Ipinapakita ang mga post na may etiketa na columnist. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na columnist. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Showbiz sa Senado at Kongreso


Cesar V. Santoyo

Hindi maiiwasan na bigyan ng pansin ang mga balita sa social media hinggil sa mga kaganapan sa Mababa at Mataas na Kapulungan na naging kakumpitensya ng mga teleserye sa telebisyon.

Ang unang eksena ay ang pagpapatawag ng Senate committee on justice na noon ay pinangungunahan ni Senador Leila De Lima upang imbestigahan ang nagaganap umano na extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Lumantad ang aminadong “hired killer” na si Edgar Matobato na siya raw ay kabilang sa DDS o Duterte Death Squad. Hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Matobato at lumabas na nasa isang panig lamang ang hearing para sirain ang reputasyon ng Pangulo. Ito ang naging hudyat para ipanukala ni Senador Manny Pacquiao na ideklarang bakante ang posisyon ng committee on Justice ng Senado.

Pinalitan ni Senator Dick Gordon si Senador de Lima at makalipas ang matagal na deliberasyon ay inilantad ng una na may nakasampang kaso ng kidnapping for ransom laban kay Matobato.

Wika ng nanggigigil na Senador Gordon, “ang kasong kidnapping for ransom ni Matobato ay napakaimportanteng impormasyon. Isang kritikal na impormasyon na dapat naisiwalat dito sa senado… at upang makaiwas sa paguuusisa, nalinlang tayo ni Matobato.”

Pagkatapos ng mainit na pagtatalo sa pagitan ni Senador Gordon at Senador De Lima, muling nag-walkout ang huli sa pangalawang pagkakataon. At nang tatawagin muli ni Senator Gordon si Matobato para hingan ng paliwanag ang kanyang kasinungalingan ay napag-alaman na wala na ang “whistleblower.”

Ayon sa opisina ni Senator Trillanes kung saan nakasailalim sa proteksyon si Matobato na wala na ito para sagutin ang tanong ng panel dahil kailangan nitong umalis para hindi makumpromiso ang seguridad.

Ikinagalit ito siyempre ni Senator Gordon na nagwikang “Para bang noong mabuko na, biglang nawala na.”

Sa Kongreso rin ay may pagdinig ukol naman sa paglaganap ng ilegal na droga sa Bilibid Prison sa panahon ng pamamahala ng dating Justice secretary Leila De Lima. Kabaligtaran ng hearing sa Senado, ang sa Kongreso ay mas maraming may sinumpaang testigo patukoy sa katiwalian na ikinakaso kay De Lima. Patuloy pa rin ang pagdinig na ito at kung nasusundan, parang showbiz din ang paglalarga kung saan pati sex video ay pampadagdag sa interes ng publiko.

Showbiz ang dating ng Senado at Kongreso. Para bang nakalimutan na ang kasalukuyang pamahalaan at ang pamamalakad nito ay humahakbang pa lamang sa ika-100 araw ng panunungkulan.

Bilang ordinaryong mamamayan ay mahirap maghusga o kaya naman ay maniwala na lamang sa mga nagaganap. Subalit ang masasalamin sa bagong presidente ay ang paninindigan sa pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa.

Isang malaking hakbang sa loob ng 100 araw ng panunungkulan ng Pangulo ay ang pagpirma ng kasunduan tungo sa tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ang pagwawakas ng dekadang armadong pakikipaglaban ng National Democratic Front, New People’s Army at Communist Party of the Philippines.


Isa itong makasaysayang yugto ng ating bansa na may mas makabuluhang pagdinig na mas dapat igawad mula sa ating mga mambabatas. At sa ika-100 araw kung saan naganap ang pirmahan para sa kasunduan pang-kapayapaan ay patunay lamang na ang Pangulo ay tunay sa kanyang paniniwala at pangako ng kapayapaan sa bansa.

Pagsilip sa colonial mentality ng mga Pilipino


Ni Rey Ian Corpuz

Sa mga nakaraang buwan, ang mga salitang “colonial mentality” ay matunog na matunog sa mundo ng balita sa Pilipinas at sa mga talumpati ng ating Pangulong Rodrigo Duterte. Ano ba ang salitang ito? Ang salitang kolonyal ay nagmula sa salitang kolonya na ang ibig sabihin ay ang pagsakop at ang pamumuno ng isang dayuhang bayan o bansa sa isang mas maliit o mahinang bansa upang kontrolin nito ang ekonomiya, militar, pananalapi, kultura at iba pa.

Sa kasaysayan, ang Pilipinas ay naging kolonya ng Espanya sa loob ng 400 na taon. Sumunod nito ang mga Amerikano noong 1898 noong ibinenta tayo ng Espanya ayon sa Treaty of Paris. At sumunod naman ang mga Hapon noong World War II hanggang 1945.

Pagkatapos nito mas naging malapit ang mga Pilipino sa mga Amerikano dahil marami silang naitulong sa atin, unang-una, ang sistema ng ating edukasyon, istilo ng gobyerno, pamamahala, pananalapi, komersiyo at iba pa.

Dahil sa impluwensyang ito, mas naging bihasa tayo sa wikang Ingles kaysa sa ating sariling wika. Simula’t sapol, hindi man lang napagtuunan na dapat ang mga bagay sa wikang Ingles ay dapat may katumbas na salita sa Filipino. Ang ating Konstitusyon, mga nasusulat na batas, ang paglilitis sa korte at hudikatura, pananalapi, edukasyon at halos lahat ng aspeto sa buhay ay may bersyon sa Ingles.

Ano ba ang naging epekto nito sa atin? Marami. Ang mga Pilipino ay nasanay na nakasandal sa mga Amerikano. Hindi natin napagtuunan ang paglinang ng ating kultura dahil masyado tayong nakatutok sa kung ano ang uso sa ibang bansa.

Wala tayong masasabing totoong tradisyonal na mga laro o sports maliban sa arnis. Ang sungka, saranggola, holen, at iba pa ay nagmula sa bansang Tsina dala ng mga sinaunang nangangalakal. Hamak na tinatangkilik ng mga Pinoy ang American drama series at Hollywood movies.

Noong bata pa ako, naaalala ko na may mga komiks akong binabasa sa wikang Filipino. Dahil doon ay mas natuto akong magbasa sa wikang Filipino. Ngayon, wala na masyadong nagbabasa ng komiks. Mas pinapakinggan na rin ang mga usong kanta sa Amerika kaysa OPM. Kung ano ang teknolohiya sa Amerika ay dapat gagamitin din sa Pilipinas.

Puro na lang lahat nakadepende sa Amerika. ‘Pag sinabi ng Amerika, sunod kaagad ang mga Pilipino.
Ito ang kolonyal na pag-iisip.

Wala ba kayong napansin? Ang ating bansa sa kabuuan ay isang “consumer country” lamang. Wala tayong sariling kakayahan sa agham at teknolohiya para gumawa ng mga bagay-bagay. Ang mga sasakyan natin ay halos lahat imported. Bakit ang ibang maliliit na bansa ay may sariling car industry?

Ang bansang Hapon ay bumangon pagkatapos ng pagkatalo sa digmaan. Kasama nila ang Amerika sa pagbangon pero kahit kailanman ay hindi naging “dependent” ang mga Hapon sa mga Amerikano. Nakagawa sila ng mga sasakyan kahit pa man may Ford o Cadillac ang Amerika noon. Ang mga Hapon ay tinatangkilik ang Mizuno kahit pa man mas sikat ang Adidas o Nike. Matatag ang kanilang industriya sa pelikula at musika. Kahit pa man sabayan ng Hollywood film ang kanilang mga palabas o ‘di kaya ay bibisita si Ariana Grande sa Japan, ‘di hamak na mas malaki pa rin ang kita ng kanilang mga pelikula at mga musikero.

Ang kolonyal na pag-iisip ay tila isang sakit na kumakain sa kamalayang Pilipino. Kaya karamihan sa atin ngayon, lalo na ang media, ay pilit na hinahanapan ng “Filipino link” ang mga sikat. Halimbawa, may isang nakakuha ng gold medal na Singaporean, gagawan kaagad ng artikulo na dahil ang yaya ng naka- gold medal na Singaporean ay isang Pilipino. May isang magaling na kumanta sa isang sikat na talent show sa Amerika at UK, hahanapan kaagad ng link na may dugo itong Pinoy.


Ang mga bagay na ito ay isang pruweba na uhaw na uhaw ang mga Pilipino sa pagkilala. Bakit? Dahil ito sa mahabang panahon ng colonial mentality. Gumising na po sana tayo!

Martes, Hunyo 9, 2015

Top 6 na kumpulan ng mga Pilipino sa Japan

Ni Rey Ian Corpuz

Mga aktibidad na ginagawa ng mga Pilipino kung saan sila ay nakikitang grupu-grupo o ‘di kaya ay medyo maramihan.

  1. Misa tuwing Lingo (Sabado para sa ibang relihiyon). Karamihan ng mga simbahan sa mga malalaking siyudad sa Japan ay karamihan binubuo ng mga Pilipino ang kanilang miyembro. Halimbawa para sa mga Katoliko sa Tokyo, sikat ang simbahan sa Yotsuya (St. Ignatius), Roppongi (St. Francis) at Meguro (St. Anselmo) na karamihan mga Pilipino ang dumadalo lalo na sa English mass nito. Hindi lang ang mga nananampalataya kung hindi pati na rin ang mga kumakanta sa choir at mga tumutugtog sa misa ay karamihan binubuo ng mga Pilipino. Kalimitan ang Lingong misa ay nagiging mini-reunion ng mga dating magkatrabaho, kaklase o kahit na sinong Pilipino. Minsan lalo na sa mga baguhan dito sa Japan, ang simbahan ang isang magandang lugar upang makahanap ng taong pwedeng tumulong o gumabay sa iyo sa pasikot-sikot sa Japan. Kahit na ipinagbabawal, minsan marami kang nakikitang mga kapwa Pilipino na nagtitinda ng mga pagkain, kakanin at kung anu-ano pang gamit sa labas ng simbahan. Kapag wala namang naninitang pulis ay tiyak na maraming Pilipinong nagkukumpulan habang kumakain at nag-uusap sa gilid ng daan. Parang nasa Pilipinas lang ano?

  1. Christmas party at food bazaar sa mga lokal na simbahan. Tiyak na ito ang isa sa mga pinakasikat na aktibidad ng halos lahat ng simbahan, ang Christmas party. Sa Christmas party din, nararamdaman ng mga Pilipino rito ang totoong diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga regalo lalo na sa mga bata at ang ispiritwal na totong diwa ng Pasko. Tiyak din na may mga grupong Pilipino ang magpe-perform tulad ng sayaw, kanta o ‘di kaya ay isang dula ukol sa Nativity. At dahil potluck party, siguradong lahat ay nagdadala ng kani-kanilang sariling lutong Pilipinong putahe. Maliban sa Christmas party, ang mga international food bazaars o mga fund drive bazaars naman ang isang siguradong okasyon na maraming mga Pilipino. Mahilig tayong kumain at minsan nakakasawa rin ang puro mga Japanese food ang ating kinakain kaya’t tiyak na hindi mo matitiis na pumunta sa mga food bazaar.

  1. Fund raising activities ng mga Filipino groups at maging ng Philippine Embassy. Tulad ng Barrio Fiesta na taun-taun ginaganap, ito ay dinadagsa ng maraming Pilipino. Maraming mga sikat na artista galing Pilipinas ang pumupunta rito upang magbigay aliw at saya para sa ating mga kababayan. May mga fund raising din ang halos lahat ng mga aktibong grupo tulad ng “Lumad” at Samahang Pilipino na kung saan ay dinadaan nila sa konsiyerto at mga shows upang makatulong sa mga foundation sa Pilipinas. Walang humpay naman ang suporta ng mga kapwa Pilipino at maging ibang lahi kaya taun-taun ito ay nagiging matagumpay.

  1. Beauty pageants, singing at talent contests. Maraming magaganda at gwapong mga Pilipino na sumasali sa mga patimpalak na ito kaya marami rin na mga Pilipinong nanonood. Marami mga paligsahan sa pag-awit at pagpapakita ng talento ang ginaganap sa buong Japan ng bawat organisadong Pilipinong grupo kaya tiyak na dinudumog ito ng mga kapwa natin Pilipino.

  1. Bus tours ng mga Filipino groups. Isa sa masayang gawin kasama ng mga Pilipino ay ang bus tours. Mura na, masaya pa! Iyan ang isa sa mga pang-akit ng mga Filipino groups sa mga bus tours. Hindi mo na kailangan gumastos ng pagkamahal hindi tulad ng mga tours na naka-advertise sa mga sikat na travel agencies. Maganda pa dahil puro kayo Pilipino at hindi mo kailangan maging nakapakatahimik at talagang mararamdaman mo ang Filipino hospitality na ibang-iba sa kulturang Hapon. Mapa-onsen man, o mga flower parks, zoo, Mt. Fuji, factories, museums, at theme parks, lahat ito ay dinudumog ng mga Pilipino.

  1. Laban ni Manny Pacquiao. Sa may mga cable TV o magaling maghanap ng libreng online streaming, tiyak maraming Pilipino ang nagkumpulan noong Mayo 3. Masaklap nga lang at natalo ang ating “Pambansang Kamao” pero sa puso ng bawat Pilipino, si Manny Pacquiao pa rin ang champion. Rematch ba kamo? Hindi bale na lang. Kung ang makakalaban din naman niya ay takbo lang nang takbo, mabuti pa huwag na lang. Marahil maraming nagsigawan, hiyawan at nag-cheer para kay Manny noong Mayo 3. Tiyak na naging maingay ang pagtitipon ng mga Pilipino nating kababayan.

Martes, Pebrero 25, 2014

Ang pakikisama sa ibang tao

Elvie Okabe

Tayong mga Pinoy ay kilala sa pagiging matiisin lalo kung nasa ibang bansa tayo at madaling makabangon sa trahedya dahil sa nakangiti pa rin kahit inaabot na ng kamalasan.  Ngunit, karamihan sa atin ay napakasensitibo at kilala na mayroong ‘crab mentality’.  Pasintabi lang po, wala po akong pinatatamaan dahil lahat naman tayo ay may kaunti o sobrang pagkabalat-sibuyas pagdating sa mga nasasabi ng isang tao.  Anuman na kaunti ay tama naman siguro, ngunit kapag sobra na ay ‘di na maganda kaya siguro mainam itong new year’s resolution ng bawat isa sa atin. 

Happy Chinese New Year! Ngayong 2014 ay Year of the Horse at ang mga taong ipinanganak daw sa year of the horse ay may sense of humor. Sa taong ito, sana ay lagi tayong nakangiti at may positibong pananaw sa buhay upang maiwasan ang sobrang pagkabalat-sibuyas; bawas-bawasan ang komentong hindi maganda na maaaring makapanakit sa damdamin ng iba, at ibigay lahat ang papuri sa Diyos.

Ang pagkakaroon ng good sense of humor ng isang tao ay nararamdaman kung hindi natin dinidibdib ang mga pasaring at biro sa atin ng iba at ng tadhana.  “Smile and the world will smile at you” ika nga. Sabi nga rin ng mga doctor, “it takes lesser muscles to smile than to frown.” So, dapat kalimutan natin ang mga sama ng loob natin, at bagkus ay lutasin o harapin natin ang problema at mga responsibilidad sa buhay.   

Di ba natin napapansin sa ating sarili na habang ‘di natin nagagawa ang mga dapat gawin lalo na kung may deadline ay lalo tayong nag-aalala at hindi mapakali?  Ngunit, kung nalutas na natin sa hirap at tiyaga  ang mga bagay na dapat nating gawin ay nagkakaroon tayo ng kumpiyansa sa ating sarili at nagiging positibo muli ang pananaw natin sa buhay, di po ba?

Para sa ating mga nandito sa Japan, lalo na sa mga matatagal na rito, alam na natin siguro na tila napakabilis ng oras dahil sa kaabalahan sa mga gawain sa trabaho, lalo na kung sa factory o production pumapasok.  Ito ay dahil sa kultura ng mga Hapon na seryoso at ‘professional’ pagdating sa trabaho kahit anong uri man ito. 

Mahilig ang mga Hapon na pumuna hanggang sa kaliit-liitang bagay hinggil sa trabaho at sasabihin pa sa harap ng maraming tao.  Para sa mga Hapon ay ito ang tamang pagdisiplina kaya’t sanay sila sa pagpapakumbaba at paghingi ng paumanhin na may mga nakapaligid na tao kung napapagalitan o napupuna. 

Ngunit para sa ating mga dayuhan sa Japan, ito ay kahihiyan o napapahiya tayo sa harap ng iba dahil sanay tayong tinatawag sa isang lugar na walang nakakarinig upang punahin ang ating pagkukulang o pagkakamali sa ating trabaho.  Ito ay may maganda rin namang epekto sa atin (ayon sa mga nakasalamuha kung mga Pinoy na matagal ng nagtatrabaho rito sa Japan), at ito ay ang mga sumusunod:

1. Nagsusumikap tayong mabuti upang galingan pa ang ating pang-araw-araw na gawain;
2. Nababawasan ang ating pagkabalat-sibuyas o pagkamasintimiyento at nagkakaroon        tayo ng ‘good sense of humor’ sa pakikisama; at
3. Hinaharap natin ng pangiti-ngiti ang mga hirap sa pagtatrabaho at nagkakaroon tayo ng kumpiyansa na makisalamuha kahit kaninong tao, ngunit ang payo lang dito ay mag-ingat sa pagsasalita na maaaring makasakit sa iba.

Friends, countrymen, ‘di pa po huli ang lahat upang pag-isipan ng mabuti ang ating new year’s resolution dahil unang dalawang buwan pa lang ng taon.  Ang importante anumang oras, araw, o buwan ng taon ay maaari nating baguhin  ang maling ginagawa o itama ang mga maling pag-uugali. Ituon natin ang upang maging matagumpay tayo sa pakikisama, sa gawain na ang kalakip ay tagumpay sa pagkakaroon ng pera upang matupad natin ang ating mga pangarap at lalo pang makatulong sa ibang nangangailangan. 

Siyempre, huwag nating kalilimutan ang Diyos na Siyang pinanggagalingan ng lahat ng biyaya sa buhay at nagsasabi sa atin ng pangaral sa aklat ng Kawikaan (25:12-17):  “Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na ‘di hamak sa ginto o mamahaling alahas.  Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.  Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.  Sa malumanay na pakiusap pusong bato’y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.  Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito’y isuka mo lang.  Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo’y magsawa.”