Linggo, Enero 31, 2016

Japanese Defense Minister inaasahang bibisita sa Pilipinas sa Abril

Ni Florenda Corpuz


Nagsagawa ng bilateral meeting sina Philippine Secretary of
National Defense Voltaire T. Gazmin at  Japan’s Minister of Defense 
Gen Nakatani sa sidelines ng ASEAN Defence Ministers’ 
Meeting (ADMM-Plus) noong nakaraang taon. 
(Kuha mula sa Department of National Defense)
Inaasahan ang lalo pang paglakas ng pwersang pang-seguridad ng Pilipinas at Japan sa nakatakdang pagbisita sa bansa ng kanilang Defense Minister.

Sa ulat ng Kyodo News, maaaring maganap ang pagbisita sa Pilipinas ni Gen Nakatani sa huling bahagi ng Abril hanggang unang bahagi ng Mayo.

Makikipagkita si Nakatani kay Philippine Secretary of National Defense Voltaire T. Gazmin upang pag-usapan ang pagpapalakas ng security ties ng Pilipinas at Japan sa gitna ng patuloy na gusot sa agawan ng teritoryo sa South China Sea/West Philippine Sea.

Parehong may alitan sa teritoryo ang Pilipinas at Japan laban sa China.

Maaaring talakayin ni Nakatani kay Gazmin ang pagbibigay ng Japan ng TC-90 training aircraft sa Pilipinas na magagamit sa pagsasagawa ng surveillance sa South China Sea/West Philippine Sea.

Inaasahan din ang pagtalakay ng dalawa tungkol sa pagpapalawak ng joint exercises sa pagitan ng Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF) at Philippine Navy, pati na rin ang iba pang hakbang ng Japan para suportahan ang iba pang aspeto ng Philippine military.

Ipapaabot din ng Japanese Defense Minister ang suporta ng kanyang bansa sa pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas na maisaayos ang gusot sa agawan sa teritoryo laban sa China sa pamamagitan ng kasong isinampa nito sa UN Arbitral Tribunal sa The Hague, Netherlands.


Matatandaang ipinagtibay nina Pangulong Benigno S. Aquino III at Prime Minister Shinzo Abe noong APEC Summit sa Maynila ang defense at security relations ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng kanilang pagsang-ayon sa Transfer of Defense Equipment and Technology na inaasahan nilang malalagdaan sa nalalapit na panahon.

Linggo, Enero 24, 2016

Pagbisita ni Emperor Akihito at Empress Michiko tuloy na tuloy na

Ni Florenda Corpuz


Nanguna si President Aquino kasama sina His Majesty Emperor Akihito
at Her Majesty Empress Michiko sa pag-awit ng Philippine at
Japanese National Anthem sa ginanap na welcome ceremony sa Grand Hall
 of the Imperial Palace noong Hunyo 3, 2015.
(
Kuha ni Robert Vinas/ MalacaƱang Photo Bureau)
Tuloy na tuloy na ang pagbisita ng Japanese imperial couple na sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Pilipinas mula Enero 26 hanggang 30.

Inaasahan na kabilang sa itinerary ng Japanese imperial couple ang pagdalo sa mga kaganapan na may kaugnayan sa pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng relasyon ng Japan at Pilipinas pati na rin ang pagbisita sa himlayan kung saan nakalibing ang mga Pilipinong sundalo na nasawi noong World War II.

Dadalaw din sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa bantayog ng mga Hapon na namatay sa digmaan na matatagpuan sa Caliraya, Laguna lulan ng isang helicopter na sakay naman ng Japan Coast Guard patrol vessel Akitsushima sa Enero 29. Tinatayang aabot sa mahigit sa kalahating milyong sundalong Hapon ang nasawi sa Pilipinas noong giyera, ang pinakamalaking bilang na naitala sa labas ng Japan.

Nakatakdang daluhan nina Emperor Akihito at Empress Michiko ang welcoming ceremony na gaganapin sa Enero 27. Makikipagkita rin sila kay Pangulong Benigno S. Aquino III sa MalacaƱang Palace bago dumalo sa isang banquet.

Mag-aalay din sila ng bulaklak sa monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Luneta pati na rin sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig.

Makikipagkita rin sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa mga kinatawan ng Japanese-Filipino community sa Pilipinas.
           
Ang pagbisita ng Japanese imperial couple sa Pilipinas ay bilang tugon sa imbitasyon ni Pangulong Aquino nang ito ay magtungo sa Japan para sa isang state visit noong Hunyo 2 hanggang 5.

Sina Emperor Akihito at Empress Michiko ang kauna-unahang Japanese emperor at empress na bibisita sa Pilipinas. Una silang bumisita sa bansa noong Nobyembre 1962 bilang crown prince at princess.