Ni MJ Gonzales
Kuha mula sa internet |
Naniniwala ka ba na ang dali o hirap sa pagba-budget ay nakadepende rin sa iyong estado? Iba kung ikaw ang solong “breadwinner” o pinakanagtataguyod sa pangangailangan ng iyong pamilya. Kaya kung ikaw ay isang breadwinner o nagmamalasakit sa isang gaya nito ay mainam na maging maalam kung paano maging masinop sa pera.
Karaniwan kapag sinabing breadwinner ay ito ang pinakasumusuporta sa pinansyal na pangangailangan ng pamilya. Maaaring mayroon katuwang, subalit sila pa rin ang pangunahing nagtutustos ng perang panggastos sa bahay. Marami sa kanila ay maituturing na dakila sapagkat kadalasan ay halos lahat ng kanilang kinikita ay nauuwi sa kanilang mahal sa buhay. Kaya sila rin iyong may malabong:
Inaasahan sa hinaharap. Ang isa sa malungkot na realidad ng mga breadwinner, kabilang na ang mga OFWs, ay kapag tumanda silang walang ipon at aasahang tutulong. Bagaman likas sa mga Pilipino ang maging maalaga sa kapamilya, iilan ang kayang makapagbigay ng tulong pinansyal. Kaya mainam para sa mga breadwinner ang maghulog sa SSS o GSIS, Pag-ibig fund, at pension/retirement plan. Ito ay upang siguradong may inaasahang pera sa hinaharap.
Proteksyon sa buhay. Matanda man o bata pa, masasabing malapit sa disgrasya at sakit ang mga breadwinner. Sila kasi ang bugbog sa trabaho at biyahe araw-araw sa loob ng isang linggo. Kaya naman marami sa kanila ay bihirang kumukuha ng personal insurance.
Ang personal insurance ay maaaring health insurance, life insurance, at accident insurance. Alin man sa mga ito ay tulong sa panahon ng pagkakasakit, pagkamatay, aksidente o sakuna. Kung susumahin, ang personal insurance ay investment para sa pinakamahalagang ari-arian ng tao—ang kanyang buhay. Katunayan kung hindi na kaya o pumanaw na ang breadwinner ay makakatulong para rin siya gamit ang kanyang insurance.
Ma-enjoy ang kanyang pera. Dahil abala sa trabaho, hindi maiiwasan na ipinagpalit ng mga breadwinner ang kanilang oras sa sarili, pagsasaya, o pagpapayabong ng kakayahan.
Ang mga hakbang para sa breadwinners, dependents
Turuan ang dependents tungkol sa budgeting. Ang family budget ay hindi nakadepende sa breadwinner o sa kanyang kita lamang. Malaking tulong kung ang bawat miyembro ng pamilya ay alam kung paanong magtipid sa gastusin at kung paano makakaambag para magkaroon ng dagdag na pondo. Halimbawa ng mga nito ay pagkakaroon ng sideline business ng asawa at pagtuturo ng pag-iipon sa mga anak.
Turuan ang sarili na maging financially literate. Maraming breadwinner ang nagkakaroon ng interes sa pag-i-invest, pagnenegosyo, at pag-iipon kung kailan sa palagay nila ay nakaluwag na sila. Ang problema ay nangyayari ito kung kailan sila ay may edad na at limitado na ang kakayahang mamuhunan. Kadalasan kasi ang perang natabi sa pagtanda ay mas bagay na pang-retirement fund kaysa ipangpuhunan. Kung gagamitin naman ay dapat maging masinop at konserbatibo sa paggamit.
Kung mag-aaral ng money management agad ang isang breadwinner ay hindi na niya kailangang hintayin ang pagtanda para makapag-ipon at makapag-invest. Maaaring habang bata pa lamang ay magaling na siya sa pagpapalago ng kanyang kinikita kaysa tipirin ang sarili. Halimbawa na lamang rito ay ang pagkuha ng tax incentives, passive investments, at pagtatayo ng siguradong papatok na negosyo. Dagdag na rin dito ang pagkakaroon ng kaginhawaan habang ginagampanan ang kanyang obligasyon at nagpupunla sa kanilang kinabukasan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento