Ni
Florenda Corpuz
Sino ang mag-aakala na sa isang
bansa tulad ng Japan kung saan ang klima ay masasabing temperate na may apat na
uri ng panahon ay may matatagpuang sand hills na kadalasan ay sa disyerto
lamang makikita?
Sa silangang bahagi ng Tottori
Prefecture ay matatagpuan ang Tottori Sand Dunes (Tottori Sakyu), ang
pinakasikat at pinakamalaking sand hills sa bansa. Ito ay may habang 16 na
kilometro (east to west) at lapad na 2.4 kilometro (north to south) sa tabi ng
Sea of Japan.
Ang Tottori Sand Dunes ay nabuo sa
pamamagitan ng isang paulit-ulit na cycle na nagsimula sa weathering ng mga
bato mula sa mga bundok ng Chugoku na naging buhangin. Ang mga buhangin na ito
ay tinangay ng hangin papunta sa dagat at muling bumalik sa pinanggalingan nito
sa loob ng humigit kumulang na 100,000 taon.
Isa sa natatanging katangian ng
Tottori Sand Dunes ay ang laki ng taas nito at ang mga halaman na dito lamang
makikita. Ito ay bahagi ng San’in Kaigan Geopark na itinalagang Global Geopark
ng Japan, isang pandaigdigang programa ng UNESCO na may layong gawing world
parks ang mga mahahalagang geological heritage sites.
Sa pagbisita sa Tottori Sand Dunes,
asahan ang nakakamanghang tanawin tulad ng 40-meter-deep basins, 50-meter-tall
hills, wind ripples at pagbaba ng mga buhangin sa ibabaw ng hills na tila isang
avalanche. Sa tuktok nito ay masisilayan din ang nakakamanghang tanawin ng
karagatan at buhangin.
Bukod dito, dagdag na atraksyon din
ang camel at horse drawn cart rides na bumabaybay sa dunes. Maaari rin
mag-paragliding o sandboarding dito. Kung gusto naman tanawin lang ang ganda
nito ay maaari itong gawin sa observation deck ng Sakyu Center.
Sa kalapit naman na Sand Museum ay
makikita ang mga sand sculptures ng mga artists mula sa iba’t ibang bansa.
Ngayong taon ay Germany ang tema ng exhibition na tatagal hanggang Enero 3,
2016.
Mula Tottori Station ay mararating
ang Tottori Sand Dunes sa pamamagitan ng pagsakay ng bus. May entrance fee rito
na ¥600.
Ngayong panahon ng tag-init, mainam
na magtungo rito para sa naiibang desert experience!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento