Huwebes, Hulyo 5, 2018

Negosyo 101: Pagpaparami ng customers


Ni Lorenz Tecson


May panahon matumal ang bentahan sa tindahan lalo na kung may pinipiling panahon ang iyong produkto o serbisyo.  Kung inaasahan mo na mababa ang iyong benta dahil sa tag-ulan o tag-araw na ay isasara mo ba muna ang iyong tindahan? Hindi naman ito kailangan kung mayroon kang mga taktika partikular na kung pinapalawak mo ang iyong merkado.

Ang pagpapalawak ng merkado ay may dalawang bagay – pagpapalaki ng bilang ng iyong mga customers at pagpapalawak mismo ng inaalok ng iyong negosyo.  Ang pagtutuunan ng artikulong ito ay ang pagpaparami ng customers bagaman may mga  bahagi rito na maaaring salik din sa pagpapalawak  ng negosyo.  

Mag-alok ng iba para makaakit ng iba. Kung ang iyong produkto ay mga school supplies, ang inaasahan mong customers ay mga estudyante. Para makaakit ng iba pa, ang isang hakbang na mainam na gawin ay magdagdag ng iba pang klase ng paninda. Hanggang maaari ay hindi iyong mga tipo na nalalayo sa mga tinatangkilik ng iyong regular na parokyano. Para sa iyong school supplies store ay puwede kang magdagdag ng photocopy, giftwrapping, o computer rental services.

Ganito rin naman ang ginagawang taktika ng mga seasonal businesses gaya ng mga resorts. Lalo na pagkatapos ng tag-init na maituturing nilang peak season ay asahan ang iba pa nilang kampanya. May nag-aalok ng gawing venue ang kanilang resort sa halos anumang klaseng okasyon.

Magkaroon ng iba pang klaseng negosyo 

Hindi nakakapagtaka na yumaman ang mga kagaya nina Henry Sy, Tony Tan Caktiong, John Gokongwei, at Jaime Zobel de Ayala.  Iyan ay dahil sa sari-sari na linya ng kanilang mga negosyo.  

Si Henry Sy, ayon sa tala ng Forbes Magazine, ay “Richest Man in the Philippines” simula pa taong 2005. Siya rin ang “Richest Man in Southeast Asia” at ngayong 2018 ay tumuntong na sa top 52 sa hilera ng mga bilyonaryo sa buong mundo.  

Tinataya na may $20 bilyon ang kanyang netong yaman kung pagsasamahin ang magkakaibang  korporasyon sa  ilalim ng kanyang  SM Investments Corporation. Bukod sa malls, mayroon din silang ibang retail business, bangko (Banco de Oro at China Bank), at real estate (commercial at residential). Ngayong taon ay pinasok na rin nila ang cement business.  

Ang ideya sa bahaging ito ay simple at ito ay magkaroon ng magkakaibang negosyo  para iba-iba rin ang mapukaw mong customers.  Isang halimbawa rito ay kung may water refiling station ka ay pwede ka rin mag-laundry shop, mag-food cart business, at iba pa.  Ang tawag sa mga negosyanteng may ganitong istratehiya ay serial entrepreneur.

Magbukas ng negosyo sa magkakaibang lokasyon

Napakahalaga ng lokasyon sa isang negosyo na may pisikal na opisina.  Kaya kung sa tingin mo ay sa ibang lugar din na tatangkilik sa iyong negosyo ay pwede kang magtayo doon at sa iba pang lugar na matao. Ito rin ang simpleng ideya sa pagkakaroon ng branch at franchise ng iisang negosyo sa magkakaibang lugar.

 Gumamit ng mga daan at paraan

Kung pipiliing gamitin ang tektnolohiya ay mas maaari rin na maparami ang customers.  Bagay ito sa mga kabuhayan na nagsimula bilang tradisyonal na maaari rin gawan ng online store.  

Kung sa tradisyonal na tindahan ay para na sa iyong mga regular at malalapit na customers, ang iyong online store  ay maaaring para doon sa malalayo at hindi pa nakakakilala sa iyo. Magagawa ito kung sasamahan ng pagkakaroon ng online payment options, delivery services, at sistema para mapabilis ang pag-o-order.     

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento