Martes, Mayo 28, 2013

Zendee Rose: ‘Random Girl’ no more

Ni Len Armea 



Unti-unti na ngang nakakagawa ng pangalan si Zendee Rose Tenerefe matapos na madiskubre sa YouTube noong nakaraang taon. Matatandaang binansagang ‘Random Girl’ si Zendee matapos itong kumanta ng “And I Am Telling You” ni Jennifer Holiday sa isang mall sa Maynila at nakuhaan siya ng isang  blogger at ipinost ang video ng dalaga sa YouTube.

Naging viral ang nasabing video kung saan umabot sa dalawang milyon ang hits at humigit-kumulang sa 5,000 ang napaskil na komento. Ito ang naging daan ni Zendee upang mapansin siya ng media outfits, music fans at ng kanyang music label, Warner Music Philippines.

Matapos ang dinanas na rejections sa mga reality talent shows gaya ng X-Factor Philippines, Pinoy Dream Academy Season 3 at Pilipinas Got Talent Season 4, ngayon ay naglabas na ng kauna-unahang album si Zendee.

Hindi maipinta ang kasiyahan ng 21-taong-gulang na dalaga sa press launch ng kanyang album na pinamagatang “I Believe” dahil sa wakas umano ay natupad niya ang isang pangarap na akala niya noon ay hindi niya makakamit.

“Bata pa lang po kasi ako gustong-gusto ko ng kumanta kaya sobrang pasasalamat ko po sa Warner at sa mga tagasuporta ko dahil nagkatotoo na po ang pangarap ko, may album na ako,” pahayag ni Zendee sa press launch na ginanap sa Chef and Brewer Café sa Ortigas, Pasig City kamakailan.

Naglalaman ng siyam na kanta ang album ni Zendee kung saan anim sa mga ito ay pawang orihinal. Ang mga kantang ito ay ang “Runaway,” “The Ones You Love,” “I Believe,” “Completely,” at “If You Want.” Ang tatlong cover songs naman ay ang “Go The Distance,” “Love Takes Time,” at “Hallelujah” na mismong si Zendee ang nagkusa na isama ito sa kanyang album.

Bukod sa kabi-kabilang TV guestings na kanyang nilalabasan kabilang na ang The Ellen Degeneres Show sa Estados Unidos, isa sa ipinagpasalamat ni Zendee ay ng maging front act siya sa concert ng pamosong international singer na si Jason Mraz na ginanap sa Smart-Araneta Coliseum kamakailan.

“Napanood po kasi ako ni Jason Mraz noong mag-guest po ako sa The Ellen Degeneres Show at nagalingan po siya sa talent ko kaya po ako iyong pinili niya na mag-front act sa concert niya.”

Sa daming pinagdaanang hirap ni Zendee ay hindi niya ito ininda dahil nagbunga naman umano ang lahat ng kanyang paghihirap. Ani Zendee, nabigyan siya ng pagkakataon na magkaroon ng puwang sa industriya ng pag-awit kaya’t hindi niya sasayangin ang pagkakataong dumating sa kanya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento