Huwebes, Hulyo 5, 2018

Ano ang pumipigil sa iyo para umasenso sa iyong karera?


Ni MJ Gonzales

Masarap talaga ang mangarap. Noong bata tayo ay mas masaya itong gawin dahil walang negatibong kaisipan na pumipigil sa atin. Basta simple lang, gusto natin matupad ang ating inaambisyong propesyon dahil mukhang masaya. 

Subalit sa paglipas ng panahon ay bakit tila nga ba nagiging malayong destinasyon ang ating  mga ambisyon? Bakit pinaghihinaan kaagad tayo ng loob na umasenso sa ating karera?  

Narito ang posibleng mga kadahilanan:

Nangangarap ka lang.   Sa ating pagtanda ay nalalaman natin na may mga ambisyon na madali at medyo mahirap-hirap makamit.  Lahat ng iyan ay nakadepende hindi lamang sa talino at talento kundi  sa iyong kasipagan.  Ang taong puno man ng talino at talent pero numero unong tamad ay walang aasahang  asenso at swerte sa karera.

Kung ang isang pangarap ay tila mataas para abutin, marahil ay dahil tinitingnan mo ito sa malayong hinaharap.  May mga bagay dito na hindi pa malinaw, nakakatakot subukan, at sa ngayon, ay parang hindi mo kayang gawin.  Simulan mong mangalap ng impormasyon at subukan ang mga hakbang na mahahanap mo. Hindi maglalaon ay magkakaroon ng sagot ang iyong mga katanungan at mabibigyang-linaw kung paano ka aasenso sa iyong karera. 
 
Tandaan na hindi sa laki at liit kundi kung mayroon ka nga bang ginagawa para maabot ang iyong pangarap. Kung nasaang sitwasyon ka man ngayon ay dahil iyan sa mga aksyon mo noon. Kaya hindi imposibleng makakarating ka rin sa hinahangad mong posisyon kung may gagawin kang aksyon ngayon.

Masyado kang nakadepende sa iba.  Noong bata rin tayo ang tanging mga tao na pwedeng bumasag sa ating pag-aambisyon ay ang ating mahal sa buhay.  Hindi tayo basta naniniwala sa pang-aasar ng ating mga kalaro nbagkus ay handa tayong makipag-away kung kinakailangan. 

Malayong-malayo ito sa karamihan kapag sila ay nagkaka-edad na tila kabaligtaran na. Ang nangyayari ay ang kanilang tagumpay, kasiyahan, at pangarap ay nakabase na sa ideya ng ibang tao. 

Isang magandang halimbawa rito sa modernong panahon ay mga taong binibigyan ng importansya ang “likes,” “trending,”  “viral,” at komento sa kanilang social media sites.  Maliban sa karera mo ay ang pagiging social media influencers, may kababawan kung susundin ang mga ito.

Katunayan ang ideya umano kung kung bakit maraming mamahaling brand ng sapatos, kotse, at damit ang hindi nakikita sa TV at social media ay dahil ang merkado ng mga ito ay wala sa mga platform na ito. Ang mga customers ng mga mamahaling brand ay masyadong abala sa kanilang mga karera para manood ng TV at magbabad sa social media. 

Kaya kung gusto mong makakuha ng mahusay na payo ay maiging dumiretso ka na sa mga eksperto, guro, o supervisor sa iyong trabaho.  Dito mas malalaman mo kung sino ka, kung ano ang gusto mo, at ano pa ang kailangan mong gawin.   Mas mainam na rin ang makakuha ng prangkang kritisismo kaysa pekeng katotohanan na ikakalubog mo.

Palagi mong ikinukumpara ang iyong sarili.  Sa realidad ng buhay ay palaging may mas matalino,  maganda, mayaman, talentado, at masuwerte kaysa sa iyo. Kung palagi kang nakatingin sa kung ano ang mayroon sa iba, ang palagi mong maiisip ay kung ano ang wala ka.

Ibang-iba ito kung sa halip na ikumpara mo ang iyong sarili ay pagtutuunan mo ng pansin kung paano ka magiging mas mahusay, mas may kumpiyansa, at mas masaya sa iyong ginagawa. 

Mawawala sa iyo ang inggit, takot, kalungkutan at mga negatibong bagay na nagpaparalisa sa iyong pag-asenso. At hindi mo namamalayan na nagiging positibo ang iyong pananaw at mga aksyon na nagreresulta ng positibong bagay sa iyong karera.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento