Lunes, Mayo 27, 2013

Filcom Chorale, ipinamalas ang galing sa concert


FilCom Chorale
Kaisa sa pangarap ng mga Pilipino sa Japan na ipakilala at ibahagi ang mayamang kultura ng Pilipinas upang magkaroon ang mga Japanese ng kamalayan lalo na sa mga awiting Pilipino, ang Filcom Chorale ay nagtanghal sa isang charity concert na pinamagatang “Kay Ganda ng Ating Musika: Isang Pagbabalik Tanaw” kamakailan sa Theater 1010, Tokyo. 

Itinampok sa concert ang mga klasikong awiting Pilipino upang muling buhayin ang pagmamahal at pagpapahalaga sa kagandahan ng musikang Pilipino.  Ang nalikom sa konsiyerto ay nakalaan sa medical missions sa Pilipinas para sa mga batang may bingot (cleftlip).  Ang pagtatanghal at pagtulong na ito ay nagbigay katuparan sa mission and vision ng Filcom Chorale  na “Amare et Servire” na ang ibig sabihin ay “to love and serve the Lord.”

Nagpamalas ang Filcom Chorale ng world class performance  sa harap ng mahigit na 400 na piling mga bisita kabilang si Ambassador Manuel Lopez, mga opisyales at kawani ng Embahada, Department of Tourism at European Union, ilang Japanese guests at mga kababayang Pilipino sa Tokyo at karatig-lugar.  Binuksan ang concert sa pagkanta ng “Maalaala Mo Kaya” habang binigyang buhay ng awiting “Sa Libis ng Nayon” ang disenyo ng entablado.

Kasama sa repertoire ang iba't ibang folk songs gaya ng “Paru-parong Bukid,” “Kalesa,” “Katakataka,” at mga regional songs tulad ng “Usahay,” “Dandansoy” at “Pobreng Alindahaw.” Isa sa masayang bahagi ng palabas ay ang “harana” na binigyang buhay ng mga awiting “Sarung Banggi,” “Manang Biday” at “O, Ilaw.”

Hindi rin pahuhuli ang Filcom Chorale sa pagkanta ng kundiman na kinabibilangan ng  “Saan Ka Man Naroroon,” “Dahil Sa ‘Yo,” “Minamahal Kita,” “Ikaw ang Mahal Ko” at “Lahat ng Araw.”  Huling inawit naman ang “Diyos Lamang ang Nakakaalam,” na isang awitin tungkol sa kahalagahan ng buhay.

Ipinakita sa konsiyerto ang tunay na katangian ng mga Pilipino na pagiging  mapagmahal, malikhain at makabayan sa pamamagitan ng mga awiting tatak Pinoy.

Lubos na nagpapasalamat ang Filcom Chorale sa lahat ng tumulong at nakibahagi upang maisakatuparan ang pangarap na konsiyerto. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento