Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pilipinas. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pilipinas. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Oktubre 24, 2016

Pagbisita sa Japan ni Duterte, inaabangan na

Ni Florenda Corpuz at Len Armea
File photo: Presidential Communications


Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Japan mula Oktubre 25 hanggang 27, ito ang kinumpirma ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) kamakailan.

Sa pagbisita ni Duterte ay magsasagawa siya ng state call kay Emperor Akihito. Makikipagpulong din siya kay Prime Minister Shinzo Abe at dadalo sa isang hapunan na inihanda para sa kanyang pagdating. Makikipagkita rin si Duterte sa Filipino community sa Japan.

Magugunitang nanguna si Duterte sa overseas absentee voting matapos itong makakuha ng 11,216 boto mula sa 14,886 rehistradong Pilipinong botante sa Japan. Mahigit sa 237,000 ang mga Pilipino na naninirahan sa Japan sa kasalukuyan.

“The Government of Japan sincerely welcomes the visit of the President and hopes the visit will further strengthen the friendly relations between Japan and the Republic of Philippines,” sabi ng MOFA sa isang pahayag.

Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Duterte sa Japan matapos niyang tanggapin ang imbitasyon ni Prime Minister Shinzo Abe sa kanilang unang pagkikita sa pulong sa sidelines ng 28th ASEAN Summit na ginanap sa Vientiane, Laos noong Setyembre 6 kung saan kanilang pinagtibay ang paglutas sa sigalot sa South China Sea sa pamamagitan ng mapayapang paraan.

Matatandaang pumayag si Abe na magbigay ng dalawang 90-meter patrol vessels sa Pilipinas, ang pinakamalaki na ipapahiram ng Japan, at magpahiram ng limang gamit na TC-90 training aircraft ng Japan Maritime Self-Defense Force sa gitna ng sigalot sa teritoryo laban sa China. Una nang pumayag ang Japan na magbigay ng 10 40-meter patrol boats na sinimulan nang i-deliver sa bansa.

Pinasalamatan ni Digong ang Japan sa makabuluhang papel nito sa pag-unlad ng Pilipinas lalo na sa Mindanao sa kanilang pagkikita ni Abe.

Nito lamang ay sinabi ni Duterte sa isang talumpati sa MalacaƱang na ang pamahalaang Hapon ang pinakamalaking aid donor ng Pilipinas.

Pakikipag-alyansa sa China, Russia

Bago tumulak sa Japan ay bumisita muna si Duterte sa Brunei at China upang paigtingin ang bilateral relations nito sa bansa at makapagbukas ng mas marami pang oportunidad. Nakatakda rin itong pumunta sa Russia pagkaraan ng kanyang state visit sa Japan.

Naging bukas kamakailan ang Pangulo sa kanyang pagpapahayag ng kanyang plano na magsagawa ng military joint exercises kasama ang China at Russia. Ito ay matapos niyang sabihin na ipapatigil na niya ang military joint exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

100 days bilang Pangulo

Nitong unang linggo ng Oktubre ang ika-100 araw ni Duterte mula ng manumpa siyang Pangulo ng bansa. Higit na pinag-usapan sa loob ng kanyang tatlong buwang pamumuno sa bansa ay ang kampanya sa ilegal na droga, ang isyu ng extrajudicial killings, ang kanyang tapang sa pananalita, at ang kagustuhan nitong tapusin ang pakikipag-alyansa sa Estados Unidos.

“We have three million drug addicts, and it’s growing. So if we do not interdict this problem, the next generation will be having a serious problem ... You destroy my country, I’ll kill you. And it’s a legitimate thing. If you destroy our young children, I will kill you. That is a very correct statement. There is nothing wrong in trying to preserve the interest of the next generation,” pahayag ni Duterte sa panayam sa kanya ng Al Jazeera News.

Hindi rin nagustuhan ni Duterte ang pagbatikos sa kanyang administrasyon ng Estados Unidos dahil sa pamamaraan niya ng paghawak sa kampanya laban sa droga. Sa kasalukuyan ay halos 3,500 drug suspects na ang napapatay.

Pasado naman sa mga Pilipino ang liderato ni Duterte kung saan nakakuha ito ng 86 porsyento approval at trust ratings ayon sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan.

Isa ang Migrante International, ang pinakamalaking grupo ng overseas Filipino, sa nagbigay ng pasadong marka sa Pangulo na nasa 84 porsyento.

“We gave him a satisfactory grade based on his administration’s accomplishments on the immediate ‘do-ables’ and on his notable actions on urgent issues and concerns of OFWs (Overseas Filipino Workers) and the nation. This, by far, is the highest score that we have given to a president in their first 100 days,” pahayag ni Mic Catuira, Migrante’s acting Secretary General.



Lunes, Mayo 2, 2016

Anong uri ng botante ka?

Ni Al Eugenio

Dito sa Japan, alam ba nating mga Pilipino kung kailan ang kanilang halalan? Kung hindi lang dahil sa ang karamihan sa atin ay sumasakay ng tren, marahil ay wala tayong kaalam-alam na may nagaganap palang eleksyon.

Ang panahon ng eleksyon dito sa Japan ay malayung-malayo sa Pilipinas.  Walang naglalakihang mga karatula at patalastas sa radyo o telebisyon tungkol sa mga tumatakbong kandidato at lalong walang meeting de avance.

Malalaman lang natin na nalalapit na ang eleksyon kapag mayroon ng mga pailan-ilang nakatayo at nagsasalita sa loud speaker sa mga lugar na maraming tao. Kahit na para bang sa kanila ay walang interesadong sila ay pakinggan. Ang pangunahing lugar na pinipili ng mga kandidato ay ang mga liwasan na malapit sa mga train station, sa mga shotengai o mga daang may mga tindahan at kung saan mayroong maraming dumaraan. 
           
Hindi rin tulad sa Pilipinas  na ang mga kandidato ay may napakaraming mga alalay o mga kapartido na nag-iingay kung saan-saan. Walang pakialam kung sila ay nakagagambala. Dito sa Japan ay may hangganan ang oras ng pag-iingay. Ang oras na iyon ay nakatakda hanggang alas-diyes ng gabi lamang.

Nagtatayo ang pamahalaan ng bayan ng animo’y billboard na yari sa plywood upang mapagdikitan ng mga poster ng mga tumatakbo sa halalan. Hindi sa mga puno,  hindi sa mga pader, hindi sa mga public transportation at lalong hindi sa mga lugar na pag-aari ng mga pribadong mamamayan. Kung makakakita man tayo ng mga litrato ng mga kandidato sa bakod o dingding ng isang tahanan, asahan natin na may pahintulot ito ng may-ari ng bahay.

Kitang-kita sa panahon ng eleksyon dito sa Japan na ang mga kumakandidato ay may mga tunay na hangaring makatulong sa kapakanan ng mamamayan at ang mapaunlad ang kanilang bayang paglilingkuran. Walang milyun-milyong ginagastos, walang babawiing pinuhunan. Tanging ang layunin ay ang makapaglingkod sa bayan.

Paano natin ihahambing ang eleksyon sa Pilipinas sa mga mauunlad na bansa? Sa atin lamang mayroong kandidato na patung-patong na ang kaso ng kurapsyon ay patuloy pa rin sa  kanyang pagkandidato. Dahil sa marami rin naman ang naniniwala sa kanya ay maaari pa rin na siya ang mahalal na pangulo. Ano ang pinanghahawakan ng mga ganitong pulitiko? Ang bagay na inaasahan nila ay ang kamangmangan ng karamihan sa mga bumoboto.

Mula pa noong magkaroon ng diktatorya sa ating bayan, ginawa na ng mga  pamunuan na iiwas sa mga kaalaman ang karamihan ng ating mga mamamayan. Bukod sa mga pag-torture sa mga inaakalang laban sa pamahalaan, sa mga namatay at sa mga nawala at hindi na natagpuan. Isa sa pinakamalaking perwisyo na idinulot ng Martial Law sa ating lipunan ay ang panlilinlang sa ating mga mamamayan na huwag magkaroon ng tamang kaalaman. Dinaan tayo noon sa mga entertainment at mga palabas na puro  kalokohan upang libangin ang lahat upang huwag mapansin ang tunay na nangyayari sa bayan. 

Hanggang ngayon ay mas marami pa rin sa ating mga kababayan ang tumanda na at mahina pa rin ang kakayahan na mailahad ang tunay niyang gustong sabihin. Hirap ang mga Pilipino na magpaliwanag. Hirap din ang nakararaming Pilipino na ituon ang kanilang pag-iisip upang makarating sa isang maayos na desisyon.

Matagal na tayong pinagkaitan ng nararapat na edukasyong para sa lahat, hindi  lamang  para sa may mga kaya sa buhay. Hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ng maraming pulitiko ang taktikang panatilihing mangmang ang maraming Pilipino. Sa pagiging mangmang ng nakararami ay makadaragdag sa mga botanteng aasa ng awa sa mga mananalo. Kaunting tulong tulad ng Php500, gasino na lang ba ang halagang iyon sa makukulimbat ng mga pulitiko habang nakaupo ng ilang taon sa kanyang pinanaluhang pwesto. Ang kawawang Juan, balik sa dating gawi, matapos maubos ang hindi nagtagal na Php500.

Marami sa ating mga mamamayan ang hindi talaga marunong pumili ng kanilang iboboto. Ang karamihan sa kanila ay may pananaw na “Hmm, pare-pareho lang na mga magnanakaw iyang mga ‘yan. Kahit sino man ang iboto mo. Mayroon din namang  sumasabay na lamang kung sino ang iboboto ng nakararami at hindi na kinikilatis mabuti kung dapat nga ba na ang  popular na pulitiko ang dapat iboto.

Marami rin naman na ang hinahanap sa kandidato ay ang personalidad nito tulad halimbawa kung ang pulitiko ba ay mabait, maayos sa pananamit, maayos kumilos at ang ganda ng pananalita nito.

Ano ba ang kahalagahan ng ating boto?


Kung tulad tayo ng mga bumoboto na hindi naman talagang pinag-aaralan muna  ang  isang kandidato kung mayroon nga ba itong kakayahan na maging lider at dalhin  ang ating bansa sa isang tunay na pagbabago para sa patuloy na kaunlaran ng bawat Pilipino, walang halaga ang isang boto. Ngunit kung ang isang botante ay binibigyan ng panahon na pakinggan at kilatisin ang mga tumatakbo, maikumpara ang bawat isa ayon sa laman ng kanilang mga sinasabi at damahin kung sino ba talaga sa kanilang palagay ang  tunay  na  sinsero sa mga inilalahad nito, makapagbibigay ng malaking halaga ang kahit na isang boto. 

Miyerkules, Agosto 5, 2015

10 coast guard vessels ipapautang ng Japan sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz


Pinirmahan ng JMU ang kasunduan hinggil sa pagbibigay ng 10
coast gurad vessels sa Pinas na sinaksihan mismo ni Pangulong Aquino sa
kanyang state visit sa Japan kamakailan.
 (Kuha mula sa Japan Marine United Corp at Marubeni Corp)
Tokyo, Japan – Sigurado na ang pagbibigay ng 10 coast guard vessels ng Japan sa Pilipinas sa susunod na taon sa pamamagitan ng loan na nagkakahalaga ng ¥19 bilyon.

Sinaksihan ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa kanyang nakaraang state visit sa bansa ang paglalagda sa kasunduan sa pagitan ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Japan Marine United Corporation (JMU) sa tulong ng Marubeni Corporation para sa konstruksyon ng 10 multi-role response vessels (MRRVs) para sa Philippine Coast Guard (PCG).

Bukod sa 10 MRRVs ay maglalaan din ang JMU ng mga espesyal na spare parts.

Tutustusan ang “Marine Safety Capability Improvement Project” ng Official Development Assistance (ODA) ng Japan sa pamamagitan ng Special Terms for Economic Partnership (STEP).
Layon ng proyekto na mapabuti ang kakayahan ng PCG para sa mas mabilis at angkop na pagtugon sa mga maritime incidents tulad ng search and rescue efforts at maritime law enforcement.
Ayon sa JMU, ang mga MRRVs ay gagawin sa kanilang shipyard sa Yokohama. Bawat vessel ay may habang 44 na metro, lapad na 7.5 metro at lalim na apat na metro. Ang standard cruising speed nito ay 15 knots at Nippon Kaiji Kyokai na klase (Class NK) na may kapasidad na limang officers at 20 crewmen.
“JMU will utilize its rich construction experience that typified the vessels for the Japan Coast Guard, and will actively engage worldwide ODA projects by the Japanese government to contribute to international cooperation,” saad ng Japan Marine United Corporation sa isang pahayag.
Sinabi naman ng Marubeni na umaasa ito na sa pamamagitan ng proyekto ay makakatulong sila sa bilateral relationship sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
“Marubeni will utilize its business performance built up over more than 100 years in the Philippines by the social/transportation infrastructure projects to the commodity trading and will contribute to the development of the bilateral relationship.”
Nakatakdang i-deliver ang mga MRRVs mula Agosto 2016.

Lunes, Hulyo 6, 2015

PNoy, bitbit ang Japanese investments sa ‘Pinas

Ni Florenda Corpuz
Hinikayat ni Pangulong Aquino ang iba’t ibang Japanese
 trade organizations na mamuhunan sa Pilipinas sa ginanap na
Philippine Investment Forum sa New Otani Hotel sa kanyang
state visit sa Japan kamakailan. (Kuha ni Din Eugenio)
Balik-Pilipinas na si Pangulong Benigno S. Aquino III matapos ang apat na araw na state visit sa Japan bitbit ang pangako ng dagdag na Japanese investments at pagtalakay sa mga isyu ng South China Sea.

Lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang Pangulo sakay ng Philippine Airlines Flight PR 001 kung saan siya ay sinalubong ng mga miyembro ng kanyang Gabinete kabilang sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Interior and Local Government Secretary Manuel Roxas, Justice Secretary Leila de Lima, MMDA Chairman Francis Tolentino, DOLE Secretary Rosalinda Baldoz, DOH Secretary Janette Garin at Tourism Secretary Ramon Jimenez.

Sa kanyang unang state visit sa Japan mula Hunyo 2-5 sa imbitasyon ng pamahalaang Hapon, nakatanggap ang Pangulo ng Php13.5 bilyon investment pledges mula sa 11 kumpanya na lumagda sa letters of intent na magbukas o palawakin ang kanilang operasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Aquino, nagbabalak ang clothing company na Uniqlo na kasalukuyang may 22 outlets sa bansa na magdagdag pa ng 200 shops. Habang ang ibang kumpanya naman ay nasa manufacturing ng electric tricycles, printers, smart glasses at medical devices tulad ng aortic catheter, invitro diagnostics at para sa hemodialysis treatment ang interes.

“Sa pagdadala nila ng mga produktong ito sa Pilipinas, malinaw na lumalawak ang pagkilala ng mundo sa talino at talento ng Pilipino,” saad ni Aquino na sinabi rin na ang ibang kumpanya ay nagpahayag ng  plano na Pilipinas ang gawing sentro ng kanilang operasyon sa ASEAN region.

“Dahil alam naman nating kapag mas mataas sa value chain ang produktong nililikha ay mas mataas din ang pasahod at mas mabilis na matatamasa ang ginhawa at dignidad ng buhay para sa nakakaraming Pilipino,” dagdag ng Pangulo sa mga investment pledges na maaaring makalikha ng nasa 30,721 na trabaho.

Nilagdaan din ng Japan at Pilipinas ang mga kasunduan sa health, maritime safety at trade pati na rin ang concessional loan na nagkakahalaga ng P136.9 bilyon infrastructure projects.

“Ito pong concessional loan ang pautang na sobrang gaan ng interes at ipinagkakaloob ng kaibigan sa kanyang kapwa kaibigan. Nagpapakita po ito ng kagustuhang tunay na makatulong kaysa maging pabigat,” ani Aquino.

Lumagda rin sina Aquino at Japanese Prime Minister Shinzo Abe ng Joint Declaration on Strengthened Strategic Partnership sa summit meeting na ginanap sa Akasaka State Guest House.

“Tunay nga pong pinapalalim ang ugnayan ng ating mga bansa sa maraming sektor, kabilang na ang seguridad. Napapanahon po itong pagtaas ng antas ng ating relasyon sa Japan sa harap ng mga banta sa estabilidad sa West Philippine Sea,” sabi ng Pangulo.

“Ang mahalaga nga po ay nakikita nating nagtutugma ang mga prinsipyo ng Japan at Pilipinas tungkol sa paggalang sa mga karapatan ng bawat bansa, sa malayang paglalayag sa international waters, at sa paghahari ng batas at mapayapang ugnayan upang matugunan ang anumang di-pagkakaintindihan. Sa tulong nga po ng Japan, natatawag ang pansin ng mas marami pang mga bansa sa sitwasyon sa mga dagat ng Asya,” dagdag pa nito.

Pakikipagkita sa mga opisyal

Sinimulan ni Aquino ang kanyang state visit sa Japan sa pamamagitan ng isang state call kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Palace kung saan isang welcome ceremony at state banquet ang maghihintay sa kanya. Ginawad sa kanya ng Japanese monarchy ang “Grand Cordon of the Supreme Order of the Chrysanthemum,” ang pinakamataas na karangalan na ibinibigay sa natatanging indibidwal. Habang binigay naman niya kay Emperor Akihito ang “Order of Lakandula with rank of Supremo.”

Nagbigay din ng talumpati si Aquino sa National Diet, na huling ginawa ni dating Pangulong Carlos Romulo at sa Nikkei 21st International Conference on the Future of Asia. Dinaluhan din niya ang Philippine Investment Forum kung saan niya inimbitahan ang mga Japanese investors na mamuhunan sa Pilipinas.
           
Nakipagkita rin siya sa mga miyembro ng Filipino community sa Okura Hotel kung saan hinimok niya ang mga ito na patuloy na suportahan ang kanyang mga reporma kahit na matapos ang kanyang termino.

Sa pagtatapos ng kanyang state visit, nagpaalam si Aquino kina Emperor Akihito at Empress Michiko sa Imperial Hotel. Pagkatapos nito ay nagtungo siya sa Japan National Press Club kung saan sinagot niya ang mga katanungan ng mga mamamahayag. Nilagdaan din niya rito ang guestbook kung saan niya nakita ang mensahe na nilagdaan ng kanyang ina na si dating pangulo Corazon Aquino noong November 13, 1986.

Linggo, Disyembre 7, 2014

Seguridad at hustisya

Ni Al Eugenio

Tulad dito sa Japan, kinakailangang mayroong maaasahang hustisya at mapagkakatiwalaang seguridad ang isang bansa upang ito ay maging maunlad.

Kung sa Amerika ay may 911, dito naman sa Japan ay may “hyaku to bang” o 110. Bakit kaya ito ang mga numerong napili upang tawagan kung may emergency? Noong araw kasi na wala pang push button na mga telepono, kailangang ipihit ang mga dial nito mula sa mga numerong nais tawagan. Ang mga numerong 1, 0 at 9 ay madaling hanapin hindi tulad ng mga numerong 7 o 4 na nasa loob ng mga dial. Tulad din ng mabilis na pag-dial ang pagresponde ng mga pulis at iba pang kinauukulan. Mayroong mga lugar dito sa Tokyo at Osaka, na sa loob lamang ng kulang sa tatlong minuto ay mayroon na agad darating na responde sa pinanggalingan ng tawag. Maging ito ay aksidente, sunog o pinagganapan ng krimen.

Dahil sa napakalaki naman ng mga bayan at lungsod sa Amerika, hindi bumibitaw ang operator ng 911 sa kausap na humihiling ng tulong habang nagmamadali ang mga rumiresponde patungo sa lugar na kailangang puntahan.

Ang mga imprastraktura na itinatayo sa mga mauunlad na bansa ay may matibay din na seguridad at may kalakip na garantiya na ang mga ito ay tatagal at may mga sistemang hindi basta-basta papalya upang hindi maging abala sa pagsulong ng progreso ng iba’t ibang industriya. Kung sakali mang may maganap na aberya, mayroon ng mga nakahandang mga pamamaraan upang masolusiyunan kaagad ang darating na problema.

Ang mga naglilingkod sa mga ganitong uri ng tungkulin ay hindi lamang naroroon upang tumanggap ng kanilang buwanang sahod ngunit ang bawat isa sa kanila ay mayroong pagpapahalaga sa kanilang mga gawain at ito ay parte ng kanilang dangal. Dahil dito, ang mga naglilingkod sa mga ganitong gawain ay may sapat na benepisyo mula sa pamahalaan upang maipagpatuloy nila ang kanilang mga tungkulin at hindi na nila gaanong iniisip ang mga pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Kung sakaling may maganap na mga katiwalian sa mga nanunungkulang ito, ang mga batas ng mauunlad na mga bansang ito ay hindi nangingiming parusahan ang mga nagkamali. Walang kai-kaibigan, walang kama-kamag-anak, walang kumpare at inaanak   at lalong walang pagtanaw ng utang na loob.

Ang mga nanunungkulan sa gawaing paglilingkod sa mga mamamayan ay mayroong kahihiyan at delikadesa sa kanilang katawan. Walang nagmamanhid-manhiran at makakapal ang mukha na kung makagagawa ng pagkakamali ay kusa nang nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin at hindi na naghihintay pa ng mas malaking kahihiyan. Alam nilang  matatalino rin ang mga mamamayan.

Tulad din sa Pilipinas, ang mauunlad na mga bansang tulad ng Japan ay mayroon rin Konstitusyon at mga batas na naaangkop sa kanilang mga nakaugalian at mga paniniwala. Pinag-usapang mabuti at pinag-aralan ng kanilang mga mambabatas at kapag naisabatas na ay ipinapatupad ng walang pinapanigan at walang kinakaawaan. Sa ganitong pamamaraan ay nagiging maayos ang paghahanapbuhay ng bawat mamamayan na siya rin nagiging dahilan kung bakit patuloy ang pag-unlad ng kanilang bayan.

Papaano natin ihahambing ang ating bansa sa mga mauunlad na mga bansang ito?  Sa kasalukuyan ay ipinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon ang paglaki ng ating ekonomiya. Sinasabi nila na marami na ang nakumbinsi nilang mga dayuhang mangangalakal upang maglaan ng hanapbuhay para sa ating mga mamamayan. Kung ito nga ay totoo, napakalaking tulong talaga ang magagawa nito para sa libu-libo nating mga manggagawa upang magkaroon ng trabaho. Kung totoo nga ito, baka mabawasan na rin ang ating mga kababayan na nangingibang-bansa upang makapaghanapbuhay. Ngunit kung totoo nga ito, hanggang kailan naman kaya ang garantiya na magtutuluy-tuloy ang pangarap na ito.

Hanggang sa kasalukuyan, tulad din ng matagal ng kalakaran sa ating bayan, wala pa rin tayong makikitang malaking pagbabago sa pamamaraan ng ating mga nanunungkulan upang masolusyunan ang mga pangunahing problema sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ating mga mamamayan. Mga problemang tulad ng trapik at transportasyon. Mga pangkaraniwan ng mga krimen tulad ng holdap, rape, droga at prostitusyon.

Totoo, kahit na sa mauunlad na bansa man ay may mga problemang ganito ngunit hindi katulad ng sa Pilipinas na halos araw-araw at ang karamihan ng mga nasa likod ng ganitong mga gawain ay ang mga may katungkulan din sa pagpapatupad ng batas.

Ang ating bansa ay maraming magagandang batas ngunit ang problema ay hindi ito mabuting naipapatupad lalo pa at ang uusigin ay mayaman, kilala at may mataas na katungkulan. Ang mga batas sa atin ay para lamang lalo pang pahirapan ang pangkaraniwang mga mamamayan. Mga pamamaraan na punung-puno ng tinatawag na “red tape” o mga kinakailangan upang matapos kahit na isang simpleng papeles lamang na kung dito ikukumpara sa Japan ay ilang minuto lamang ang kailangan. Ang tatlong bagay na magagawa ng isang tao sa munisipyo rito sa Japan ay baka kung sa Pilipinas ay isa lamang at abutin pa ng ilang araw.


Papaano tayo makakasiguro na magtatagal manatili sa Pilipinas ang mga dayuhang mangangalakal? Papaano na kung magbago ang administrasyon? Kung magbago ang ihip ng hangin? Wala pa rin tayong kasiguruhan na magtutuluy-tuloy ang paglago ng ating ekonomiya. Dahil sa ating bansa, hanggang ngayon, ay hindi maaasahan ang seguridad at hustisiya. 

Pasko na Naman Muli

Ni Rey Ian Corpuz

Sinasabi natin na tayo na yata ang bansa na may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Ika nga nila ang simula ng “ber” months o simula Setyembre hanggang sa kapistahan ng Three Kings sa unang Lingo ng Enero ay Pasko. Noong bata pa ako, naaalala ko iyong nanay ko na mahilig makinig ng radyo tuwing paggising ng Christmas songs tuwing ala-singko ng umaga simula sa unang araw ng Setyembre. Sa tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre ay naaalala ko na lumalamig na at humahaba ang gabi kaysa sa araw.

Sa panahong ito ay ang mga mag-aaral sa atin ay nagbubunutan na o nagpapalitan na ng mga pangalan kung sino ang bibigyan ng regalo. Ang iba naman ay abala na sa kakaisip o kakalista ng mga dapat bilhin na regalo para sa mga kaibigan, kamag-anak o kahit sinong gustong bigyan ng regalo.

Ibang-iba ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas. Lahat ng mga ginagawa ukol sa Pasko ay naka-base sa Kristiyanismo.

Sa ika-pitong taon ko sa Japan, ako ay marahil na nasanay na sa pagdiriwang ng Pasko rito. Kalimitan kapag malapit na magtapos ang klase sa ikalawang semestre ay doon ko lang naaalala na malapit na ang Pasko. Naalala ko lang kasi ang mga kasamahan ko sa trabaho na nagyayaya ng “bounenkai” o “year-end-party” at nagsasabi na bumili raw kami ng Christmas Gift para sa palitan ng regalo.

Sa Japan, ang mga opisina o negosyo na nagdiriwang ng “bounenkai” ay hindi ganoon kasaya at binibigyan ng halaga ang pagbibigay ng regalo. Basta may maibigay lang okay na. Kailan man ay hindi ko naramdaman sa aking mga kasamahan sa trabaho na ang pagbibigay ng regalo ay isang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko. Sa bagay ay hindi natin sila masisisi dahil hindi naman sila Kristiyano. Iba ang kultura nila at iba ang kinagisnan na diwa ng Pasko.

Pagkatapos ng Halloween ay tadtad na ng mga pamaskong palamuti ang mga tindahan. Ang mga Christmas cakes at fried o roasted chicken na naging “standard” na pagkain sa hapag ng mga Hapon tuwing Christmas eve ay ibinibenta na bilang “reservation.” Kalimitan nagkakaubusan ng Christmas cakes at fried o roasted chicken tuwing pagsapit ng bisperas ng Pasko.

Ang mga himig ng Pasko ay namamayagpag din sa mga malls, grocery at radyo tuwing Pasko. Isa sa pinakagustong kanta ng mga Hapon na sikat na sikat lalong-lalo na sa mga magkasintahan ay ang “Christmas Eve” ni Yamashita Tatsuro at ang Ingles na kanta ng Wham na “Last Christmas.”

Sa mga paaralan, walang nangyayaring Christmas party. May mga silid-aralan na nagsasabit ng mga palamuting pampasko pero ito ay depende sa guro o punong-guro ng paaralan. Sa loob ng anim na taon kong pagtuturo sa mga bata sa pampublikong paaralan, wala pa akong bata na narinig na nagsabi na gusto niyang magbigay ng regalo dahil Pasko. Ang iniisip ng karamihan ng bata rito ay gusto nilang sila ang makatanggap ng regalo sa Pasko lalo na mula sa kanilang mga magulang. Oo nga naman, eh mga bata eh. Pero iyong totoong diwa ng pagbibigayan ay marahil mahirap ipaunawa sa kanila.

Naalala ko noong bago pa ako sa Japan. Natapat ang bisperas ng Pasko ng Lingo. At sa araw mismo ng Pasko ay may trabaho. Talagang naiyak ako sa lungkot. Mahirap talagang mag-adjust sa isang bansa na hindi opisyal na ipinagdiriwang ang Pasko.

Para sa mga single na mga babae rito sa Japan, ang imahe nila ng bisperas ng Pasko ay ang may maka-date sa gabing ito at ipagdiriwang ang romantikong gabi. Sa mga nakaraang Pasko, naging mainit na topic ito sa mga survey at news na maraming mga babae ang nag-aasam ng mga ka-date tuwing Pasko. Maraming “hopeless romantic” na mga babaeng Hapon dito, ayon sa mga ulat sa telebisyon at dyaryo. Ang Pasko para sa kanila ay may maka-date at may magbigay sa kanila ng regalo.

Pero karamihan ng mga bata rito sa Japan ay naniniwala kay Santa Claus. Naniniwala rin sila na bibigyan sila ng laruan o pera kung sila ay magpapakabait.

Ang Pasko sa Japan, kagaya ng Halloween, ay napaka-“commercialized.” Kumbaga isa itong paraan upang mas lalong sumigla ang kanilang ekonomiya. Kung maraming tao ang gagastos ng pera para sa mga regalo at serbisyo na may kaugnayan sa Pasko, mas sisigla ang kanilang ekonomiya.

Kahit saan man ang mga Pilipino, mapa-Japan man o Middle East, Amerika o Europa, may iba’t iba tayong paraan upang mairaos at maipagdiwang ang tunay na diwa ng Pasko.


Maagang Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Martes, Mayo 6, 2014

Subway Sa Metro Manila

Ni Al Eugenio

Alam ninyo ba na ang Ikebukuro ay dating marumi at pinaninirahan ng mga homeless at mga bum? Ang dating train station  sa lugar na ito ay luma at maliit lamang. Kilala rin ang Ikebukuro bilang isang lugar kung saan madaling makahanap ng mga trabahong ayaw gawin ng pangkaraniwang mamamayan ng Japan. Mga trabahong  mabigat, marumi at delikado. Ang kikitain ay sa araw din iyon maaaring matanggap.   

Marahil, hindi naman lahat, ngunit marami sa mga manggagawang ito ay para bang wala ng pangarap para sa kanilang kinabukasan. Parang hindi nila iniisip na sila rin ay tatanda. Para sa kanila, ang hanap buhay na kanilang ginagawa ay para bang hindi na mawawala. Tuluy-tuloy lamang silang gumagalaw sa araw araw na para bang walang ikinakabahala. Kaya naman pagkatapos matanggap ang kinita sa araw na iyon ay agad nilang gugugulin ito sa pag-inom,  pagkain ng masarap at para na rin siguro tuluyang malimutan ang hirap at pagod ng kanilang ginagawa – sinusubukan ang kapalaran sa paglalaro ng  sugal tulad ng Pachinko.  

Lalo pang dumami ang mga hanapbuhay para sa mga manggagawang tulad nila nang baguhin ng Seibu Corporation ang anyo ng Ikebukuro. Nagtayo ng mga department stores sa ibabaw ng istasyon at tinawag itong Seibu at ang katabi naman nito ay may pangalan ngayong Parco.

Hindi nagtagal at nagsulputan pa ang iba’t ibang establisyimento tulad ng mga restaurant at coffee shops, tindahan ng damit, sapatos at mga sanglaan. Dumami rin ang mga hotels, snack bars at mga night clubs.

Mula sa Ikebukuro ay nabuhay ang Seibu Ikebukuro Line. Isinaayos ng Seibu Corporation ang daanan ng tren na nagdadala ng dumi mula sa mga palikuran ng buong siyudad ng Tokyo. Ang mga duming ito ay ginagamit bilang pataba sa mga taniman ng gulay sa bandang Nerima, Higashi Kurume patungong Tokorozawa. Natabunan daw kasi ng  kung anong mineral mula Mt. Fuji ang mga lugar na ito nang huling pumutok ang bulkan.

Ang pagpapatubo ng palay ay mistulang imposible. Ang pataba ay nakakatulong ngunit halos mga gulay lamang ang naitatanim. Sa panahon ngayon, ang kinikilalang pinakamasarap na daikon o labanos, ay ang mga tanim mula roon na ang tawag ay  Nerima Daikon.

Paisa isa ay nagtayo ng mga istasyon ng tren ang Seibu Corporation sa mga lugar na dinaraanan ng linyang ito. Ang bawat istasyon ay tinatayuan din nila ng mga pamilihan at department store. Tulad ng nangyari sa Ikebukuro ay maraming mga establisyimento ang nagsipagsunod. Halos hindi na napansin dahil sa mabilis na paglipas ng panahon, ang bawat istasyon ng Seibu Ikebukuro Line ngayon ay naging mas  maunlad na kumpara noon.

Ang ganitong pagbabago ay hindi lamang nangyari sa Seibu Ikebukuro Line. Maging ang mga kumpanya rin ng tren sa Osaka, Hiroshima at Fukuoka, ay ginamit ang pamamaraang tulad  nito. Habang nadadagdagan ang mga istasyon ng tren sa iba’t ibang lugar  ay  nagiging madali  rin para sa mga mamamayan at mga kalakal na makarating sa kani-kanilang dapat patunguhan. Ang tiyak sa oras ng pagdating ay laging maaasahan.

Nagkakaroon ng pagkakataon na maging maginhawa ang paghahanap buhay ng bawat mamamayan. Naiiwasan ang pagwawalang saysay sa maraming mga pinaghihirapang bagay. Ang  mga pinaghusayang mga pamamaraan na maiayos ang galaw ng lahat mula sa iba’t ibang  lugar ay naging malaking tulong upang umunlad ang buong bansa ng Japan.  

Sa atin sa Pilipinas ay dati ng may tumatakbong tren patungo sa malalayong lugar tulad ng Bicol at Pangasinan. Marahil kung magagawi kayo sa mga lugar na iyon ay makakakita pa kayo ng mga bakas o mga lumang riles ng dating dinaraanan ng mga tren.

Ano nga ba ang nangyari at nawala na ang mga tren na ito. Ano nga kaya ang mga dahilan at hindi na ito ipinagpatuloy. Naroroon na sana ang mga riles na patitibayin na lamang at daragdagan. Hindi ba mas matipid gumawa ng riles kesa sa mga daan? Hindi ba mas maraming tao at kalakal ang maisasakay dahil ang haba nito ay maaaring dagdagan? Hindi ba mas mabilis dahil sa walang mga signal lights at trapik sa mga dinaraanan? Maaaring makapagpaunlad pa sa bawat lugar o istasyon nitong titigilan.

Noong nakaraang buwan ay naaprubahan na ang paghuhukay ng gagawing subway train sa Metro Manila. Nakakasiguro tayo na bilyun-bilyong piso na naman ang gagamitin upang magawa ang proyektong ito. Kasabay rin nito ang mga bagong anomalya na siguradong  magiging problema na naman bago pa man siguro matapos ang proyekto.


Kung iisipin nating mabuti, gaano ba kalaking bahagi ng ating mga mamamayan ang makikinabang kapag natapos na ang subway na ito? Oo, ang marami sa mga naghahanap buhay sa  Metro Manila. Ngunit papaano naman ang mga kababayan nating nasa malalayong lugar? Matatagalan pa ba ang pagkakataong  maabot sila ng kaunlaran? 

Lunes, Enero 6, 2014

Pilipino, saan ka patungo?

Ni Al Eugenio

Ilan sa mga nabanggit ng mga tagapagbalita mula sa ibang bansa nang masaksihan nila ang mga nasalanta ng bagyong “Yolanda” sa kabisayaan ay ang kanilang paghanga sa katatagan ng ating mga kababayan sa kabila ng pagsubok. Sa mata ng mundo, ang mga Pilipino ay matiisin, masayahin, madaling maging kaibigan at kahit na madalas abusuhin ay likas na matulungin.

Kahanga-hanga ang mga katangiang ito para sa mamamayan ng ating bansa,  ngunit bakit kaya sa kabila ng magagandang katangiang ito ay patuloy pa rin hikaos ang pamumuhay ng marami sa ating mga kababayan? 

Upang magkaroon tayo ng kahit na bahagyang tugon sa mga katanungang ito ay kailangan marahil na alalahanin natin ang binaybay ng ating bansa noon at ngayon.

Noong tayo ay nasa ilalim pa ng mga mananakop na Kastila, ang mga namumuno sa ating bansa ay hindi naglilingkod para sa kapakanan ng mga mamamayan. Ang mga namumuno noon ay naglilingkod para sa kaharian ng Espanya at ang ating mga mamamayan ay kinakailangang maghanapbuhay hindi lamang para sa kanilang mga pamilya kundi pati na rin para sa Espanya. Kaya naman ang mga alkalde  at gobernador  noon ay ang siyang dapat na pinaglilingkuran at hindi  sila para maglingkod sa mga mamamayan. Dahil na rin sa hindi naiintindihan ng mga Pilipino ang salitang Kastila, madaling naililihim ng mga banyaga ang mga karapatan ng tao ayon sa mga itinuturo ng Kristiyanismo na siyang naging paraan upang tanggapin sila ng mga kababayan natin sa ating bansa.

Nang ang ating bayan ay lumaya, ang ganitong kaugalian ay hindi  tuluyang  naalis. Hindi pa rin lubusang alam ng ating mga kababayan ang kanilang tunay na  karapatan. Hindi naman kasi ganoon karami ang may pagkakataong makapag-aral.  Pagsasaka, pangingisda at kung sinuswerte, hanapbuhay sa siyudad ng Maynila  ang tanging mapagkukunan ng ikakabuhay.    

Hindi naman natin nilalahat ngunit mas marami sa mga mayayaman at nakapag-aral noon ang patuloy nang kinalimutan ang kapakanan ng mga pangkaraniwang mamamayan. Para bagang ibinubukod nila ang kanilang uri sa mga nakabababang kababayan. Tulad rin ng mga Kastila para sa kanila ang mga Pilipinong ito ay nilikha upang sila ay paglingkuran.   Marami sa mga mayayamang Pilipinong ito ang nagkaroon ng pagkakataon na mamuno sa ating bayan, sa gobyerno.       

Ang kakulangan sa kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa  mga karapatan ng isang pangkaraniwang Pilipino ay patuloy na pinagsasamantalahan ng marami sa ating mga lider. Kahit na ngayon ay para bang natural ng kaugalian ang kalimutan ang kapakanan ng mamamayan, at habang nasa panunungkulan ay parang tama lamang na sila ay magpayaman.   
Lumala ang pamumunong ganito noong panahon ng Bagong Lipunan na pagkalipas lamang ng ilang taon ay tinawag na “Martial Law.” Nilito ng administrayong iyon ang mga mamamayan. Sa halip na ituro sa taumbayan ang kanilang mga karapatan  ay nilunod sila sa mga kasiyahang tulad ng mga pelikula at mga palabas sa telebisyon. Sa kabila ng mga pang-aaliw na ginawa ay hindi  napansin ng marami sa mga taumbayan ang patuloy na paglimas sa kaban ng bayan. Tuluy-tuloy ang pangungutang  upang makapagpagawa raw ng mga gusali, kalsada at mga tulay. Hindi pa man natatapos ang administrasyong Marcos ay lubog na sa utang ang ating bayan.

Ang minana nating pamamaraan ng pagpapatakbo ng gobyerno sa mga Kastila ay pamamaraan pa rin ng marami sa mga kasalukuyang nanunungkulan. Hanggang sa mga panahong ito ay pinagsasamantalahan  pa rin ang pagsasawalang kibo ng ating mga kababayan. 

Kailan lamang ay nagsumbatan ang dalawang senador sa Senado,  hindi upang  ipagtanggol ang kapakanan ng mamamayan kundi upang makaiwas sa iba’t ibang bintang at mga kahihiyan. Hindi man lamang inisip ng mga  mambabatas na ito na ang kunsumo sa kuryente at iba pa nilang kakailanganin  sa loob ng ilang oras nilang  walang katuturang pagtatalo ay sa ating mga mamamayan kukunin ang pambayad.

“The Sick Man of Asia” ang minsang itinawag sa atin. Maaaring totoo ang panananaw na ito ayaw man nating tanggapin. Ito ay sa kadahilanang marami sa namumuno sa atin ay walang kakayahang manungkulan bilang mga pinuno para sa kapakanan ng mga mamamayan. Marami sa kanila ay nais lamang lituhin tayong mga mamamayan upang maisakatuparan ang kanilang mga itinatagong intensiyon. Dahil  sa kanilang kapabayaan ay napalayo ang nakararaming Pilipino sa mga makabagong kaalaman.

Patuloy na namumuhay ang karamihan sa ating mga kababayan na parang nakalutang ang kinabukasan. Tanging ang ugaling masayahin sa saliw ng mga kwentong katatawanan ay pilit na idinaraos ang araw araw. Walang matatag na pinanghahawakan para sa kanilang patutunguhan. Puro pagbabakasakali na may pag-asa pa para sa kinabukasan. Madalas magdesisyon ng mabilis at mababaw. Kaya naman sa mata ng marami ay mahinang nilalang. Hindi nila batid ang mga pinagdaraanan ng Pilipinong ito sa araw-araw.

Ang lalo pang dumaraming populasyon ng mga Pilipino ay kanya-kanyang gumagawa ng paraan upang kahit na papaano, sa anumang paraan, ay maipagpatuloy ang  natitirang buhay. Bihira ang umaasa sa magagawa ng pamahalaan. Laging nangangarap na  baka sakali ay dumating din ang panahon na ang mga ipinagkait na karunungan at ang mga kaalaman ay kanila rin maranasan na ang mga pagkakataong ganito ay hindi para sa mayayaman lamang.