Miyerkules, Pebrero 27, 2013

Japan, naghigpit sa mga siklista

Ni Ramil Lagasca
Mas mahigpit na batas sa pagbibisikleta ang ipinatupad ng Japan.
Dahil marami ang ginagawang paraan ng transportasyon ang bisiklita sa Japan partikular na sa Tokyo, Osaka at Nagoya, nagpalabas kamakailan ang Tokyo District Public Prosecutor’s Office ng bagong alituntunin hinggil sa batas trapiko na may kinalaman sa bisikleta. Ito ay dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mgasiklista at sibilyan na naaaksidente.

Kung dati rati`y “blue ticket” lang ang ini-issue kapag lumabag sa batas bilang parusang administratibo, ngayon ay  magbibigay na rin ng“ red ticket” na nagpapataw ng mas mabigat na parusa o multa.

Tinatayang aabot sa Y50,000 ang maaaring bayarang multa ng mga siklista na mahuhuling lalabag sa batas trapiko at maaari rin makakusahan ng kasong criminal. Bukod sa batas trapiko, ilan sa papatawan ng parusa ay ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak na may multa Y1 milyon o pagkakakulong ng isa hanggang limang taon; paggamit ng gadgets tulad ng Ipod at cellphone pati na paying habang nagmamaneho, Y50,000; pagmamaneho sa gabi ng pundido o basag ang headlamp, Y50,000; pag-aangkas sa bisikleta, Y20,000.

Pagmumultahin din ang mga siklista na hindi titigil red light ng Y50,000 at pagkakakulong ng tatlong buwan; pagmamaneho ng salungat sa daloy ng trapiko, Y50,000; at pagbibisikleta sa pedestrian zone, Y50,000.

Dapat din na idikit kaagad ang sticker na may serial number galing sa pinagbilhan kapag bumili ng bisikleta at kailangang nakarehistro ito sa malapit na istasyon ng pulis. Ang pagpaparehistro sa pulisya ay paraan upang madaling mahanap at matunton ang bisikleta kung ito ay ninakaw o nawala. Iparada ang mga bisikleta sa rental parking lot o mga lugar na maaari itong ilagak kundi ay kukumpiskahin ng mga awtoridad ang bisikleta.

Mainit na rin sa mga awtoridad sa mga “piste bikes” na tinatanggalan ng preno upang gawing pang-karera na isa sa mga malaking rason sa mataas na bilang ng aksidente sa pagbibisikleta. Umabot sa 3,956 ang naitalong aksidente ng National Police Agency ng Japan noong 2011.

Pinapayuhan din ang mga siklista partikular na ang mga dayuhan gaya ng mga Pilipino na alaming mabuti ang mga patakaran sa pagbibisikleta upang maiwasan ang aksidente at hindi makapag-multa o makulong.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento