Ni Florenda Corpuz
Muling paglalabanan ng
mahigit sa 70 kandidata mula sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo ang
Miss International Beauty Pageant 2018 crown sa coronation night ng prestihiyosong
patimpalak ng kagandahan at katalinuhan na gaganapin sa Tokyo Dome Hall sa
Nobyembre 9.
Isa sa tatlong
pangunahing beauty pageants sa buong mundo, ang Miss International Beauty
Pageant 2018 ang ika-58 na edisyon ng patimpalak mula nang ito ay inilunsad
noong 1960 sa Long Beach, California, U.S.A.
Nagsisimula nang
dumating sa Japan ang mga naggagandahang kandidata upang makibahagi sa ilang
mga kaganapan bago ang coronation night na may kinalaman sa kulturang Hapon at
iba pang exchange events.
Kabilang sa mga
kandidata ang pambato ng Pilipinas na si Maria Ahtisa Manalo, 21, accountancy
graduate mula sa Candelaria, Quezon.
Sa isang panayam,
ibinahagi ni Manalo na ang isusuot niyang national costume ay gawa ni Amir Sali
habang ang kanyang gagamiting evening gown naman ay gawa ni Michael Cinco.
Nakatakdang ipasa ni
Miss International 2017 Kevin Lilliana ng Indonesia ang korona sa tatanghaling
Miss International 2018 habang kokoranahan din ang mga runners-up na kabilang
sa Top 5 at special award winners.
May anim na Miss
International titleholders ang Pilipinas na kinabibilangan nina Gemma Teresa
Cruz (1964), Aurora Pijuan (1970), Melanie Marquez (1979), Precious Lara
Quigaman (2005), Bea Rose Santiago (2013) at Kylie Verzosa (2016).
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento