Huwebes, Hulyo 5, 2018

Bakit hindi mo dapat itinatabi ang iyong pera?


Ni MJ Gonzales



Nag-trending sa Youtube ang video na “Kapuso Mo Jessica  Soho: Inanay na pera, mapapalitan pa ba?” Dalawa sa itinampok na paksa rito ay nasira ang mga perang papel na itinabi nila sa kanilang cabinet kung saan ang isa ay gumamit ng leather wallet habang isa naman ay kawayang alkansya.  

Ang nasabing segment episode ay hindi nagsasabing huwag mag-impok ng pera.  Tama ang disiplina at hangarin na maging masinop sa pera subalit ipinaaalala nito kung paano maging wais sa pag-iipon. Katunayan, ang pagkasira ng mga  perang papel dahil sa anay at bukbok ay ilan lamang sa pisikal na pwedeng mangyari sa iyong pera.  Maaari rin itong mawaglit sa isipan, manakaw ng iba at mawalan ng halaga.

Ano ang pakinabang ng perang ibinabangko?

Matrabaho ang pagdedeposito at pagwi-withdraw ng pera lalo na’t may regulasyon ang mga kumpanya ng bangko.  Ang kapalit naman nito ay magagandang bentahe, isa na rito ang insurance sa iyong deposito. Sa Pilipinas, ang bahala rito ay ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) na kung saan sinisuguro ang deposito basta hanggang Php 500, 000.

Dagdag pa sa bentahe ng pagbabangko ay mas mabilis na pakikipagtransaksyon sa negosyo, trabaho at  pagkakaroon ng mas malawak na kaalaman sa pananalapi.  Hindi nga ba’t kapag nagbabangko ay nakilala mo ang mga terminong deposit, withdrawal, time deposit, credit card, house/car loan, autodebit, internet banking, at marami pang iba. Bukod sa kaalaman ay mas makatutulong ang pagbabangko sa iyong disiplina sa pag-iipon.   

Mga epekto ng pagtatago ng pera

Ang pag-iipon ay hindi lang tungkol sa pagtatabi ng pera. Ito ay tungkol din sa layunin sa buhay  o iyong  tinatawag na financial goals at  disiplina.  Ilan sa mga halimbawa na kadalasan na pinag-iipunan ay edukasyon, retirement, pagpapakasal, at iba pa.   Kaya masasabing may silbi pa rin naman ang pag-aalkansya at wallet, partikular na sa maliliit at short-term goals. Pero bakit nga hindi dapat itinatabi ang pera nang matagal o para sa mga long-term goals?

Dagdag gastos para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) o gobyerno. Sa panig ng BSP ay nagkakaroon sila ng dagdag na gastos dahil sa “warehousing” o pagtatago ng pera lalo na ang mga barya.   Kapag kasi may “artificial shortage” o kakulangan ng umiikot na pera sa merkado ay kailangan gumawa ng pera gaya ng mga barya. Alam mo bang mas malaki pa sa halaga sa piso (Php 1) ang gastos sa paggawa  ng kada piraso nito (Php 1.55).  

Noong 2014 ay ipinasa sa kongreso ang House Bill 4411, akda ni Batangas Rep. Sonny Collantes, na may kinalaman sa “anti-hoarding of coins.”  Ang mapapatunayan na magkakasala rito ay maaaring makulong nang may walong taon at pagmumultahin ng Php 300,000.  Ito ay laban na rin sa mga taong iniimbak ang mga baryang pera para ikalakal.  Lalo na ang mga naunang inilabas noon, gawa sa copper at nickel ang mga barya na pwedeng tunawin para magamit na materyales sa ibang bagay.

Pahirap sa pamimili at pagbebenta.   Hindi lahat ng binibili sa mall ay sakto o sarado ang presyo. May ilan dito ay may butal gaya halimbwa Php 499.75 o kaya Php 499.95. Kung walang maibibigay na barya o maipapanukling pera ay mapipilitang mabili ito sa presyong Php500.

Mas bumababa ang tunay na halaga ng pera.  Ang isa pang masasabing “anay” sa itinatabing pera ay ang pagpapababa ng halaga nito ng hindi namamalayan. Ito ay dahil na rin sa pagtaas ng mga bilihin na humihila pababa ang halaga ng pera o tinatawag na “inflation.” 

Halimbawa na nakakapagtabi ka ng Php 10, 000 kada buwan at ginawa mo ito sa buong taon mula pa noong Mayo 2017.  Kung susumahin ay aabot sa Php 120,000 nitong Mayo 2018. Pero dahil sa inflation rate na ayon sa huling tala ng BSP at Philippine Statistics Authority ay pumalo na sa 4.6 porsyento nitong Mayo 2018 ang aktuwal na halaga nito ay Php 114,480. 

Ito ang dahilan kung bakit hinihikayat ng mga financial experts na subukan ang pamumuhunan para hindi matulog ang pera at sa halip ay mapalago pa ito at malabanan ang inflation rate.  Sa bangko ay naglalaro lamang sa .63 porsyento hanggang 1.85 porsyento ang interest rate sa iyong perang ipinapatabi. Wala pa rito ang ibabawas na buwis.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento