Martes, Nobyembre 6, 2018

Walong estudyante kakatawan sa PH sa Asian Children’s Film Fest


Walong high school students ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2018 Asian International Children’s Film Festival sa ilalim ng JENESYS2018 Programme.

Nagsumite ng 3-minute film entries na may temang “Self-Responsibility” ang mga high school students mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa kung saan ang top three entries ang lalaban sa final selection at awarding ceremony na gaganapin sa Grand Hall ng Kitami City Hall sa Hokkaido sa Nobyembre 24.

Ito ay ang “When Stars Align” nina Cayna Angelica Gemora, Francesca Aina Unas at Nina Summer Emmanuelle Cello ng St. Scholastica’s College Manila; “I Did It” nina Bea Maureen Cayone, Christine Anne Roa at Catherine Anne Roa ng International Christian Academy; at “Lampara” nina Louie Ace Paneda at Earl John Tavor ng Rosario Integrated School.

Nakatakdang lumahok sa iba’t ibang aktibidad ang mga mag-aaral tulad ng pagbisita sa mga cultural at historical sites sa Hokkaido pati na rin sa cultural exchange sa mga mag-aaral na Hapon.

Layon ng Asian International Children’s Film Festival na palaganapin ang pagkamalikhain, pagkakaibigan, at mabuting pakikitungo sa mga kabataan mula sa iba’t ibang bahagi ng Asya sa pamamagitan ng pelikula at video. Inorganisa ito sa ilalim ng Japan-East Asia Network of Exchange for Students and Youths 2018 (JENESYS2018) Programme na layon naman na palakasin ang relasyon ng mga kabataan sa Asya sa pamamagitan ng iba’t ibang cultural at academic exchanges.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento