Ni Len Armea
Lifehouse band sa kanilang Manila concert nitong Oktubre. (Kuha ni Jude Ng) |
Ito na ang ikatlong beses na dumating sa bansa ang California
rock band na Lifehouse ngunit patuloy pa rin ang suporta na natatanggap nila sa
kanilang Pinoy fans dahil dinagsa pa rin ng mga ito ang kanilang concert, “Out
of Wasteland” Tour na titulo ng kanilang bagong album.
Malakas na hiyawan at palakpan ang naging reaksiyon ng
rock fans sa Mall of Asia Arena kamakailan nang lumabas sa stage ang mga
miyembro ng Lifehouse na binubuo nina Jason Wade (vocalist), Rick Woolstenhulme
Jr. (drummer), Bryce Soderberg (bassist) at ang bago nilang miyembro na si
Steve Stout (guitarist).
Una nilang kinanta ang carrier single ng kanilang bagong
album na “Hurricane” na sinundan ng “All In,” “Between the Raindrops,” “One for
the Pain,” at “Stardust.” Kagagaling lamang ng banda na mag-concert sa ilang
bansa sa Europa bago tumulak sa bansa.
“It's good to be back here. We tell our friends, the
favorite place we go to play in the world is here in Manila,” ani Jason na
ikinakilig ng mga fans.
Tinanong din ni Jason ang mga manonood kung sino sa
kanila ang “old school Lifehouse fans” na halos lahat ay nagtaas ng kamay na
naging hudyat para kantahin nila ang ilan sa mga old hits na nagbigay sa grupo
ng international fame. Nakisabay ang mga fans sa pagkanta ni Jason ng kanilang
mga lumang kanta gaya ng “Whatever it Takes,” “Sick Cycle Carousel,” “Halfway
Gone,” “You and Me,” at “Broken.”
Huling kanta naman nila ang pinakapopular nilang kanta na
“Hanging by a Moment” kung saan halos lahat ng fans ay nagtayuan at binigyan
sila ng masigabong palakpakan pagkatapos.
Nagkaroon din ng acoustic set kung saan tinugtog ng banda
ang “Everything,” “Spin,” at “Nerve “Damage.” Ilan pa sa kinanta nila ay ang
“Runaways,” “First Time,” “Broken,” at “Flight.”
Pagkatapos ng kanilang concert ay ipinahayag ni Soderberg
ang kanyang pagkamangha sa suportang ibinibigay sa kanila ng Filipino fans at
nangakong muling babalik sa bansa para mag-concert.
“The Philippines... I’m speechless every time,” tweet ng
bassist ng grupo. “That was one for the books,” dagdag pa niya.
Nakilala ang banda noong 2001 matapos na maging hit ang
kanilang unang album na “No Name Face” at sa loob ng 16-taon ay nanatili sa
paggawa ng musika na minahal ng kanilang mga taga-tangkilik.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento