Huwebes, Mayo 9, 2019

Japan nanguna sa dami ng bilang ng restaurants na pasok sa Asia’s Best 50


Ni Florenda Corpuz
Kinilala ang mga magagaling na restaurants na kabilang sa 
Asia’s 50 Best Restaurants 2019  sa isang awards ceremony 
na ginanap sa Wynn Palace sa Macau kamakailan.
 (Kuha mula sa Asia’s 50 Best Restaurants 2019)

Nanguna ang Japan sa listahan ng Asia’s 50 Best Restaurants 2019 na inisponsoran ng S. Pellegrino & Acqua Panna kung saan pasok ang 12 restaurants mula sa bansa.

Kinilala ang mga ito sa awards ceremony na ginanap sa Wynn Palace sa Macau kamakailan.

Pasok sa listahan ang Den (No. 3) na pinangalanan bilang “The Best Restaurant in Japan” sa pangalawang magkasunod na taon. Ginawad kay Zaiyu Hasegawa, ang chef ng Den, ang 2019 Chefs’ Choice Award sponsored by Estrella Damm.

Kabilang din sa top 10 ang Florilège (No. 5), Narisawa (No. 8) at Nihonryori RyuGin (No. 9). Ang Sazenka at Sugalabo, na parehong matatagpuan sa Tokyo, ay parehong bagong pasok sa listahan, na nasa No. 23 at No. 47 spots.

Kabilang din ang La Cime (No. 14), Il Ristorante Luca Fantin (No. 18), La Maison de la Nature Goh (No. 24), Sushi Saito (No. 25), L’Effervescence (No. 26) at Quintessence (No. 45).

Ginawaran naman ng Asia’s Best Pastry Chef award sponsored by Valrhona si Fabrizio Fiorani mula sa Il Ristorante Luca Fantin, Tokyo habang inaugural winner naman ng American Express Icon Award si Chef Seiji Yamamoto.

Samantala, kinilala naman ang Filipino restaurant na Toyo Eatery (No. 43) sa Maynila bilang “The Best Restaurant in the Philippines.” Matatandaang ginawad dito ang Miele One To Watch Award noong 2018 na ibinibigay sa isang restaurant na hindi kabilang sa listahan ng Asia’s 50 Best list ngunit kinikilala bilang “rising star of the region.”

Ang listahan ay ginawa mula sa mga boto ng Asia’s 50 Best Restaurants Academy, isang maimpluwensiyang grupo na kinabibilangan ng may mahigit sa 300 lider sa restaurant industry sa Asya. Ang panel sa bawat rehiyon ay binubuo ng mga food writers at critics, chefs, restaurateurs at nirerespetong ‘gastronomes.’

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento