Ni Lorenz Teczon
Pagpatak ng Abril ay dama na sa Pilipinas ang bakasyon ng mga estudyante. Ibig sabihin ay pahinga na rin muna sa gastos sa baon, school service, at matrikula. Subalit dahil nga bakasyon lamang ay hindi magtatagal at maghahanda na muli para sa panibagong taon ng gastusan. Ganoon pa man, may mga paraan para mapagaan ang pamumuhunan sa edukasyon at kinabukasan ng kabataan.
Tunay ngang ang pagpapaaral ang isa sa pinakamahalagang investment at pinakamagastos din. Iyan ay dahil sa maraming taon na gugugulin kasabay ng patuloy na pagtaas ng matrikula halos taun-taon.
Nitong Pebrero 2019 ay inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang pagtaas ng matrikula ng may 31 paaralan sa elementarya at sekondarya sa kalakhang Maynila. Ito ay bahagi pa lamang ng may 200 eskwelahang nagpaplano rin na magtaas ng matrikula. Ayon kay DepEd National Capital Region (NCR) Director Wilfredo Cabral, ang hiling na tuition fee hike ay bunsod na rin ng inflation rate, pagtataas ng sahod ng mga guro at mga tauhan, at pagpapabuti ng pasilidad.
Ganito rin ang sitwasyon sa mga pamantasan at unibersidad. Noong isang taon ay nakatanggap din ng aplikasyon ang Commission on Higher Education (CHED) mula sa 234 private higher education institutions (HEIs) ng hiling na dagdag-singil sa matrikula.
Gaya ng ibang financial goals, malaking bagay kung habang maaga ay pinagpaplanuhan at pinag-aaralan na ang gastos sa edukasyon ng mga anak. Mainam na mapag-isipan kung saan sila pwedeng pag-aralin at matukoy kung anong linya ang gusto ng mga bata.
Maaga pa lang ay pagplanuhan na ang paaralan. Sa pagpili ng paaralan, tiyak na mas mababa ang matrikula sa mga pampubliko kaysa pribadong paaralan. Ang state universities ay napakainam sa mga nagkokolehiyo, lalo na’t maraming nagbibigay ng scholarship dito. Sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ay may privately sponsored grants mula sa iba’t ibang foundation at kumpanya. Iyan ay maliban sa mismong scholarship program ng nasabing pamantasan. Ang ilan sa kanilang scholars ay nakatatanggap pa ng buwanang allowance para sa transportasyon, pagkain, libro, at mga proyekto.
Bukod sa mataas na grado, isang salik para makapasok sa isang state university ay paninirahan. Kaya kung gustong pag-aralin ang anak sa isang city state university, maiging tumira sa sakop ng lungsod nito ng mahigit isang taon man lamang para maging kwalipikado. Bukod dito, mas praktikal kung malapit ang estudyante sa kanyang eskwelahan.
Maghanap ng kabuhayang pang-matagalan, matatag, at mataas ang kikitain. Dahil regular ang pagbabayad sa pagpapaaral, kailangan din ng regular na pambayad. Dahil maaasahan palagi ang pagtaas ng tuition fees, dapat sikapin na mapataas ang kita sa kabuhayan.
Maging maalam sa mainam na mapag-ipunan ng pondo para sa edukasyon. Maraming magulang noon ang nadismaya sa pagkuha ng educational plans sa mga pre-need companies. Mayorya kasi sa mga ito ay nagbagsakan at halos hindi naibalik ang ibinayad ng mga plan holder. Nangyari ito dahil sa hindi mapigilang pagtaas ng tuition fees at financial crisis. Ang kasaysayan na ito ay magandang aral na huwag basta tumanggap sa investment o huwag umasa sa educational plan lamang. Dapat ay magkaroon din ng kaalaman sa pagpaplanong pinansyal at matututo sa iba’t iba pang paglalagakan ng pera.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento