Lunes, Mayo 27, 2019

Pagbisita ni Duterte sa Japan ngayong Mayo, kinumpirma ng Malacañang


Ni Florenda Corpuz

Nakisalamuha si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga botante sa
Davao City noong nakaraang halalan. (Presidential photo)
Tiyak na ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Japan ngayong Mayo matapos itong kumpirmahin ng Malacañang.

Sinigurado ito ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing na ginanap sa Palasyo kamakailan.

“Sure na pupunta siya roon,” pagtitiyak ni Panelo nang tanungin ng isang mamamahayag.

Ito na ang magiging pangatlong pagbisita ni Duterte sa Japan simula nang siya ay mahalal bilang pangulo ng Pilipinas noong 2016 – una noong Oktubre 2016 at sumunod noong Oktubre 2017.

Nakatakdang dumalo si Duterte sa 25th International Conference on the Future of Asia na gaganapin sa Mayo 30 at 31 sa Tokyo.

Ayon sa conference program, magbibigay ng keynote speech ang Pangulo sa pangalawang araw ng global conference na isa sa pinakamalaki sa Asya.

Bukod kay Duterte ay nakatakda rin dumalo rito sina Malaysian Prime Minister Mahathir bin Mohamad, Bangladesh Prime Minister Sheikh Hasina, Cambodian Prime Minister Hun Sen at Lao Prime Minister Thongloun Sisoulith.

Magugunitang kinansela ang nakatakda sanang pagbisita ni Duterte sa Tokyo noong Hunyo 2017 para daluhan ang 23rd International Conference on the Future of Asia bilang isa sa mga keynote speakers sa imbitasyon ng Nikkei Inc. dahil sa kaguluhan sa Marawi City sa Mindanao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento