Ni Enrique Gonzaga
Bernard Palad |
Simula
pa noong dekada 70’s ay hindi na matatawaran ang galing ng mga Pilipino sa
larangan ng pagtatanghal. Nagdagsaan ang mga Filipino entertainers sa Japan
bilang mga cultural performers na katutubong sayaw at kanta ang itinatanghal
noon.
Naging
normal na proseso na para sa mga Pinoy singers noong panahong iyon na dumaan sa
audition sa pamamagitan ng pagkanta ng mga awitin gaya ng enka ng Japan, pop,
disco at original songs na isinulat ng kapwa Pinoy. Ngayon, simula noong 2000,
ay naiba na ang sistema at hindi na naging madali ang pagkuha ng visa ng mga
gustong maging entertainers.
Malaking
porsiyento ng mga Pilipinong entertainers na pinalad na manatili sa Japan ay dahil
nakapag-asawa ang mga ito ng Japanese o nakakuha ng tamang lisensiya para
manatili sa Japan bilang isang legal na empleyado.
Subalit,
magpabago-bago man ang sistema sa Japan hinggil sa pagtanggap ng Filipino
entertainers ay hindi mawawala ang pagkahilig ng mga ito sa pag-awit at pagtatanghal.
Isa
na rito si Bernard Pacayo Palad na tubong Bulacan. Dati siyang singer sa Aomori
City na nakapag-asawa ng isang Haponesa at nakabuo ng pamilya sa Japan. Bata
palang si Bernard ay hilig na niya ang kumanta ng ballad at pop songs kaya’t
sumali siya sa Church Kids Choir member.
Madalas
na kumakanta at sumasayaw si Bernard sa harap ng kaniyang mga magulang at
kapatid lalo na tuwing may okasyon kaya ito ang naging inspirasyon niya upang
subukan na maging professional singer.
Halos
lahat ng kilalang mang-aawit ay kaniyang pinapanood at hinahangaan na nagsilbi
rin inspirasyon upang makahanap siya ng sarili niyang style sa pag-awit.
“Mas
maganda iyong gumawa ng sariling style para maging katangi-tangi at makilala ka
bilang ikaw,” ani Bernard sa panayam sa kanya ng Pinoy Gazette.
Ilan
sa mga napanalunan ni Bernard sa pagsali niya sa ilang singing contests tulad
ng pagkuha ng first place sa Gospel Pop 2007 at second place naman sa 2009
Utawit Contest na sa Japan ginawa. Nitong 2010 ay naging kinatawan si Bernard
ng Osaka para sa Global Pinoy Idol.
Dahil
pamilyado nang tao si Bernard, palagi niyang sinasabi na lahat ng ito ay para
sa kanyang pamilya, asawa at dalawang mga anak na babae na nagbibigay ng walang
katapusang inspirasyon sa kaniya para lalong galingan ang pag-awit.
Nag-umpisang
makilala si Bernard sa local television noong kumanta siya sa isang church
concert sa Aomori kung saan napanood siya ng ilang opisyal ng Aomori Television.
Nakatanggap ng tawag si Bernard para sa isang interview na dapat sana ay 30
minutos lamang ngunit humaba sa tatlong oras dahil nakagiliwan siya ng
pamunuan.
Naimbitahan
na siya sa mga sari-saring programa sa telebisyon sa Aomori kagaya ng isang cooking
show kung saan nagluto siya ng sinigang na baboy at habang hinihintay na maluto
ang pagkain ay pinakanta siya.
Tuwing
katapusan ng buwan ng Agosto taun-taon ay mayroong Nijuyon Jikan Telebi (24
hours Television) na ipinapalabas ng Nihon Telebi o NTV at si Bernard ay
nabigyan ng pagkakataon makasama rito noong 2010.
Kamakailan
lamang tinawagan siya ng BS2 para sumali sa “Nodo Jiman” sa Channel 4 at
naipalabas ito kamakailan. Kinanta niya ang “Hitome wo tojite” ni Hirai Ken
kasama ang ilang Japanese singers.
“Ang
panaginip ko na magkaroon ng sariling recording ay matutupad na sa katapusan ng
taong ito sa release ng aking single cut,” tuwang-tuwang pahayag ni
Bernard.
“Galingan
ang pagkanta at ‘wag tumigil sa kakasali sa mga prestihiyosong mga contest
dahil ito ang paraan para kuminang bilang isang mang-aawit. Palaging ibigay ng
buong-buo ang sarili pag nagtatanghal na
sa itaas ng entablado at ‘wag kalimutang hasain pa ng mabuti ang iba pang
kakayanan na ibinigay sayo,” payo ni Bernard sa kapwa Pinoy singers.
Hindi
man madaling pasukin ang music industru sa Japan ay hindi nawawalan ng pag-asa
si Bernard na baling araw ay maaaring magkaroon din siya ng pagkakataon.
“Magiging
isang malaking karangalan at pagkakataon para sa akin at sa pamilya ko rito sa
Japan at sa Pilipinas ang makasali sa kahit anong tanyag na paligsahan o
kaganapan kung saan makikita ng lahat ang aking kakayahan,” pagtatapos ni Bernard.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento