanyang mabait na puso ay naging bato. Ito na ang pinakamalaking box office opening ni Jolie sa UK at Ireland na umabot sa £1.5 million. Ipinalabas ito sa Japan noong Hulyo 5.

Lunes, Hunyo 2, 2014

Mga awit ng papuri at pag-ibig ng FilCom Chorale

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

“Music is the language of the soul,” ay isang kasabihan na nagpapaalaala sa ating sarili
Kung ano ang nagagawa ng musika sa atin kahit anumang emosyon ang ating pinagdaraanan. Kagaya na lamang ng concert na iprinisinta ng FilCom Chorale kamakailan sa Shibuya Cultural Center Owada – Sakura Hall sa Shibuya, Tokyo.

Pinamagatang “Nostalgia,” inawit ng FilCom Chorale ang 27 na mga kanta na puro classic Filipino songs na patungkol sa Diyos, Inang Bayan, papuri at pag-ibig. Ilan sa mga ito ay ang “Sa Ugoy ng Duyan,” “Paruparong Bukid,” “Tilibum,” “Ili-ili,” “Sa Libis ng Nayon,” “Magtanim ay ‘Di Biro,” “Kalesa,” “Ang Dalagang Pilipina,” “Manang Biday,” “Sarung Banggui,” “Pobreng Alindahaw,” “Dandansoy,” at Usahay.”

Kinanta rin nila ang “Dahil sa Isang Bulaklak,” “O Ilaw,” “Dahil Sa Iyo,” “Ikaw ang Mahal Ko,” “Katakataka,” “Maalaala Mo Kaya,” “Minamahal Kita,” “Lahat ng Araw,” “Diyos Lamang ang Nakakaalam,” “Saan Ka Man Naroroon,” “Gaano Kita Kamahal,” “Bayan Ko,” “Pilipinas Kong Mahal” at “Ako ay Pilipino.”

The FilCom Chorale group was informally organized in November 2013 upon the request of the former Philippine Embassy Consul General Solphie Confiado for them to sing at the Holy Mass which is the first gathering with President Noynoy Aquino and the Filipino community in Japan.  According to FilCom Chorale’s Musical Director, Dr. Mel Kasuya, because they were “driven by the passion for music and the commitment to serve, the members easily re-grouped in time for the 2nd Filipino Community Gathering with President Aquino in September 2011.”

Sa kasalukuyan, ang FilCom Chorale ay binubuo ng 24 na miyembro na kinabibilangan ng mga Musical Directors na sina Ms. Mel Zulueta-Kasuya at Ms. Leith Casel-Schutz (pianist); Sopranos – Angie Saito, Emily Mizuno, Emily Suarez, Janet Navarro, Josie Mori, Liz Dojo, and Norma Go; Tenors – Chino Caddarao, Dexter Pellerin, Jo Gel Santiago, Reyven Osorio, and Ernie Lumenario; Altos – Becky Pellerin, Julfa Torii, Kareem Yongque, Lilian Shiina, and Narisa Iju; Bass – David Genesis Cruz, Deck Ortiz, Elmer Casilang, Leroy Llorente, at Ricky Buenaventura. 

Talaga namang maipagmamalaki natin silang mga kababayan dahil sila ay very committed sa kanilang advocacy sa pamamagitan ng pag-donate ng proceeds ng kanilang concert sa ANCOP Foundation para sa pag-opera ng mga batang may cleft palette.

Lahat ng mga dumalo sa pangunguna at suporta ng mga Philippine Embassy in Japan officials na sina Ambassador Manuel Lopez, Minister of Cultural Affairs Angelica Escalona, Minister/Consul General Jocelyn Tirol-Ignacio, former Consul General & Mrs. Solphie Confiado, at ilang Filipino priests, ay talaga namang nag-standing ovation at nagre-request ng pa ng encore dahil sa napakagandang blending ng mga boses ng FilCom Chorale group.  Kahit mga Japanese at iba pang nationalities na nanood ay natuwa at tila nakapag-relax sa mga musikang inihandog ng grupo kahit ‘di man nila naintindihan ang bawat salita sa mga kanta.

Ang FilCom Chorale ay mapapanood din sa mga major Filipino gatherings sa Japan gaya ng yearly “Barrio Fiesta” at mga pagtitipon sa Philippine Embassy sa Tokyo, at iba pa, kaya naman tuwing Miyerkules ng gabi ay nagkikita-kita ang mga miyembro  upang mag-ensayo.

Nawa ay may napulot tayong mga aral sa buhay sa pamamagitan ng mga gawain ng ating mga kababayan sa FilCom Chorale. 


Katatapos lang po ng Mother’s Day last May 11 at heto naman po ang Father’s Day sa June 15, ngunit hindi lang po sana minsan sa isang taon ang pagpapakita natin ng pagmamahal at paggalang sa ating mga magulang.  Let’s remember that among the ten commandments of God, only the 4th commandment has God’s promise, “Honor your father and your mother, so that you may live long in the land the Lord your God is giving you.” (Exodus 20:12)

Martes, Marso 25, 2014

Fujimi property sa Tokyo, iprinoklamang national historical landmark

Ni Florenda Corpuz

Ambassador Manuel Lopez and NHCP Chair Maria Serena Diokno unveil the historical marker at the property’s entrance, assisted by (L-R) Philippine-Japan Society President Francis Laurel, former Ambassador Jose Macario Laurel IV and former National Historical Commission of the Philippines Chairman Ambeth Ocampo.

TOKYO, Japan – Pormal nang iprinoklama ang official residence ng Philippine ambassador sa Japan bilang kauna-unahan at nag-iisang national historical landmark sa labas ng Pilipinas.

Ayon sa NHCP Guidelines on the Identification, Classification, and Recognition of Historic Sites and Structures in the Philippines, ang isang National Historical Landmark ay “site or structure closely associated with a significant historical event, achievement, characteristic, turning point or stage in Philippine history.”

Sa isang seremonya na ginanap sa Fujimi, Chiyoda-ku noong Marso 3, ipinakita ang historical marker kung saan nakasaad ang mga katagang “Ipinahayag bilang pambansang palatandaang pangkasaysayan sa bisa ng resolusyon blg. 1 ng pambansang komisyong pangkasaysayan ng Pilipinas. 11 Marso 2013.”

Nanguna sa seremonya sina Philippine Ambassador to Japan Manuel M. Lopez at National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Chair Dr. Maria Serena I. Diokno at sinaksihan ng mga opisyal ng Embahada at Japanese Foreign Ministry. Dumalo rin sa pagtitipon sina dating NHCP Chair Dr. Ambeth R. Ocampo at ilang miyembro ng pamilya Laurel sa pangunguna nina Philippines-Japan Society, Inc. President and Director Francis C. Laurel at dating Philippine Ambassador to Brazil Jose Macario Laurel IV.

“This is a historic and momentous occasion that honors the history and national patrimony of the Philippines,” pahayag ni Lopez.

Matatagpuan sa loob ng 4,500-square meter na pag-aari ng Tokugawa Shogunate, ang Iberian-style residence ay unang itinayo noong 1934 ng pamilya ng kilalang negosyante na si Baron Zenjiro Yasuda, ang great-grandfather ni Yoko Ono na maybahay ng yumaong Beatles member na si John Lennon.

Ito ay binili ni dating pangulo Jose P. Laurel para sa pamahalaan ng Pilipinas noong Marso 31, 1944.

Sa kasalukuyan, ang Kudan na siya rin tawag sa residence dahil sa lokasyon nito na malapit sa Kudanzaka hilltop, ay nagsisilbi bilang tahanan ng ambassador at sentro ng diplomasya at promosyon ng kultura ng Pilipinas.


 “Kudan is the crown jewel of the Philippine Foreign Service, and we should preserve this important part of our diplomatic legacy and heritage,” dagdag ni Lopez.

Lunes, Pebrero 3, 2014

Tokyo Disney Resort: ‘Happiness is here’

Ni Elvie Okabe
Kuha ni Elvie Okabe

Maligayang bagong taon para sa ating lahat ang malugod na pagbati ng Tokyo Disneyland at DisneySea sa kanilang pagdiriwang ng 30th anniversary na may temang “Tokyo Disney Resort 30th: The Happiness Year.” 

Upang mai-promote pa lalo ang Tokyo Disney Resort ay nag-anyaya sila ng mga media representatives mula sa television at local and international newspapers kamakailan at isa ang Pinoy Gazette na naanyayahan kamakailan lamang.  Thanks to the invitation of Tokyo Disney Resort’s Oriental Land Co., Ltd. through its Publicity Department’s Management Associate, Mr. Hiroshi Suzuki.  

Ang Disneyland Park sa Tokyo ay naunang nagbukas noong Abril 15, 1983 na sinundan ng DisneySea Park at tatlong Disney hotels (Disney Ambassador Hotel, Tokyo DisneySea Hotel Miracosta, and Tokyo Disneyland Hotel) kaya naman mayroon silang year-long celebration mula Abril 15, 2013 hanggang Marso 20, 2014 para sa lahat. 

Ayon sa website ng Tokyo Disney Resort, “during this year-long celebration, guests will be able to share new discoveries, wonder and excitement with their family and friends, as well as with the Disney characters and the cast members. 

“‘Happiness is Here’ is themed to various kinds of ‘happiness’ as expressed by the Disney characters.  Spanning a length of 500 meters and composed of 13 floats in seven themed units, this spectacular parade overflows with vibrant color, fun and exhilaration.

“All the guests are sure to have smiles on their faces as they watch the spectacular new parade.”


Dahil napakapopular ng Disneyland at DisneySea hindi lang sa mga bata kundi sa mga matatanda rin, sigurado akong nakarating na ang karamihan sa ating mga Pinoy dito sa Japan at paulit-ulit pa rin nating pinupuntahan dahil sa kakaibang kaligayahan habang nasa loob tayo ng dalawang nasabing parks.  

Mayroon pa nga akong nakadaupang-palad at nakuhanan ng litrato na grupo ng mga Pinoy na galing pa mula Ehime Ken at nag-bus ng mahigit walong oras upang magdiwang ng bagong taon doon.  Namamasukan daw sila bilang mga welders sa isang kumpanya sa Ehime Ken at ang karamihan sa kanila ay mga taga-Visayas sa Pilipinas.

Para sa mga Disney characters collectors, taon-taon ay naiiba rin ang special na bilihin o souvenir items gaya ng iba’t ibang designs ng Disney characters, Happiness Balloons, at iba’t ibang costumes ni Mickey Mouse from the past 30 years. 

“One of the special items is the interactive Happiness Sharing Pendant1 (2,500 yen) that can be used to experience the "happiness" at the five Happiness Sharing Spots in each of the two Parks.

By using the Happiness Sharing Pendant to collect three or more "happiness" lights, guests will be presented with an original pendant accessory. Tokyo Disneyland offers limited-edition special merchandise, including a display set of figures from the "Happiness Is Here" parade and diamond necklaces. At Tokyo DisneySea, special merchandise featuring Duffy and ShellieMay are being sold.”

Bukod sa mga attractions and rides ay mayroon din ang Disney Resort ng Ikspiari department store na may 140 shops, restaurants, at 16-screen cinema complex at ‘Club Ikspiari’ performance hall.