Huwebes, Hunyo 9, 2016

Kalagayan ng Pinoy nurses at caregivers sa Japan

Cesar V. Santoyo

Naging tampok na usapin sa ilang mga pahayagan sa Japan ang mga Pilipino nurses at caregivers na kumuha ng mga pagsasanay at examination subalit bumalik sa Pilipinas kabilang ang mga nagpakahirap at nakapasa.  Hindi biro ang paglalakbay ng ating mga kababayang nurse at caregiver na halos hindi maisip kung papano maipapasa ang programang aral-trabaho.

Sa isang pahayagan ay may nakalathalang winika ang isa nating kababayan na umuwe ng bansa matapos ang isang taong deployment sa Japan, “ang aming paglalakbay ay imposibleng misyon. Hirap na hirap kami sa aming pisikal, isip at emosyonal na kalagayan habang nag-aaral para pumasa sa Board Exam kasabay ng aming pagtatrabaho. Puwersado kaming mag-aral kahit sa araw ng aming pamamahinga.”

Ang 33-taong-gulang na nurse na ayaw magpakilala ay isa lamang sa mahigit 1,200 Filipino nurses at caregivers na tinanggap ng Japan simula taong 2009 sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Agreement (JPEPA).

Sa ilalim ng kasunduan ang ating mga kababayang nurse at caregivers ay sasailalim sa pag-aaral at pagsasanay ng Japanese, training ng Japan health facilities, at sa huli ay ang pagkuha ng licensing at exam bilang nurse at caregiver. Ang mga pumasang kandidato ay nabibigyan ng working visa, lisensya para sa trabaho at tumulong sa papatandang populasyon ng Japan at paglaki rin ng kakulangan ng mga manggagawang pangkalusugan.

Sa kasalukuyan habang isinusulat ito, sa mga bagong batch ng 60 nurses at 275 caregivers ay kailangan na kumpletuhin ang anim na buwan na kurso sa Japanese language at culture sa Pilipinas bago mai-deploy sa Japan sa susunod na buwan ng Hunyo.

Isang reklamo rin ang papalit-palit na kundisyon sa pagpapasahod at kasunduan sa kontrata kapag nagsimulang magtrabaho sa Japanese hospital. Para mahimok na tapusin ang programa ay hinahayaan na lamang gayahin ang ginagawa ng Japanese na kasama sa trabaho imbes na matoka sa ibang gawain.

“Kung maibabalik ko lamang ang oras ay hindi ko pipiliin na isakrapisyo ang aking career bilang public nurse sa Pilipinas at ang aking pamilya,” wika ng ating kababayang nurse.

Mayroon din naman na ilan sa ating mga kababayan ang mga nakapasa ng nursing board exam. Naging dahilan ito para makapanatili sa Japan subalit hindi kasama ang pagtaas ng suweldo. Dahil sa iba’t ibang rason, marami rin sa kakarampot na bilang ng mga nakapasa sa nursing board exam ng Japan ang nagdesisyon na umuwi na lamang sa lupang tinubuan.

Sa pagsusuri sa laman ng mga pahayagan na naglathala ng kalagayan ng mga Pinoy nurses at caregivers ay nagsasabing hindi epektibo ang programang ito. Hindi nabibiyayaan ang mga nurses at caregivers sa maayos na sweldo at matiwasay na pamumuhay na may sapat na araw ng pahinga.

Ang buong kalakaran, proseso at pagpapatupad sa pagpapadala ng mga nurses at caregivers ay itinakda sa ilalim ng JPEPA, ang bilateral na kasunduan ng Japan at Pilipinas na nilagdaan noong taon 2008. Sa kasunduan, ang mga Filipino nurses ay pinahintulutan na magtrabaho sa Japan sa level ng trainee at sa pinakamababang posisyon sa linya ng gawain ng nurse. Sa panahon na isinusulat ang mga probisyon sa JPEPA, ang sahod na itinakda ay US$400.00 kahit na ang minimum living standard ay US$1,000.00.

Ang JPEPA ang nagtakda ng imposibleng panahon upang ang ating mga kababayang nurse ay makatugon sa mga pangangailangan. JPEPA ang nagtakda ng anim na buwang pag-aaral ng Nihongo at maging ang pag-aaral at pagtatrabaho ng sabay-sabay. At dahil sa isang kasunduan ng dalawang bansa ang ginagalawan ng mga kababayan nating nurses ay wala rin itong probisyon kung saan idudulog ang mga karaingan lalo na’t may pang-aabuso o iba pang kadahilanan kagaya ng paglabag sa karapatan ng tao.

Hindi binigyan ng mga naghuhubog ng kasunduan JPEPA na magkaroon ng pinakaposibleng probisyon sa mga Pinoy nurses dahil sa ang mga nurses mula sa Indonesia ay required lamang ng dalawang taong work experience at tatlong taon na kurso sa nursing na walang nursing board exam. Bago ang ating mga kababayan na nurse ay makatuntong sa Japan, kailangan muna ang tatlong taong work experience pagkatapos ipasa ang Philippine Nursing Board Exam.

Sa kagustuhan ng marami sa ating mga kababayan sa Pilipinas ay makapagtrabaho sa Japan, maaaring ang pagpapadala mula Pilipinas ng mga Pinoy nurses ng Japan ay ginamit bilang palamuti lamang para maging popular at katanggap-tanggap sa publiko ang JPEPA lalo na sa panahon na malakas ang pagtutol laban sa JPEPA. Sa ilang libong nurses na hindi makapasa at makatagal sa Japan, milyon-milyong dolyar naman ang natitipid ng mga Japanese corporation sa free trade at tax exemption sa ilalim ng JPEPA.

Kung sakali man na ang mga pahayagan sa Japan ay nakikitang ang ating mga kababayan nurses ay hindi masaya sa gawain, dapat lamang na maging malinaw sa atin na ang kadahilanan ng mga ito ay nag-uugat sa JPEPA. Ang hindi pantay na kasunduan ng Pilipinas at Japan na walong taon nang ipinapatupad.

Marami pa na mga hindi patas na kasunduan ang nilagdaan ng mga nagdaang pangulo ng Pilipinas. Sa tagumpay ng bagong presidente ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte, ang sigaw ng pagbabago ay kailangan na itagos sa patas na kasunduan sa mga bansa. Maililigtas sa kahirapan ang sambayanan sa pagbabago ng mga hindi patas na kasunduan ng Pilipinas sa mayayamang bansa.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento