“Dear You. Both of us have no idea how it all started pero wala tayong pakialam. All we know is this, we found our beginning.”
Ito ang maririnig na diyalogo ni Nel na ginagampanan ni Jerome Ponce sa trailer ng pinakabagong pelikula ng Regal Entertainment, ang romance-drama na pinamagatang “Finding You” na pinagbibidahan din ng aktres na si Jane Oineza bilang Kit.
Nakatakdang ipalabas ang pelikula sa darating na Mayo 29 sa mga sinehan sa Pilipinas kung saan kabilang din sina Barbie Imperial, Paeng Sudayan, Claire Ruiz, at Kate Alejandrino at mula naman sa direksyon ni Easy Ferrer.
Pagsasamang muli sa proyekto
Nagsisilbing reunion project ng Kapamilya young stars na sina Jerome at Jane ang Finding You, na unang nagkatrabaho sa panghapon na teleserye ng ABS-CBN na “Nasaan Ka Nang Kailangan Kita” (2015) bilang magkatambal na sina Ryan at Corrine.
Sa naturang trailer, hindi malinaw kung sino ang “Dear You” na tinutukoy ni Nel dahil sa dami ng iba’t ibang babae na nakikilala niya kung saan sa gitna ng lahat ng ito ay kasama niya ang kaibigang si Kit.
Tila ipinapahiwatig ng kwento nito ang tungkol sa mga alaala, maganda man o hindi, ng karakter ni Nel kung saan kasama niya rito si Kit, at kahit sa kagustuhan niyang makalimot ay hindi niya makalimutan ang mga alaala sa kabila ng kanyang mga iniisip.
Nagsisimula ang kwento nina Nel at Kit sa isang pagkakaibigan, ngunit ang kaabang-abang ay ang misteryo sa kanilang relasyon—kung mauuwi ba sa isang romantikong relasyon ang dalawa.
Galing sa pag-arte
Mapapanood din muli ang galing sa pag-arte nina Jerome at Jane, lalo na’t napatunayan na ng dalawa ang kanilang husay sa pagganap sa industriya.
Huling napanood si Jerome sa telebisyon sa pamamagitan ng “Ipaglaban Mo: Bastardo” at sa award-winning primetime drama na “The Good Son” (2017-2018) kung saan siya ay ginawaran ng parangal bilang Best Actor sa pagganap niya bilang Enzo sa 32nd PMPC Star Awards for Television nitong nakaraang taon.
Sa pelikula naman ay itinampok din siya sa “Walwal” at Metro Manila Film Fest entry na “Outlum” nitong nakaraang taon. Una naman siyang nakilala sa kanyang pagganap bilang Luke sa toprating daytime series na “Be Careful With My Heart” (2012-2014).
Nagsimula naman bilang child star si Jane bilang bahagi ng “Goin’ Bulilit” at sa kanyang mga pagganap sa mga teleseryeng “Sa Dulo Ng Walang Hanggan” (2001), “Sana’y Wala Nang Wakas” (2003), “Marina” (2004), at marami pang iba.
At ngayong malaki na siya, matapang ang International Emmy-nominated actress na hamunin ang iba’t ibang klase ng pagganap gaya na lang ng pagtanggap niya sa proyektong “Precious Hearts Romances Presents: Araw Gabi” (2018) bilang Amber, at sa kasalukuyang umeere sa Kapamilya Gold na “Precious Hearts Romances Presents: Los Bastardos” bilang Gigi.
Nakatakda rin na magsama muli ang dalawang Kapamilya talents sa isa pang pelikula ng Regal na pinamagatang “Ang Henerasyong Sumuko sa Love” na ipapalabas din ngayong taon. Makakasama rin nila rito sina Tony Labrusca, Myrtle Sarossa, at Albie Casiño sa ilalim ni “100 Tula Kay Stella” (2017) at “The Day After Valentine’s” (2018) director Jason Paul Laxamana.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento