Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Christmas. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Christmas. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Nobyembre 6, 2016

Ang tunay na kahulugan ng Pasko

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Pagsapit ng Setyembre ay naaamoy na sa atin sa Pilipinas ang simoy ng Pasko dahil sa mga tugtugin sa radyo o mga dekorasyon sa department stores ngunit dito sa Japan kahit mismong Pasko na na ay ‘di pa rin mararamdaman.

Subalit ano nga po ba ang tunay na kahulugan ng Pasko? Pinaghahandaan ba natin ito sa magagarbong materyal na bagay para sa ating sarili, tahanan, at para sa ating mga bisita? O ‘di kaya ay upang makapagbahagi ng ating mga biyaya mula sa Diyos para sa mga ulila at kapus-palad? Alin ang mas nakakapagpaligaya sa atin sa dalawang puntos na nabanggit?

Ang salitang Christmas ay mula sa salitang “Christ,” na ang ibig sabihin ay “Kristo Hesus” at “mas,” na salitang Espanyol na ang ibig sabihin ay “more.” So, in other words, Christmas really means “more of Christ,” that is why we say that Jesus is the reason for the Christmas season and all seasons of every year.

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos Ama ay niloob Niya na magkatawang tao sa pamamagitan ni Hesus, na Diyos Anak na isinilang na batang paslit sa sabsaban ng mga hayop.

Ipinararating nito na kailangan natin isipin at maintindihan ang mga paraan para sa ikaluluwalhati o ikalulugod ni Hesus at hindi ng pansariling pangangailangan lamang. Ang isa pa pong ibig sabihin ng Pasko ay ang pagkakaroon ng “spirit of poverty” anuman ang katayuan sa buhay. Ito ay ang ugaling simple sa buhay at hindi magarbo sa pagkain, pananamit o sa mga gamit upang higit pa nating maalala at matulungan ang iba.

Narito po ang ilang mga mungkahi o ideya kung paano tayo magkaroon ng mas makahulugang Pasko na puno ng pagmamahal at biyaya:
1.      Maglaan ng budget para makapagbigay sa mga ulila o may kapansanan na mga bata o matatanda;
2.      Kung kapos sa pera, mag-isip ng mga ideya upang madagdagan ang kita para makapag-donate gaya ng pagtitipid o karagdagang overtime sa trabaho;
3.      Mag-isip na kung anong charity organization o simbahan tayo makapagbibigay ng ating donasyon at kung maaari po ay makibahagi ng personal sa kanilang Christmas project;
4.      Kung mayroong mga gamit sa bahay na mga bago o hindi pa nagagamit ay napakasaya sa puso kung babalutin natin ito bilang regalo;
5.      Marami pong flea market o bazaar dito sa Japan, pumunta po tayo upang makabili tayo ng mga mura at bago na pwedeng pang-regalo;
6.      Ipamigay ang mga gamit na hindi na ginagamit, bago man o hindi, para sa mga nangangailangan o iambag sa charity bazaar ng inyong pinakamalapit na simbahan;
7.      Mag-organize ng charity group party for a particular cause gaya ng “Potluck Party with Bazaar” kung saan ang mga bisita ay bibili ng pagkain at mga gamit at ido-donate ang pera sa isang mahirap na lugar sa Pilipinas.

From the ideas mentioned above you can even think of better ideas. Best of all, being kind always with our words and actions to one and all would be the best gift we can give all year round not only on Christmas season.


Halina po at tularan natin si Hesus by giving Himself to us every day sa bawat Misa na ipinagdiriwang ng mga pari sa buong mundo, at higit sa lahat ay nagkatawang tao Siya at nagpapako Siya sa Krus upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan. 

Linggo, Disyembre 7, 2014

Pasko na Naman Muli

Ni Rey Ian Corpuz

Sinasabi natin na tayo na yata ang bansa na may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Ika nga nila ang simula ng “ber” months o simula Setyembre hanggang sa kapistahan ng Three Kings sa unang Lingo ng Enero ay Pasko. Noong bata pa ako, naaalala ko iyong nanay ko na mahilig makinig ng radyo tuwing paggising ng Christmas songs tuwing ala-singko ng umaga simula sa unang araw ng Setyembre. Sa tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre ay naaalala ko na lumalamig na at humahaba ang gabi kaysa sa araw.

Sa panahong ito ay ang mga mag-aaral sa atin ay nagbubunutan na o nagpapalitan na ng mga pangalan kung sino ang bibigyan ng regalo. Ang iba naman ay abala na sa kakaisip o kakalista ng mga dapat bilhin na regalo para sa mga kaibigan, kamag-anak o kahit sinong gustong bigyan ng regalo.

Ibang-iba ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas. Lahat ng mga ginagawa ukol sa Pasko ay naka-base sa Kristiyanismo.

Sa ika-pitong taon ko sa Japan, ako ay marahil na nasanay na sa pagdiriwang ng Pasko rito. Kalimitan kapag malapit na magtapos ang klase sa ikalawang semestre ay doon ko lang naaalala na malapit na ang Pasko. Naalala ko lang kasi ang mga kasamahan ko sa trabaho na nagyayaya ng “bounenkai” o “year-end-party” at nagsasabi na bumili raw kami ng Christmas Gift para sa palitan ng regalo.

Sa Japan, ang mga opisina o negosyo na nagdiriwang ng “bounenkai” ay hindi ganoon kasaya at binibigyan ng halaga ang pagbibigay ng regalo. Basta may maibigay lang okay na. Kailan man ay hindi ko naramdaman sa aking mga kasamahan sa trabaho na ang pagbibigay ng regalo ay isang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko. Sa bagay ay hindi natin sila masisisi dahil hindi naman sila Kristiyano. Iba ang kultura nila at iba ang kinagisnan na diwa ng Pasko.

Pagkatapos ng Halloween ay tadtad na ng mga pamaskong palamuti ang mga tindahan. Ang mga Christmas cakes at fried o roasted chicken na naging “standard” na pagkain sa hapag ng mga Hapon tuwing Christmas eve ay ibinibenta na bilang “reservation.” Kalimitan nagkakaubusan ng Christmas cakes at fried o roasted chicken tuwing pagsapit ng bisperas ng Pasko.

Ang mga himig ng Pasko ay namamayagpag din sa mga malls, grocery at radyo tuwing Pasko. Isa sa pinakagustong kanta ng mga Hapon na sikat na sikat lalong-lalo na sa mga magkasintahan ay ang “Christmas Eve” ni Yamashita Tatsuro at ang Ingles na kanta ng Wham na “Last Christmas.”

Sa mga paaralan, walang nangyayaring Christmas party. May mga silid-aralan na nagsasabit ng mga palamuting pampasko pero ito ay depende sa guro o punong-guro ng paaralan. Sa loob ng anim na taon kong pagtuturo sa mga bata sa pampublikong paaralan, wala pa akong bata na narinig na nagsabi na gusto niyang magbigay ng regalo dahil Pasko. Ang iniisip ng karamihan ng bata rito ay gusto nilang sila ang makatanggap ng regalo sa Pasko lalo na mula sa kanilang mga magulang. Oo nga naman, eh mga bata eh. Pero iyong totoong diwa ng pagbibigayan ay marahil mahirap ipaunawa sa kanila.

Naalala ko noong bago pa ako sa Japan. Natapat ang bisperas ng Pasko ng Lingo. At sa araw mismo ng Pasko ay may trabaho. Talagang naiyak ako sa lungkot. Mahirap talagang mag-adjust sa isang bansa na hindi opisyal na ipinagdiriwang ang Pasko.

Para sa mga single na mga babae rito sa Japan, ang imahe nila ng bisperas ng Pasko ay ang may maka-date sa gabing ito at ipagdiriwang ang romantikong gabi. Sa mga nakaraang Pasko, naging mainit na topic ito sa mga survey at news na maraming mga babae ang nag-aasam ng mga ka-date tuwing Pasko. Maraming “hopeless romantic” na mga babaeng Hapon dito, ayon sa mga ulat sa telebisyon at dyaryo. Ang Pasko para sa kanila ay may maka-date at may magbigay sa kanila ng regalo.

Pero karamihan ng mga bata rito sa Japan ay naniniwala kay Santa Claus. Naniniwala rin sila na bibigyan sila ng laruan o pera kung sila ay magpapakabait.

Ang Pasko sa Japan, kagaya ng Halloween, ay napaka-“commercialized.” Kumbaga isa itong paraan upang mas lalong sumigla ang kanilang ekonomiya. Kung maraming tao ang gagastos ng pera para sa mga regalo at serbisyo na may kaugnayan sa Pasko, mas sisigla ang kanilang ekonomiya.

Kahit saan man ang mga Pilipino, mapa-Japan man o Middle East, Amerika o Europa, may iba’t iba tayong paraan upang mairaos at maipagdiwang ang tunay na diwa ng Pasko.


Maagang Maligayang Pasko sa inyong lahat!