Ni Jovelyn Javier
Sa ikalawang edisyon ng Cine
Filipino, isang bagong independent film festival, isa ang pelikulang “Sakaling
Hindi Makarating” mula sa direksyon at panulat ng cinematographer na si Ice
Idanan ang itinampok sa full-length feature na pinagbidahan ni Alessandra de
Rossi, Pepe Herrera, JC Santos at iba pa.
Pinarangalan din ang pelikula ng
2nd best picture, best actor (Pepe Herrera), best cinematography (Ice Idanan),
best sound (Raffy Magsaysay), best musical score (Mon Espia), at best editing
(Hanna Espia).
Kabilang din sa film festival ang
walo pang pelikula: “1st Sem,” “A Lotto Like Love,” “Ang Taba Ko Kasi,” “Ang
Tulay ng San Sebastian,” “Buhay Habangbuhay,” “Ned’s Project,” “Star Na Si Van
Damme Stallone,” at “Straight to the Heart.”
Classic soul-searching
“11 years lang naman ‘yun, it’s
nothing compared to the rest of your life.” Ito ang sinambit ni Paul, isang
English Literature teacher sa bagong kapitbahay na si Cielo na ginampanan ni
Herrera o mas kilala bilang si Mang Cesar sa teleseryeng “Forevermore” at Benny
sa “Ang Probinsiyano.”
Sana’y na tayong mga Pinoy at ‘di
nagsasawa sa mga pelikulang tungkol sa pag-ibig --- sa mga pag-ibig na nawala
at nakuhang muli, mga kwento ng pusong nagdadalamhati, ng mga iniwan at
nang-iwan --- at ang mga karanasang ito ang nagbubunsod sa sinuman para
maglakbay at hanapin ang sarili para maging buo muli.
Kung sa “That Thing Called
Tadhana” ay ‘di niyo makalimutan ang mga “hugot” na linya ni Mace, sa Sakaling
Hindi Makarating ay hindi gaanong gumamit ng mga hugot at hindi sinamantala ang
heartbroken scenario ngunit nakakaantig din ang kwento sa sarili nitong paraan
gamit ang picturesque visuals, balanced humor at natural dialogue.
Mula pa lang sa dayalogo ni Paul,
may hinala ka na kung saan iikot ang kwento. Tungkol ito kay Cielo (de Rossi),
isang artistic 20-something na biglang nakatatanggap ng mga serye ng
hand-illustrated postcards para kay “C” na may mensahe at larawan ng iba’t
ibang lugar sa Pilipinas na nagmula sa isang misteryosong sender na si “M.”
Naisip ni Cielo na maaaring galing
ang mga ito sa dati niyang fiance na si Mark, na siyang dahilan ng pagmumukmok
niya sa apartment na sana ay bago nilang tahanan sakaling natuloy ang naudlot
nilang kasal.
Nakahanap si Cielo ng bagong
kaibigan kay Paul na nakakabatuhan niya tungkol sa kanyang pinagdadaanan
hanggang sa iminungkahi niyang magbakasyon siya gaya ng anonymous postcard
sender. Dahil dito, sinimulan ni Cielo ang isang paglalakbay gamit ang mga
postcards bilang gabay para hanapin si M.
Tinahak ni Cielo ang mga
mahahabang daan at malalawak na dagat mula Maynila hanggang Zamboanga,
Siquijor, Marinduque, Ilocos Norte at Batanes. Mula sa sociably charming na si
Paul, nakilala niya pa ang ibang mga tauhan na nagpakulay sa kanyang
paglalakbay gaya nina Aisha (Hiraya Plata), isang 15-taong-gulang na dalaga sa
Zamboanga na nagturo sa kanyang lumangoy; mga taga-Siquijor na nagturo sa kanyang
mag-motor; si Manuel (Santos), isang binatang nakilala niya sa barko; at ang
mag-inang Mina at Sol sa Batanes na mayroon din hinahanap habang
binabalik-balikan niya ang nakaraan nila ni Mark (Jay Gonzaga).
Letter writing and picturesque Philippines
Kamangha-mangha rin ang depiksyon
ng mga napakagandang eksena ng mga lugar na pinuntahan ni Cielo. At testamento
ang mga ito na napakaganda ng ating bansa na nararapat lang ipagmalaki. Habang
nanonood ka, mauudyok ka rin na puntahan ang mga nasabing lugar kahit may
pinagdadaanan man o wala, at masasabi mo na lang sa sarili mo na andami mo pa
palang hindi nakikita sa sarili mong bansa.
Nakaka-miss din ang dating
pagpapalitan ng sulat noong mga panahon na mas espesyal ang komunikasyon at mas
nakikita ang malalim na koneksyon ng dalawang tao habang pinapanood sina Cielo
at Paul na nagsusulatan at kung saan iginuguhit din ni Cielo ang mga lugar na
napuntahan niya at mga nakilala niya rito.
Habang nakikita ang mga bagong
karanasan ni Cielo hanggang sa pagtatapos ng kanyang paglalakbay, maiintindihan
mo ang isang leksiyon, na huwag mong hayaang umikot ang iyong mundo sa iisang
tao. Gaya nga ng sinabi ni Paul, marami pa ang magagandang posibleng mangyari
sa buhay niya gayon din sa sinuman na iniwan, nasaktan, nasa estado pa ng
matinding kalungkutan at ng mga nagsisikap na umahon mula sa kinasadlakang
pagkabigo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento