Ni Ramil Lagasca
Mas mahigpit na batas sa pagbibisikleta ang ipinatupad ng Japan. |
Kung dati rati`y “blue ticket” lang ang
ini-issue kapag lumabag sa batas bilang parusang administratibo, ngayon ay magbibigay na rin ng“ red ticket” na
nagpapataw ng mas mabigat na parusa o multa.
Tinatayang aabot sa Y50,000 ang maaaring
bayarang multa ng mga siklista na mahuhuling lalabag sa batas trapiko at maaari
rin makakusahan ng kasong criminal. Bukod sa batas trapiko, ilan sa papatawan
ng parusa ay ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak na may multa Y1
milyon o pagkakakulong ng isa hanggang limang taon; paggamit ng gadgets tulad
ng Ipod at cellphone pati na paying habang nagmamaneho, Y50,000; pagmamaneho sa
gabi ng pundido o basag ang headlamp, Y50,000; pag-aangkas sa bisikleta,
Y20,000.
Pagmumultahin din ang mga siklista na hindi
titigil red light ng Y50,000 at pagkakakulong ng tatlong buwan; pagmamaneho ng
salungat sa daloy ng trapiko, Y50,000; at pagbibisikleta sa pedestrian zone,
Y50,000.
Dapat din na idikit kaagad ang sticker na may
serial number galing sa pinagbilhan kapag bumili ng bisikleta at kailangang
nakarehistro ito sa malapit na istasyon ng pulis. Ang pagpaparehistro sa
pulisya ay paraan upang madaling mahanap at matunton ang bisikleta kung ito ay
ninakaw o nawala. Iparada ang mga bisikleta sa rental parking lot o mga lugar
na maaari itong ilagak kundi ay kukumpiskahin ng mga awtoridad ang bisikleta.
Mainit na rin sa mga awtoridad sa mga “piste
bikes” na tinatanggalan ng preno upang gawing pang-karera na isa sa mga
malaking rason sa mataas na bilang ng aksidente sa pagbibisikleta. Umabot sa
3,956 ang naitalong aksidente ng National Police Agency ng Japan noong 2011.
Pinapayuhan din ang mga siklista partikular na
ang mga dayuhan gaya ng mga Pilipino na alaming mabuti ang mga patakaran sa
pagbibisikleta upang maiwasan ang aksidente at hindi makapag-multa o makulong.