Huwebes, Hunyo 9, 2016

Ise Jingu: Isa sa pinakabanal na Shinto shrine sa Japan

Ni Florenda Corpuz
           

Sa mahigit 80,000 Shinto shrines sa buong Japan, itinuturing ang Ise Jingu na isa sa pinakabanal dahil sa mga Japanese cypress trees o “hinoki” na makikita rito. Ang kahoy ng punong ito ang ginagamit sa paggawa ng mga shrines at temples mula pa noong unang panahon.

Matatagpuan sa Ise City, Mie Prefecture, ang Ise Jingu ay kilala sa pangalang “Ō-Ise-san” o “Jingu” at binubuo ng 125 Shrinto shrines o “jinja” na sumesentro sa paligid ng Kotaijingu (Naiku) at Toyo’uke-daijingu (Geku).

Ang Ise Jingu ay halos kasing-laki ng siyudad ng Paris.

Kasaysayan

Noong unang panahon, sinasamba ng mga emperador ang goddess of the sun na si Amaterasu-omikami sa Imperial Palace. Inilipat ang Holy Mirror na simbolo nito sa panunungkulan ni Emperor Sujin. Muli itong inilipat noong panunungkulan ni Emperor Suinin sa Ise matapos niyang utusan ang kanyang prinsesa na si Yamatohime-no-mikoto na gawin ito.

Inilipat din dito ang goddess of agriculture and industry na si Toyo’uke-no-omikami mula Kyoto.

Main Sanctuaries

Kotaijingu (Naiku)

Ang Kotaijingu (Naiku) ay itinuturing na pinakabanal na shrine sa buong bansa. Ito ay alay kay Amaterasu-omikami na sinaunang deity ng Imperial family.

Toyo’uke-daijingu (Geku)

Ang Toyo’uke-daijingu (Geku) ay alay para kay Toyo’uke-no-omikami ang deity na nagbibigay ng banal na pagkain kay Amaterasu-omikami at tagapagbantay ng damit, pagkain at tirahan.

Ritwal at seremonya

Nasa halos 1,500 na ritwal at seremonya ang isinasagawa rito taun-taon para ipagdasal ang kasaganaan ng Imperial family, kapayapaan sa buong mundo at masaganang ani. Ito ay isinasagawa ng mga pari ng shrine sa ilalim ng direksyon ng emperador. Ang mga ritwal na ito ay nahahati sa tatlong grupo: regular na ritwal na ginagawa araw-araw at taun-taon; natatanging ritwal na isinasagawa tuwing may espesyal na okasyon para sa benepisyo ng Imperial family, ng bansa at ng Jingu; at ang ritwal para sa Shikinen Sengu na ginagawa tuwing kada 20 taon.

Tuwing may mahahalagang ritwal, nagpapadala ang Emperor ng alay na textiles na tinatawag na “heihaku.”

Naka-base ang taunang ritwal sa cycle ng rice cultivation. Ang Kanname-sai ang pinakamahalagang seremonya ng taon kung saan inaalay ng pari ang unang ani ng bigas sa shrine na sinasamahan ng dasal ng pasasalamat kay Amaterasu-omikami.

Isinasagawa ang taunang ritwal sa Ise Jingu sa mga sumusunod na petsa: Enero 1 - Saitan-sai; Enero 3 - Genshi-sai, Pebrero 11 - Kenkoku-kinensai, Pebrero 17 - Kinen-sai; Mayo 14 - Kazahinomi-sai at Kammiso-sai; Hunyo 15-25 - Tsukinami-sai, Agosto 4 - Kazahinomi-sai, Oktubre 14 - Kammiso-sai, Oktubre 15-25 Kanname-sai, Nobyembre 23-29 Niiname-sai - Disyembre 15-25 - Tsukinami-sai at Disyembre 23 - Tencho-sai. Habang ang araw-araw na ritwal naman ay Higoto-asa-yu-omike-sai.

Kada 20 taon ay nagtatayo ng bagong divine place na ang dimensyon ay tulad ng sa kasalukuyan sa alternate site na katabi ng main sanctuary. Muli rin ginagawa ang mga banal na kagamitan na ilalagay sa loob nito. Nililipat din dito ng mga pari ang Holy Mirror o Shikinen Sengu. Umaabot sa walong taon ang pagsasagawa ng ritwal na ginaganap sa Geku at iba pang jinja sa loob ng Ise Jingu. Unang isinagawa ang ritwal noong 690 sa panunungkulan ni Emperor Jito. Huli naman itong ginawa noong 2013.

Okage Yokocho

Sa harap ng Ise Jingu ay matatagpuan ang Okage Yokocho na binuksan noong 1993. Sa loob nito ay makakabili ng iba’t ibang lokal na produkto tulad ng pagkain, inumin at iba pang souvenirs ng lugar.

Kahalagahan ng Ise Jingu

Naniniwala ang mga Hapon na dapat silang makabisita sa Ise Jingu kahit isang beses bago sila mamatay dahil sa kabanalan ng shrine.


Inaasahan ang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista rito sa nalalapit na G7 Ise-shima Summit na gaganapin sa Mayo 26-27. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento