Martes, Abril 30, 2013

Payo Sa Kabataan

Ni Ederic Eder

Naimbitahan ako kamakailan na magsalita sa palatuntunan ng pagtatapos sa Ipil National High School sa Marinduque kung saan ako nagtapos. Narito ang ilang payo ko sa mga nagsipagtapos:

Huwag bumitaw sa pananampalataya sa Diyos. Sa kolehiyo, mai-expose tayo sa iba’t ibang ideya. Lalawak ang ating isipan ngunit ‘di dapat manghina ang ating pananampalataya. Ito ang nagsisilbing lakas na bumubuhay sa atin. Sa University of the Philippines, iba’t iba ang mga tao. May ilang ‘di naniniwala sa Diyos. Pero noong first year ako, lalong tumibay ang pananampalataya ko nang minsang makita ko sa simbahan ‘yung isa sa pinakamahusay na guro ko na nakaluhod at nagdarasal. Isang matalinong taong maraming alam na ‘di mo aakalaing mananampalataya pero nananatili palang tapat sa Panginoon sa kabila ng marami niyang natamong karunungan at karanasan.

Manatiling mapagpakumbaba. Huwag isipin kahit kailan na dahil sa galing mo, sa narating mo, sa dami ng pera mo, sa hitsura mo, o sa kasikatan mo ay espesyal ka na’t angat sa ibang tao. Huwag maging mayabang. Isa ka lang nilalang ng Diyos. Isa ka lang maliit na tuldok ng buhay sa sangkalawakan. May kuwento tungkol sa bagong Santo Papa, si Pope Francis. Matapos na mapili siyang bagong Santo Papa, tinanggihan niya ang espesyal na sasakyan at sumabay sa mga kardinal. Siya rin ang personal na nagbayad ng bill niya sa hotel na tinirhan niya bago siya mapili.

May pananagutan tayo sa ating bayan at sa ating kapwa. Sabi ng paborito kong kanta sa simbahan, “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.” Ika nga ni Mayor Joseph Santiago sa palabas na “Bayan Ko” sa GMA News TV 11, ang problema mo, problema nating lahat. ‘Di masamang makisangkot. Mahalagang  tingnan natin ang epekto sa bansa ng mga ginagawa natin.

Pahalagahan ang magulang habang sila’y narito pa. Minsa’y nag-comment ako sa blog ni KC Concepcion, anak ni Sharon Cuneta,  nang mag-post siya tungkol sa reunion nila ni Gabby. Kako, ang mga magulang ay parang promo: offer is good while supplies last. Maaga akong nabawasan ng supply. Nawala si Papa noong baby pa ako. Binawi ni Lord si Mama bago ako magkolehiyo. Pero nakarating pa rin sa akin ang dala niyang application sa scholarship na nagpaaral sa akin sa UP. Patapos na ako nang kunin din ang lolo ko. Pero tinirhan pa rin ako ni Lord ng supply: narito pa ang lola ko, si Nanay Diding, at nadadalaw-dalaw ko pa siya. Sana ipagkaloob ng Diyos na matagal ko pa siyang makasama.

‘Di permanente ang mga relasyon, lalo sa maagang kabataan. Sa buhay, may ilang kaibigan kang kasama mo ngayon, pero posibleng layasan ka bukas. Balang araw, tatanungin mo ang iyong sarili: bakit nga ba ako dead na dead sa kanya? Wala kang maisasagot, at matatawa ka na lang.

Magbasa. Mula pa noong bata ako, lahat ng babasahin, pinapatulan ko: komiks, libro, magazine, diyaryo, websites, songhits, at pati polyeto ng iba’t ibang relihiyon. Sa pagbabasa, marami kang malalaman. Para ka na ring nakarating sa maraming lugar. At kapag kaya n’yo na, maglakbay. Nakakapagod pero nakapagpapayaman ng karanasan ang pagbiyahe sa iba’t ibang lugar.

Sa buhay, darating ang kasawian at mga pagkakamali. Gawin itong hamon para patuloy na lumaban sa buhay. Sobrang sakit nang mawala si Mama. May mga pagkakataon noon na naiiyak na lang ako kapag nakikita ‘yung ibang estudyante na binibisita ng mga pamilya nila. Pero iniiyak ko na lang. Kung sumuko ako, sabi ko nga, baka kung anu-ano lang ang ginagawa ko ngayon. Ganyan din ang mga pagkakamali. Kapag naitama ito, pwedeng maging tungtungan sa pag-abot ng mga pangarap.

Mangarap ka. Pamagat din ‘yan ng pelikula nina Kapusong Mark Anthony Fernandez at Claudine Barretto na pinanood ko ang shooting sa UP noong freshman ako. ‘Di ko itinitigil ang mangarap. Libre naman, saka ang mahalaga, ‘yung wala kang sinasagasaan. At kapag nangangarap ako, tinataasan ko na para kung bumagsak man ako, medyo mataas-taas pa rin ang bagsak.


PAG, nagdaos ng thanksgiving party

Ni Sheherazade Alonto Acaso

PAG officials and members with Ambassador Lopez and wife
Idinaos ng Philippine Assistance Group (PAG) ang isang thanksgiving party kamakailan sa Multi-Purpose Hall ng Embahada ng Pilipinas na dinaluhan ng Filipino community, business firm promoters at major sponsors na laging nakasuporta sa mga aktibidades ng grupo.

Bilang pasasalamat sa mga tulong, sinurpresa ng PAG ang ilang lider ng Filipino community at iba’t ibang grupo at organisasyon nang magbigay ito ng pagkilala sa mga naitulong nila sa mga Pilipino sa Japan.


Iginawad ng PAG, sa pangunguna ng lider nito na si Joyce Ogawa, ang “Certificate of Appreciation” sa ilang tao at grupo bilang papuri sa kanilang pagtulong para sa ikauunlad
at ikagaganda ng samahan ng Filipino community sa Japan.


Ang mga pinarangalan ay ang IPS Inc., Sheherazade Alonto Acaso (Community of Friendly Filipino Teachers), Abby Watabe (Owner, Karaoke Kan), Mari Mayang Nihei (Owner, Yanagawa Sushi Bar), NingNing Tomiyama (president, Takayasu International Fans Club), Black Joe (PFPIJ), Glenda Tabata (Teatro Kanto,) Mama Aki-Ihawan, at iba pa.

Ikinalugod din ng grupo ang pagdating ni Philippine Ambassador Manuel Lopez at ng kanyang maybahay; Minister, Cultural Affairs Angelica C. Escalona; at Minister and Consul General Marian Jocelyn Tirol Ignacio.

Tumayong host ng gabing iyon sina Francis Yu at PAG vice chairman Jenavilla Bibal. Nagtanghal sa gabing iyon ang ilang Filipino entertainers sa Japan.


'Golden Week' kinasasabikan sa Japan

Ni Enrique Gonzaga

'Koinobori'
Isa sa pinakaaabangan na holidays dito sa Japan ay ang tinatawag na “Golden Week” dahil ito ang pagkakataon na magkaroon ng mahabang bakasyon mula sa trabaho. Halos lahat ng mga opisina sa Japan ay sarado ng isang linggo kaya’t sinasamantala ng marami pati na ng migranteng Pilipino na magbakasyon – sa loob o labas man ng bansa.

Umaapaw ang tao sa halos lahat ng paliparan at istasyon ng tren sa Japan para pumunta sa ilang tourist attractions. Sinasamantala rin ito ng ilang mga Pilipino na makasaglit ng pag-uwi sa Pilipinas para makapiling ang mga pamilya.

Abril 29 nagsisimula ang Golden Week kung saan ginugunita rin ang kaarawan ng Showa Emperor kaya tinawag ito na “Showa- no- hi” o “Araw ng Showa.” Ang pangalawang araw naman ay tinatawag na “kenpou-kinen-bi” o “Constitution Memorial Day” na sinundan naman ng “midori-no-hi” o “Greenery Day.” Ang pinakahuling holiday ay tinatawag na “kodomo-no-hi” o “Araw ng mga Kabataan” na nangyayari sa ika-5 ng Mayo.

Ang kodomo-no-hi ay tinatawag din na “Araw ng mga Batang Hapon na Lalaki” na kung tawagin ay “tango-no-sekku” kung saan pinagdarasal na ang lahat ng mga batang lalaki ay magiging malusog ang paglaki bilang mga binata.

Isang tradisyon sa pamilya ng mga lalaking kabataan ang pagsabit ng “koinobori” o ang palawit na hugis isdang karpa. Ito ay nilalagay sa labas ng bahay tuwing bakasyon at pinapaniwalaan na ang mga karpang isda ay nagbibigay kahulugan para sa tagumpay ng mga kabataan. “Gogatsu ningyo” o “May Dolls” naman ang tawag sa mga Samurai na manika na  pinapakita sa mga kabahayan.

Pangkaraniwan na ang buwan ng Mayo ang pinakaaya-ayang panahon ng paglalakbay sa Japan kaya maraming mga Hapon ang nagpapahinga at bumibiyahe tuwing pagsapit ng buwan ng Mayo. Ang mga sikat na destinasyon ng mga Japanese o ibang dayuhan ay ang America, Canada, Australia, Guam, Saipan, Hawaii, Pilipinas at iba’t ibang parte ng Asya.

Pagkakataon din ito ng mga Pilipino sa Japan na bisitahin ang kanilang pamilya, kaanak at kaibigan sa iba’t ibang sulok ng Japan o sa pamamagitan ng pag-uwi sa Pilipinas para makapiling ang mga mahal sa buhay.   

Tunay nga na ang Golden Week ay isang mala-gintong pagkakataon para sa sambayanan na namnamin ang oportunidad na walang trabaho sa loob ng pito hanggang sampung araw.

Martes, Abril 2, 2013

Ely Buendia, may bagong banda; naglabas ng album

The Oktaves na biubuo nila Ely Buendia,
 Nitoy Adriano, Chris Padilla, Ivan Garcia at Bobby Padilla.
Pinatunayan ni Ely Buendia na hindi nagtatapos ang paglikha ng magandang musika sa paghihiwalay ng isang banda. Simula nang mabuwag ang sikat na sikat na Eraserheads noong 2002 kung saan siya ang lead vocalist, hindi tumigil si Ely sa pagbabanda at paggawa ng mga kanta.

Kaya matapos ang kanilang kabanata ng Eraserheads ay agad na nagkaroon ng panibagong banda si Ely na tinawag niyang The Mongols noong 2003 at nakapag-release ng self-produced album na pinamagatang “A Fraction of a Second.” Pinalitan pa nga ni Ely ang kanyang screen name at nagpakilalang si Jesus Ventura ngunit para sa kanyang solid fans mananatili siyang si Ely Buedia, isang rock icon.

Sinundan ito ng bandang Pupil na naglabas ng album na pinamagatang “Beautiful Machines” at sumikat ang ilan sa mga kantang nakapaloob dito at isa na rito ay “Nasaan Ka?” Nakapag-uwi ang banda ng ilang mga parangal mula sa Awit Awrds, MYX Music Awards, NU Rock Award na ilan lamang sa kilalang award-giving bodies.

Ngayon nga ay nadagdagan pa ang banda ni Ely na kanyang tinawag na The Oktaves na kamakailan lamang ay naglunsad ng self-titled album sa Glorietta New Activity Center.

Binubuo ang banda ng dating gitarista ng bandang The Jerks na si Nitoy Adriano at ang tatlong miyembro ng bandang Hilera na kinabibilangan nila Chris Padilla (vocals/guitars), Ivan Garcia (bass), at Bobby Padilla (drums).

Nilalaman ng album ang 12 kanta kung saan walo sa mga ito ay isinulat ni Ely habang ang lima naman ay gawa ni Chris. Patok na patok sa airwaves ang kanilang carrier single na “K.U.P.A.L” at ang bagong single na “Paakyat Ka Pa Lang, Pababa Na Ako”.

Ilan pa sa mga kanta na nakapaloob sa album ay “Gone, Gone, Gone,” “Hold on Tight,” “Walang Magawa,” “Olivia,” “Get You,” “Ikot,” “Detox,” “Standing on my Own,” “Bungo sa Bangin,” at “Langit Express.”

Hindi pa rin maikukubli na rock and roll ang genre ng mga kantang nakapalob sa album ngunit ang kakaiba rito ay hinaluan din ito ng banda ng country at blues kaya mas nangibabaw ang ganda ng kanta. Kung pagbabasehan naman ang lyrics ay mapapansin ang lalim ng mensahe na tanging mga bihasa sa pagsusulat ng kanta lamang ang makagagawa.
Bilang isang music icon, hindi matatawaran ang galing ni Ely na kahit na nakilala bilang isang rock star ay hindi nangiming subukan ang iba pang klase ng musika at ito ang isa sa mga palatandaan ng tunay na alagad ng sining.



Lunes, Abril 1, 2013

Alodia Gosiengfiao: Pinay Super Doll

Ni Enrique Toto Gonzaga
Alodia Gosiengfao
Usong-uso na ang cosplay, shortcut para sa “costume play”, na isang klase ng pagtatanghal kung saan ang mga sumasali ay gumagamit ng mga costumespara gayahin ang isang anime character. Ang mga cosplayer ay palaging nakikisalamuha para makagawa ng isang kulturang nakasentro sa pagganap ng isang karakter. Manga o mga komiks na libro at babasahin ang mga paboritong basehan ng mga cosplayer hindi lamang sa Japan kundi sa Pilipinas din.

Isa na ito sa mabilis na tinatanggap na kultura sa Pilipinas na nagbibigay daan din sa isa pang termino na kung tawagin ay “costripping” na galing sa cosplay tripping. Nagpapakita ang mga cosplayer ng sobrang kumpletong kagamitan tuwing may mga kumpetisyon, malaking pagpupulong-pulong, mga kaganapan at pagkikita-kita o “eye ball.”

Isa sa pinakapopular sa larang ng cosplaying sa Pilipinas ay si Alodia Almira Arraiza Gosiengfiao, tubong Quezon City. Bukod sa pagiging cosplayer, isa rin siyang model, recording artist, cosplay props designer at showbiz artist. Naging paborito siyang laman ng mga magazine, diyaryo at mga programa sa telebisyon at radio dahil sa pagiging cosplayer

Halos 10 taon ng nagco-cosplay si Alodia na minsang nakita ng isang Japanese producer sa Singapore at agad siyang inimbitahan na pumunta sa Japan. Lingid sa kanyang kaalaman ay isasama na pala siya sa isang grupo bilang lider ng Super Dolls, isang anime musical group.

Binubuo ang Super Dolls ng tatlong miyembro na kinabibilangan ni Alodia,  Rie at Furaaja. Si Rie ang nanalo sa 2009 Cosplay Summit habang si Furaaja naman ay isa ring popular na cosplayer at anime voice actress.

“Tungkol ito lahat sa cosplay at ang pagtataguyod sa cosplay music, mga damit, gamit, make-up at mga sayaw nito,” ani Alodia nang tanungin siya kung ano ang ginagawa ng grupo.

Magkakaroon ng official launch ang Super Dolls ngayong darating na Abril at magtatanghal din sila sa Akihabara sa Abril 7 kung saan limang kanta ang kakantahin ng Pinoy pride.  Nais ni Alodia na makasama ang mga Pilipino sa Japan upang maging inspirasyon sa mga ito sa larangan ng cosplay at musika.

Tumatayong manager ni Alodia sa pagsisimula ng karera niya sa Japan si Shuichi Fujiyasu, contents producer ng My Style Inc. sa Tokyo.

Siguradong mabilis na makilala si Alodia sa Japan at maganda ang magiging karera niya rito dahil malaking bahagi na ito ng kultura ng bansa. Sa katunayan, maraming mga kabataan ang lumalahok sa cosplaying dito at ilan sa kanila ay halos araw-araw nakasuot ng cosplay outfits.

Nabuo ang Super Dolls noong nakaraang taon kung saan nagkikita-kita ang tatlo sa ginanap na 2012 Big Show. Simula noon, nagkasundo ang tatlo na bumuo ng grupo na siyang magtataguyod sa cosplaying.

Nagsimula si Alodia na mag-cosplay noong 2003 sa edad na 15 matapos na himukin ng kanyang mga kaibigan na sumali sa mga cosplay competitions. Una niyang ginawa ang Priestess mula sa Ragnarok Online sa Ragnalaunch sa Glorietta Mall. Nag-umpisang mapansin si Alodia ng manalo siya ng 3rd place sa 2003 C3 Convention nang gayahin niya si Gun Mage Rikku ng Final Fantasy X-2.