Senador Angara at Ambassador Lopez |
Dahil sa kanyang malaking
kontribusyon sa pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at Japan, pinarangalan si
Senador Edgardo Angara ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun ni
Emperor Akihito sa Imperial Palace, Tokyo kamakailan lamang.
Bukod sa parangal na ito, mismong
si Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang nagbigay din ng certificate na kasama
ng naturang award. Labis na ipinagpasalamat ni Angara na personal na pumunta sa
Japan para tanggapin ang naturang parangal.
“I am deeply humbled by this
recognition from the government of Japan. This honor is a testament to Japan’s
abiding interest in the enhancement of their ties with the Philippines. I am
resolved to continue my own long-standing advocacy of further strengthening the
bonds of friendship and cooperation between our peoples,” pahayag ni Angara pagkatapos
ng awarding rites.
Matatandaan na noong 1988 ay
itinatag ni Angara ang Philippine-Japan Parliamentarians Association (PJPA)
kung saan siya rin ang tumayong pangulo. Pinangunahan din niya ang kauna-unahang
PJPA delegation na bumisita sa Japan para makipagpulong sa ilang miyembro ng
National Diet at iba pang opisyales.
Isa rin si Angara sa sumuporta sa
Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) na naipasa sa Senado
noong 2008.
Ibinibigay ang Order of the
Rising Sun sa mga indibiduwal na nagkaroon ng malaking kontribusyon sa
international relations, pagtataguyod sa kulturang Hapon, pangangalaga sa
kalikasan, at pagsulong sa mga programang nakakapagpaunlad ng lipunan.
Ilan sa mga nabigyan na ng Order
of the Rising Sun, na binuo noong Abril 1875, ay sila Singaporean Prime
Minister Lee Kuan Yew, dating UNICEF executive director Carol Bellamy, dating
Brookings Institution president Michael Armacost, dating Foreign Affairs
secretary at UNGA president Carlos P. Romulo at dating Ambassador to Japan
Alfonso Yuchengco.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento