Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Emperor Akihito. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Emperor Akihito. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Abril 30, 2019

Japan papasok sa Reiwa era simula Mayo 1


Ni Florenda Corpuz


Simula Mayo 1 ay papasok na ang Japan sa Reiwa era kasabay nang pag-upo ni Crown Prince Naruhito sa Chrysanthemum Throne bilang bagong emperador ng bansa kapalit ng kanyang ama na si Emperor Akihito na bababa naman sa trono sa Abril 30.

Nitong Abril 1 ay inanunsyo ni Chief Cabinet Secretary Yoshihide Suga ang pangalan ng bagong era pagkatapos ng espesyal na pagpupulong ng Gabinete kung saan itinaas niya ang isang karatula na nakasulat ang kanji characters nito.

Ayon kay Suga, ang pangalan na “Reiwa” ay hango mula sa “Manyoshu,” ang pinakalumang koleksyon ng tula ng Japan. Ang unang kanji character na “rei” ay sumisimbolo sa “good fortune” habang ang pangalawang kanji character naman na “wa” ay nangangahulugang “peace” o “harmony.”

Ang tula kung saan ito hinango ay naglalarawan sa “ume” (Japanese apricot flower) na namumulaklak sa panahon ng tagsibol matapos ang panahon ng taglamig.

Ang Reiwa ang pang-248 na era name ng Japan simula nang itatag ang Chinese-style system noong 645. Ito ang unang beses na kinuha ang era name ng bansa mula sa classical Japanese literature imbes na sa Chinese.

“On May 1, His Imperial Highness the Crown Prince will accede to the Imperial throne, and this new era name will be used from that day forward. I ask for the understanding and cooperation of the people on this.

“The government is taking all possible measures to prepare for this historic succession to the Imperial throne from a living Emperor – the first such instance in approximately 200 years – to take place smoothly, and for the Japanese people to celebrate the day with one accord,” pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe sa isang press conference na ginanap matapos ang pag-anunsyo.

“Era names have, together with the long-standing tradition of the Imperial Household and a profound wish for the peace and security of the nation and the well-being of the people, woven together the history of our nation that spans almost 1,400 years,” aniya.

Ang pangalan ng era o “gengo” sa Japan ay ginagamit sa mga barya, kalendaryo, papeles at iba pa. Ginagamit din ito sa Japan sa pagbibilang ng taon.

“Era names are also integrated into the hearts and minds of the Japanese and support the Japanese people’s inner sense of unity. It is my sincere wish that this new era name will also be widely accepted by the public and take root deeply within the daily lives of the Japanese people,” dagdag pa ng lider ng Japan.

Pagbaba sa trono

Kasabay nang pagbaba sa trono ni Emperor Akihito, 84, ay ang pagtatapos din ng Heisei (achieving peace) era na nagsimula noong Enero 8, 1989.

Nagsimula ang Japan sa pagpili sa pangalan ng bagong era simula noong Meiji Period tuwing may bagong emperador na uupo sa trono.

Sa panayam kay Emperor Akihito nitong Pebrero sa selebrasyon ng ika-30 anibersaryo ng pag-upo niya sa Chrysanthemum Throne ay sinabi nito na patuloy siya sa pag-iisip kung paano siya magiging magandang simbolo sa taumbayan.

“Ever since I ascended the throne, I have spent my days praying for the peace of the country and the happiness of its people, as well as contemplating how I should behave as a symbol,” pahayag ng Emperor.

“The journey to figure out the idea of a symbolic emperor, as defined by the Constitution, has been endlessly long, and I hope my successors in the next eras to come will keep exploring an ideal form of this symbolic role and build on the version from this departing era,” aniya.

Matatandaan na noong 2016 ay nagbigay ng talumpati ang Emperor na nagbibigay senyales ng kanyang hangarin na bumaba na sa trono dahil sa kanyang edad at kalusugan. Siya rin ang kauna-unahang emperador na bababa sa kanyang trono sa loob ng 200 taon.
                                                                                                                                
Bagong simbolo ng Japan

Ipinanganak noong 1960 si Crown Prince Naruhito, 59, na siyang panganay sa tatlong magkakapatid. Siya ang magsisilbing ika-126 na emperor sa kasaysayan ng Japan at sinasabing hinog na para mamuno sa Imperial Throne sa dami na ng ginagawa nitong opisyal na trabaho.

Maging siya mismo ay tahasang nagsasabi na handa na siya sa mga responsibilidad.

“When I think of what is coming up, I feel very solemn,” pahayag ni Crown Prince Naruhito noong kanyang kaarawan nitong Pebrero.

Lumaki sa Tokyo, nagtapos si Crown Prince Naruhito sa Gakushuin University ng kurso sa kasaysayan. Pagkaraan ay nag-aral siya sa Merton College ng Oxford University ng kursong history transportation sa loob ng dalawang taon.

Siya ang kauna-unahang tagapagmana sa trono na pinayagang mag-aral sa ibang bansa. Nilarawan niya ang kanyang pag-aaral sa Oxford na “happiest years of my life” sa isang libro na inilathala.

Nakilala rin si Crown Prince Naruhito sa matagal niyang panliligaw kay Princess Masako at ang pagprotekta niya sa kanya lalo na noong mayroong matinding pressure na mag-anak ng lalaki.

Mayroong anak sina Prince Naruhito at Princess Masako na si Aiko, 17.


Lunes, Enero 1, 2018

Emperor Akihito, bababa sa trono sa Abril

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa © The Imperial Household Agency


Itinakda na ang Abril 30, 2019 bilang petsa nang pagbaba sa trono ni Emperor Akihito, 83.

Ito ay matapos aprubahan ito ng Gabinete ni Prime Minister Shinzo Abe kamakailan.

Matatandaang nagpahiwatig ng kagustuhan si Akihito na bumaba sa trono dahil sa kanyang edad at kalusugan na hadlang umano sa kanyang pagtupad sa tungkulin.

“I am already 80 years old, and fortunately I am now in good health. However, when I consider that my fitness level is gradually declining, I am worried that it may become difficult for me to carry out my duties as the symbol of the State with my whole being as I have done until now,” aniya sa isang pre-recorded video message na inere sa telebisyon noong Agosto 8, 2016.

Naluklok bilang emperador si Akihito noong siya ay 55-anyos matapos pumanaw ang kanyang ama na si Emperor Hirohito (Emperor Showa). Sumailam siya sa operasyon dahil sa prostate cancer noong 2003 at coronary-artery bypass noong 2012.

Nabisita na niya ang 47 prepektura sa buong Japan at napuntahan na rin ang 50 bansa simula nang siya ay Crown Prince pa lamang kabilang ang Pilipinas noong Enero 2016 kung saan inalala nila ni Empress Michiko ang mga sundalong Pilipino at Hapon na nasawi sa World War II.

Nakatakdang pumalit sa kanya bilang emperador ng Japan ang anak na si Crown Prince Naruhito, 57.

Si Akihito ang unang emperador ng Japan na magbibitiw sa tungkulin sa loob ng humigit-kumulang 200 taon. Ito ay matapos gumawa ng panukalang batas ang pamahalaan kasunod nang pagpapahiwatig ni Akihito na bumaba sa trono. Isinabatas ito ng Diet noong Hunyo 9.  
           
Nakasaad sa kasalukuyang Imperial system na hindi maaaring bumaba sa trono ang isang emperador hangga’t siya ay nabubuhay.

Plano ng gobyerno na magsagawa ng Enthronement Ceremony sa taglagas ng taong 2019. Inaasahan din ang pag-anunsyo ng bagong era sa kalagitnaan ng 2018.

Matatapos ang kasalukuyang Heisei era sa pagbaba sa trono ni Akihito.


Plano rin ng gobyerno na magdeklara ng 10 araw na sunud-sunod na holiday kabilang ang mga national holidays sa panahon ng Imperial accession.

Linggo, Enero 24, 2016

Pagbisita ni Emperor Akihito at Empress Michiko tuloy na tuloy na

Ni Florenda Corpuz


Nanguna si President Aquino kasama sina His Majesty Emperor Akihito
at Her Majesty Empress Michiko sa pag-awit ng Philippine at
Japanese National Anthem sa ginanap na welcome ceremony sa Grand Hall
 of the Imperial Palace noong Hunyo 3, 2015.
(
Kuha ni Robert Vinas/ Malacañang Photo Bureau)
Tuloy na tuloy na ang pagbisita ng Japanese imperial couple na sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Pilipinas mula Enero 26 hanggang 30.

Inaasahan na kabilang sa itinerary ng Japanese imperial couple ang pagdalo sa mga kaganapan na may kaugnayan sa pagdiriwang sa ika-60 anibersaryo ng relasyon ng Japan at Pilipinas pati na rin ang pagbisita sa himlayan kung saan nakalibing ang mga Pilipinong sundalo na nasawi noong World War II.

Dadalaw din sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa bantayog ng mga Hapon na namatay sa digmaan na matatagpuan sa Caliraya, Laguna lulan ng isang helicopter na sakay naman ng Japan Coast Guard patrol vessel Akitsushima sa Enero 29. Tinatayang aabot sa mahigit sa kalahating milyong sundalong Hapon ang nasawi sa Pilipinas noong giyera, ang pinakamalaking bilang na naitala sa labas ng Japan.

Nakatakdang daluhan nina Emperor Akihito at Empress Michiko ang welcoming ceremony na gaganapin sa Enero 27. Makikipagkita rin sila kay Pangulong Benigno S. Aquino III sa Malacañang Palace bago dumalo sa isang banquet.

Mag-aalay din sila ng bulaklak sa monumento ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa Luneta pati na rin sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig.

Makikipagkita rin sina Emperor Akihito at Empress Michiko sa mga kinatawan ng Japanese-Filipino community sa Pilipinas.
           
Ang pagbisita ng Japanese imperial couple sa Pilipinas ay bilang tugon sa imbitasyon ni Pangulong Aquino nang ito ay magtungo sa Japan para sa isang state visit noong Hunyo 2 hanggang 5.

Sina Emperor Akihito at Empress Michiko ang kauna-unahang Japanese emperor at empress na bibisita sa Pilipinas. Una silang bumisita sa bansa noong Nobyembre 1962 bilang crown prince at princess.

Lunes, Hulyo 6, 2015

PNoy, bitbit ang Japanese investments sa ‘Pinas

Ni Florenda Corpuz
Hinikayat ni Pangulong Aquino ang iba’t ibang Japanese
 trade organizations na mamuhunan sa Pilipinas sa ginanap na
Philippine Investment Forum sa New Otani Hotel sa kanyang
state visit sa Japan kamakailan. (Kuha ni Din Eugenio)
Balik-Pilipinas na si Pangulong Benigno S. Aquino III matapos ang apat na araw na state visit sa Japan bitbit ang pangako ng dagdag na Japanese investments at pagtalakay sa mga isyu ng South China Sea.

Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang Pangulo sakay ng Philippine Airlines Flight PR 001 kung saan siya ay sinalubong ng mga miyembro ng kanyang Gabinete kabilang sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas, Justice Secretary Leila de Lima, MMDA Chairman Francis Tolentino, DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, DOH Secretary Janette Garin at Tourism Secretary Ramon Jimenez.

Sa kanyang unang state visit sa Japan mula Hunyo 2-5 sa imbitasyon ng pamahalaang Hapon, nakatanggap ang Pangulo ng Php13.5 bilyon investment pledges mula sa 11 kumpanya na lumagda sa letters of intent na magbukas o palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Aquino, nagbabalak ang clothing company na Uniqlo na kasalukuyang may 22 outlets sa bansa na magdagdag pa ng 200 shops. Habang ang ibang kumpanya naman ay nasa manufacturing ng electric tricycles, printers, smart glasses at medical devices tulad ng aortic catheter, invitro diagnostics at para sa hemodialysis treatment ang interes.

“Sa pagdadala nila ng mga produktong ito sa Pilipinas, malinaw na lumalawak ang pagkilala ng mundo sa talino at talento ng Pilipino,” saad ni Aquino na sinabi rin na ang ibang kumpanya ay nagpahayag ng  plano na Pilipinas ang gawing sentro ng kanilang operasyon sa ASEAN region.

“Dahil alam naman nating kapag mas mataas sa value chain ang produktong nililikha ay mas mataas din ang pasahod at mas mabilis na matatamasa ang ginhawa at dignidad ng buhay para sa nakakaraming Pilipino,” dagdag ng Pangulo sa mga investment pledges na maaaring makalikha ng nasa 30,721 na trabaho.

Nilagdaan din ng Japan at Pilipinas ang mga kasunduan sa health, maritime safety at trade pati na rin ang concessional loan na nagkakahalaga ng P136.9 bilyon infrastructure projects.

“Ito pong concessional loan ang pautang na sobrang gaan ng interes at ipinagkakaloob ng kaibigan sa kanyang kapwa kaibigan. Nagpapakita po ito ng kagustuhang tunay na makatulong kaysa maging pabigat,” ani Aquino.

Lumagda rin sina Aquino at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ng Joint Declaration on Strengthened Strategic Partnership sa summit meeting na ginanap sa Akasaka State Guest House.

“Tunay nga pong pinapalalim ang ugnayan ng ating mga bansa sa maraming sektor, kabilang na ang seguridad. Napapanahon po itong pagtaas ng antas ng ating relasyon sa Japan sa harap ng mga banta sa estabilidad sa West Philippine Sea,” sabi ng Pangulo.

“Ang mahalaga nga po ay nakikita nating nagtutugma ang mga prinsipyo ng Japan at Pilipinas tungkol sa paggalang sa mga karapatan ng bawat bansa, sa malayang paglalayag sa international waters, at sa paghahari ng batas at mapayapang ugnayan upang matugunan ang anumang di-pagkakaintindihan. Sa tulong nga po ng Japan, natatawag ang pansin ng mas marami pang mga bansa sa sitwasyon sa mga dagat ng Asya,” dagdag pa nito.

Pakikipagkita sa mga opisyal

Sinimulan ni Aquino ang kanyang state visit sa Japan sa pamamagitan ng isang state call kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Palace kung saan isang welcome ceremony at state banquet ang maghihintay sa kanya. Ginawad sa kanya ng Japanese monarchy ang “Grand Cordon of the Supreme Order of the Chrysanthemum,” ang pinakamataas na karangalan na ibinibigay sa natatanging indibidwal. Habang binigay naman niya kay Emperor Akihito ang “Order of Lakandula with rank of Supremo.”

Nagbigay din ng talumpati si Aquino sa National Diet, na huling ginawa ni dating Pangulong Carlos Romulo at sa Nikkei 21st International Conference on the Future of Asia. Dinaluhan din niya ang Philippine Investment Forum kung saan niya inimbitahan ang mga Japanese investors na mamuhunan sa Pilipinas.
           
Nakipagkita rin siya sa mga miyembro ng Filipino community sa Okura Hotel kung saan hinimok niya ang mga ito na patuloy na suportahan ang kanyang mga reporma kahit na matapos ang kanyang termino.

Sa pagtatapos ng kanyang state visit, nagpaalam si Aquino kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Hotel. Pagkatapos nito ay nagtungo siya sa Japan National Press Club kung saan sinagot niya ang mga katanungan ng mga mamamahayag. Nilagdaan din niya rito ang guestbook kung saan niya nakita ang mensahe na nilagdaan ng kanyang ina na si dating pangulo Corazon Aquino noong November 13, 1986.

Lunes, Mayo 27, 2013

Senator Angara, pinarangalan ni Emperor Akihito


Senador Angara at Ambassador Lopez

Dahil sa kanyang malaking kontribusyon sa pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas at Japan, pinarangalan si Senador Edgardo Angara ng Grand Cordon of the Order of the Rising Sun ni Emperor Akihito sa Imperial Palace, Tokyo kamakailan lamang.

Bukod sa parangal na ito, mismong si Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang nagbigay din ng certificate na kasama ng naturang award. Labis na ipinagpasalamat ni Angara na personal na pumunta sa Japan para tanggapin ang naturang parangal.

“I am deeply humbled by this recognition from the government of Japan. This honor is a testament to Japan’s abiding interest in the enhancement of their ties with the Philippines. I am resolved to continue my own long-standing advocacy of further strengthening the bonds of friendship and cooperation between our peoples,” pahayag ni Angara pagkatapos ng awarding rites.

Matatandaan na noong 1988 ay itinatag ni Angara ang Philippine-Japan Parliamentarians Association (PJPA) kung saan siya rin ang tumayong pangulo. Pinangunahan din niya ang kauna-unahang PJPA delegation na bumisita sa Japan para makipagpulong sa ilang miyembro ng National Diet at iba pang opisyales.

Isa rin si Angara sa sumuporta sa Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA) na naipasa sa Senado noong 2008.

Ibinibigay ang Order of the Rising Sun sa mga indibiduwal na nagkaroon ng malaking kontribusyon sa international relations, pagtataguyod sa kulturang Hapon, pangangalaga sa kalikasan, at pagsulong sa mga programang nakakapagpaunlad ng lipunan.

Ilan sa mga nabigyan na ng Order of the Rising Sun, na binuo noong Abril 1875, ay sila Singaporean Prime Minister Lee Kuan Yew, dating UNICEF executive director Carol Bellamy, dating Brookings Institution president Michael Armacost, dating Foreign Affairs secretary at UNGA president Carlos P. Romulo at dating Ambassador to Japan Alfonso Yuchengco.