Martes, Hunyo 7, 2016

Divas Live: Pagsasanib-pwersa ng lima sa pinakamagaling na female artists sa bansa



Sa kauna-unahang pagkakataon, isang espesyal at katangi-tanging kolaborasyon ang magaganap sa pagitan nina R&B Queen Kyla, Pop-Rock Princess Yeng Constantino, Queen of Theme Songs Angeline Quinto, Soul Supreme KZ Tandingan, at West End Diva Rachelle Ann Go sa iisang entablado na mangyayari sa Nobyembre 11 ngayong taon sa Araneta Coliseum. Lahat sila ay contract artists ng Cornerstone Talent Management.

Kaabang-abang kung paano ang magiging kumbinasyon ng limang boses na magkakaiba at may sari-sariling istilo.

Magkakaiba man, lahat silang lima ay nagsimula sa industriya sa pamamagitan ng singing contest. Si Kyla, unang sumali sa Tanghalan ng Kampeon ngunit una siyang nanalo sa Hamon sa Kampeon ng DZRH noong 1991. Si Rachelle Ann naman ay nagsimula sa Search for a Star ng GMA-Viva noong 2004 bilang grand champion nito.

Itinanghal naman na grand star dreamer si Yeng sa unang edisyon ng Pinoy Dream Academy sa ABS-CBN noong 2006. Para kay Angeline naman, bilang winner ng Star Power: Search for the Next Female Pop Superstar noong 2011. X-Factor Philippines naman ang kay KZ nang manalo ito noong 2012 sa unang edisyon ng contest.

R&B Queen

Pinakamatagal na sa industriya sa kanilang lima si Kyla na kamakailan lang ay nag-uwi ng parangal sa Myx Music Awards para sa favorite remake at favorite media sountrack (On The Wings of Love). Mula nang makitaan siya ng potensiyal ni Al Quinn, naging bahagi na siya ng That’s Entertainment, naging kinatawan ng bansa sa 4th Yamaha Music Quest sa Japan noong 1995, third prize sa Metropop Young Singers’ Competition hanggang sa pumirma siya ng recording deal sa EMI Philippines.

Inilabas niya ang kanyang debut album noong 2000, ang “Way To Your Heart” ngunit ang piano-driven ballad na “Hanggang Ngayon” ang kanyang breakthrough hit, ang kanta na nagpanalo sa kanya bilang MTV Viewers’ Choice for Southeast Asia sa 2001 MTV Video Music Awards at siyang kauna-unahang East-Asian female artist na makakuha ng parangal sa MTV VMA. At mula noon, sunud-sunod na parangal na ang natanggap ni Kyla sa industriya. Mayroon na siyang walong studio albums, isang EP, at apat na compilation.

West End Diva

Itinaas naman ni Rachelle Ann ang bandila ng bansa sa London kamakailan nang gumanap siya bilang Gigi Van Tranh sa pinakabagong edisyon ng “Miss Saigon” sa West End at nasundan ito ng isa pang malaking pagganap sa “Les Miserables” bilang si Fantine. Nagtanghal din si Rachelle Ann kasama ang iba pang cast ng musical kamakailan sa bansa. Siya rin ang napili ng Disney para kantahin ang “A Dream is a Wish Your Heart Makes” para sa 2015 live-action Cinderella movie. 

Bago sumabak sa ibang bansa, aktibo na si Rachelle Ann sa musicals dito sa bansa gaya na lang ng debut musical role niya bilang Ariel sa The Little Mermaid at bilang Jane Porter sa “Tarzan.” Nagwagi rin ng Silver Prize ang kanyang kantang “From the Start” sa Shanghai Music Festival 2005 at Best Song para sa “Isang Lahi” sa Astana International Song Festival 2005 sa Kazakhstan.

Pop-Rock Princess

Kung mayroon isang kantang nagbunsod sa karera ni Yeng, ito ang“Hawak Kamay” na unang narinig habang nasa PDA pa siya, ngunit isinulat niya ito noong 14-taong-gulang pa lang siya. Inspirasyon ng kanta ang kanyang malapit na pinsan na umalis para manirahan sa ibang lugar. Naging bahagi ang kanta kalaunan ng kanyang debut album na “Salamat” at theme song ng pelikulang “Kasal, Kasali, Kasalo.”

Sari-saring parangal din ang natanggap na ni Yeng at mayroon nang limang studio albums at naging bahagi ng maraming compilation albums. Sumabak na rin siya sa pagpepelikula sa indie film na “Shift”, hosting sa “The Voice Kids” at kasalukuyang hurado sa “It’s Showtime – Tawag ng Tanghalan.”

Queen of Theme Songs and Soul Supreme

Ilang pagsubok din muna ang dinaanan ni Angeline bago nakapasok sa industriya. Sumali muna siya sa maraming contest bago siya nagwagi sa Star Power. Malaki naman ang paghanga niya kay Asia’s Songbird Regine Velasquez na itinuturing niyang inspirasyon at impluwensiya.

Gaya nina Kyla, Rachelle Ann at Yeng, isa ring platinum artist si Angeline na may lima nang studio album. Napanood na rin siya sa pelikula, “Born to Love You,” “Four Sisters and a Wedding,” “Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?” at “Beauty in a Bottle.”


Napahanga naman ng “Mahal Ko o Mahal Ako” singer na si KZ ang lahat nang kumanta siya ng jazzy version ng “Over the Rainbow” at rapping skills sa “Ready or Not.” Naging bahagi rin siya ng Himig Handog P-Pop Love Songs sa kantang “Scared to Death” na nagwaging 4th place. Nagpakita rin siya ng kakaibang talento sa The Singing Bee nang manalo siya dito, gayondin bilang 4th place sa finals ng “Your Face Sounds Familiar Season 2 kamakailan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento