Martes, Nobyembre 6, 2018

Miss International 2018 gaganapin sa Tokyo Dome sa Nobyembre 9


Ni Florenda Corpuz

Susubukan ni Maria Ahtisa Manalo, 

kinatawan ng Pilipinas, na makuha
 ang titulo ng Miss International, na gaganapin
 sa Japan sa darating na Nobyembre 9. 
(Kuha ni Din Eugenio)
Muling paglalabanan ng mahigit sa 70 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo ang Miss International Beauty Pageant 2018 crown sa coronation night ng prestihiyosong patimpalak ng kagandahan at katalinuhan na gaganapin sa Tokyo Dome Hall sa Nobyembre 9.

Isa sa tatlong pangunahing beauty pageants sa buong mundo, ang Miss International Beauty Pageant 2018 ang ika-58 na edisyon ng patimpalak mula nang ito ay inilunsad noong 1960 sa Long Beach, California, U.S.A.

Nagsisimula nang dumating sa Japan ang mga naggagandahang kandidata upang makibahagi sa ilang mga kaganapan bago ang coronation night na may kinalaman sa kulturang Hapon at iba pang exchange events.
           
Kabilang sa mga kandidata ang pambato ng Pilipinas na si Maria Ahtisa Manalo, 21, accountancy graduate mula sa Candelaria, Quezon.

Sa isang panayam, ibinahagi ni Manalo na ang isusuot niyang national costume ay gawa ni Amir Sali habang ang kanyang gagamiting evening gown naman ay gawa ni Michael Cinco.

Nakatakdang ipasa ni Miss International 2017 Kevin Lilliana ng Indonesia ang korona sa tatanghaling Miss International 2018 habang kokoranahan din ang mga runners-up na kabilang sa Top 5 at special award winners.

May anim na Miss International titleholders ang Pilipinas na kinabibilangan nina Gemma Teresa Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013) at Kylie Verzosa (2016).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento