Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Showbiz sa Senado at Kongreso


Cesar V. Santoyo

Hindi maiiwasan na bigyan ng pansin ang mga balita sa social media hinggil sa mga kaganapan sa Mababa at Mataas na Kapulungan na naging kakumpitensya ng mga teleserye sa telebisyon.

Ang unang eksena ay ang pagpapatawag ng Senate committee on justice na noon ay pinangungunahan ni Senador Leila De Lima upang imbestigahan ang nagaganap umano na extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Lumantad ang aminadong “hired killer” na si Edgar Matobato na siya raw ay kabilang sa DDS o Duterte Death Squad. Hindi kapani-paniwala ang testimonya ni Matobato at lumabas na nasa isang panig lamang ang hearing para sirain ang reputasyon ng Pangulo. Ito ang naging hudyat para ipanukala ni Senador Manny Pacquiao na ideklarang bakante ang posisyon ng committee on Justice ng Senado.

Pinalitan ni Senator Dick Gordon si Senador de Lima at makalipas ang matagal na deliberasyon ay inilantad ng una na may nakasampang kaso ng kidnapping for ransom laban kay Matobato.

Wika ng nanggigigil na Senador Gordon, “ang kasong kidnapping for ransom ni Matobato ay napakaimportanteng impormasyon. Isang kritikal na impormasyon na dapat naisiwalat dito sa senado… at upang makaiwas sa paguuusisa, nalinlang tayo ni Matobato.”

Pagkatapos ng mainit na pagtatalo sa pagitan ni Senador Gordon at Senador De Lima, muling nag-walkout ang huli sa pangalawang pagkakataon. At nang tatawagin muli ni Senator Gordon si Matobato para hingan ng paliwanag ang kanyang kasinungalingan ay napag-alaman na wala na ang “whistleblower.”

Ayon sa opisina ni Senator Trillanes kung saan nakasailalim sa proteksyon si Matobato na wala na ito para sagutin ang tanong ng panel dahil kailangan nitong umalis para hindi makumpromiso ang seguridad.

Ikinagalit ito siyempre ni Senator Gordon na nagwikang “Para bang noong mabuko na, biglang nawala na.”

Sa Kongreso rin ay may pagdinig ukol naman sa paglaganap ng ilegal na droga sa Bilibid Prison sa panahon ng pamamahala ng dating Justice secretary Leila De Lima. Kabaligtaran ng hearing sa Senado, ang sa Kongreso ay mas maraming may sinumpaang testigo patukoy sa katiwalian na ikinakaso kay De Lima. Patuloy pa rin ang pagdinig na ito at kung nasusundan, parang showbiz din ang paglalarga kung saan pati sex video ay pampadagdag sa interes ng publiko.

Showbiz ang dating ng Senado at Kongreso. Para bang nakalimutan na ang kasalukuyang pamahalaan at ang pamamalakad nito ay humahakbang pa lamang sa ika-100 araw ng panunungkulan.

Bilang ordinaryong mamamayan ay mahirap maghusga o kaya naman ay maniwala na lamang sa mga nagaganap. Subalit ang masasalamin sa bagong presidente ay ang paninindigan sa pagkakaroon ng kapayapaan sa bansa.

Isang malaking hakbang sa loob ng 100 araw ng panunungkulan ng Pangulo ay ang pagpirma ng kasunduan tungo sa tigil-putukan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ang pagwawakas ng dekadang armadong pakikipaglaban ng National Democratic Front, New People’s Army at Communist Party of the Philippines.


Isa itong makasaysayang yugto ng ating bansa na may mas makabuluhang pagdinig na mas dapat igawad mula sa ating mga mambabatas. At sa ika-100 araw kung saan naganap ang pirmahan para sa kasunduan pang-kapayapaan ay patunay lamang na ang Pangulo ay tunay sa kanyang paniniwala at pangako ng kapayapaan sa bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento