Huwebes, Hulyo 5, 2018

Career tips & tricks: Kamtin ang pinakamahusay na bersyon mo sa pamamagitan ng personal routine



Negosyante man o hindi, napakahalaga nang tamang paggamit ng oras ay. Ito sa lahat ng kayamanan ang lumilipas at hindi na maibabalik pa.  Kaya naman ang isang inirerekomendang paraan para masulit ang iyong kakayahan at oras ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng personal routine.

Ang routine ay kalakaran o hilera ng mga gawain na kadalasang sinusunod sa araw-araw. Kung isa kang regular na empleyado,  ang routine mo ay iikot sa  paggising sa umaga, pagbiyahe papuntang opisina, pagtatrabaho sa oras na itinakda ng kumpanya, pagbiyahe pauwi,  pagkain, at pagtulog.  Ang ganitong kalakaran ay maaaring nakakapagod at nakakabagot pero kung susumahin ito ay nagbibigay ng disiplina, nag-oorganisa ng iyong schedule at nagpapadali rin ito ng pagsusunud-sunod o pagpaprayoridad ng iyong mga gawain.

Kaya nga kahit sa mga negosyante, freelancers, at para sa personal na buhay ay mainam ang pagkakaroon ng personal routine.

Pagkakaroons ng personal routine

 Kung tutuusin ang bawat tao ay may iba’t ibang sistema.  May iba na mas produktibo sa umaga, hapon, o sa gabi.  Kaya kung kaya mong ikaw ang gumawa ng iyong routine ay mainam na ilagay mo ang iyong pagtatrabaho sa oras na ganado ka. Dito ay mas makakagawa ka ng maraming bagay kahit pa iyong mabibigat at madalas mong kinatatamaran gawin.

 Sa ibang banda, pwede rin ibase ang iyong personal routine sa ninanais mo gaya ng pag-iwas sa stress kapag nagtatrabaho.  Pwedeng sa halip na magbasa ng email at balita sa umaga ay ilagay mo sa bandang hapon ang mga ito.  Kung gusto mo namang  palaging makasagap ng mga ideya ay maaaring bahagi ng routine mo ang magbasa ng may isang oras sa umaga, maglakad-lakad ng 15 minuto sa hapon o magkaroon ng brainstorming session sa iyong ka-grupo kada isang linggo. 

Anu-ano pa ang positibong epekto ng personal routine?

Para sa kalusugan.  Isa sa positibong epekto ng personal routine ay may kinalaman sa kalusugan. Mas naaayos ng taong may routine ang oras ng kanyang pagkain, ehersisyo, at pagkamit ng kumpleto at magandang tulog.  Mahirap ang mga ito para sa isang taong walang sinusunod na routine. Dahil hindi niya naisasaayos ang kanyang oras at limitasyon kaya nauuwi ito sa pagiging malilimutin, walang nagagawa, palaging tinatamad, at stressed.

Hirap din itong makatulog dahil sa panahon na dapat tulog siya ay gising na gising ang kanyang diwa. Kapag inaantok naman siya ay pinipilit niyang magising at kadalasan sinasabayan ng sobrang pag-inom ng kape. Iba ang senaryo kapag nasanay na ang katawan at isipan sa takdang oras ng pagtulog at pagkain.

Para mas maging produktibo. Ang isa pang bentahe ng personal routine ay ang mapaglaanan din ng oras ang iba-ibang bagay sa iyong buhay. 

Ang problema din kasi sa kawalan ng klarong routine ay pagkunsumo ng sobrang oras sa mga bagay na halos walang saysay araw-araw.   Halimbawa ay bahagi ng iyong dating routine ay manood ng TV na gagawin mo pagkauwi mula sa trabaho hanggang sa antukin ka na.  Bunsod niyan ay ibinuhos mo na ang natitirang oras at enerhiya sa pag-upo lang sa harap ng TV.  Maaaring gawin itong isang oras na lamang at isabay sa pagkain, at ilaan ang ibang oras sa ibang bagay gaya ng paglilinis, pagliligpit ng iyong gamit at pagdarasal.

Sa umpisa ay nakakatamad ito pero dahil susundin mo ang ganitong kalakaran ay unti-unti nitong  mababali ang iyong dating mga nakasanayan. Tandaan din na hindi mag-iiba ang resulta kundi muna mag-iiba ang aksyon sa iyong ginagawa. 

Para sa magandang pagbabago. Dahil kung tutuusin ay walang pangarap na nakukuha nang mabilisan, kailangan itong trabahuin ng may determinasyon.  Kaya kung gusto mong makamit ang iyong mga nilalayon ay ngayon pa lang ay simulan na itong isama sa ayos ng iyong routine.

Halimbawa na gusto mong magnegosyo ng pagkain sa hinaharap pero sa kasalukuyan ay namamasukan ka bilang empleyado, maaaring araw-araw ay may isa o hanggang dalawang oras kang magbasa tungkol sa pagluluto at pagnenegosyo.   Isingit mo rin sa iyong linggo-linggong araw ng pahinga ang pagbisita sa mga kainan, paglikha ng recipe, at pagpapatikim ng iyong mga luto sa iyong kakilala.

Ang  isang ideya rin  kasi sa personal routine ay ipursige ka na gumawa ng hakbang kahit maliit lang para sa iyong layon.  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento