Linggo, Mayo 5, 2013

WBC World Youth belt nakopo ng Pinoy boxer

Ni Enrique Toto Gonzaga 


Napuno ang Kurakoen Hall sa Suidobashi, Tokyo dahil sa laban ng dalawang Pilipinong boksingero  na sina Joe “The Machine” Maxian at Raymond Sermona para sa WBC World Youth Lightweight Division kamakailan. 

Parehong galing ang dalawa sa Elorde Gym Philippines na lumaban sa mga Hapon para makamit ang titulo.

Tampok sa laban nito ang pag-agaw ng WBC World Youth Lightweight Championship belt ni Maxian, tubong Capiz, Panay Island, sa kalabang Hapon na si Saito Tsukasa.


Isang malakas na suntok ang binitawan ni Maxian sa ikapitong round ng kanilang sagupaan na nagpatumba kay Tsukasa. Hindi makapaniwala ang mga Hapon ngunit kinilala pa rin nila ang galing ni Maxian sa pamamagitan ng pagsabi ng "Sugui Umai." Ang ibig sabihin  nito ay mataas ang tingin ng mga Hapon sa kaniya gawa ng kaniyang pagkapanalo.

“Nagpapasalamat po ako una sa lahat sa Panginoon sa ibinigay niyang tagumpay sa akin, sa lahat ng mga Pilipino sa Japan na sumuporta at higit sa lahat sa aking manager at sa Elorde Gymnasium na nagbigay sa akin ng oportunidad para makalaban dito sa Japan bilang kinatawan ng Pilipinas,” ani Maxian.

Draw naman ang resulta ng naging laban ni Sermona kay Yutai Nagai para sa Semi-feather Lightweight Division. Umabot sa walong rounds ang laban kung saan nagpakita ng lakas at matinding depensa si Sermona.


Si Sermona ay laking Bacolod City, Negros Occidental at nag-eensayo siya sa Elorde Gym sa Paranaque City bago siya ipinadala sa Japan para lumaban.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento