Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Waseda University. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Waseda University. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Waseda vs Keio: Hit and Run!

 Ni Herlyn Gail Alegre

Kuha ni Herlyn Gail Alegre

“Fureeeee, Fureeeee Waseda!” Umaalingawngaw sa buong stadium ang nakakabinging hiyawan ng mga manonood – karamihan ay estudyante, mayroon din mga alumni, magulang at ilang mukha na hindi mo maisip kung bakit nandoon bukod sa hinalang fan sila ng baseball.

Ito ang unang beses na nanood ako ng baseball game sa pagitan ng Waseda University at Keio University. Dati, nagbabasa lang ako ng updates tungkol sa laban at naiinggit sa mga litratong naka-upload sa social networking sites. Pero ngayon, personal na akong nanood sa stadium habang nakikisayaw, nakikikanta, nakikiwagayway ng mga banners para i-cheer ang Waseda.

Kaparis ng UAAP

Sa Pilipinas, masasabing ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang pinakasikat na inter-collegiate basketball tournament na inaabangan ng marami taun-taon. Nagsimula noong 1938, mayroong 15 iba’t ibang sports ang pinaglalabanan dito sa kasalukuyan tulad ng volleyball, swimming, judo at iba pa na nahahati sa senior (collegiate) at junior division (high school) na siya namang binubuo ng women’s at men’s divison. Pero siyempre ang pinakaaabangan at pinakasikat na laro dito ay ang collegiate men’s basketball na karaniwang ginagawa sa Araneta Coliseum o Mall of Asia Arena.

Mayroon din ganitong hype sa Japan pero hindi basketball ang gusto nila, kung hindi baseball. Tulad ng UAAP, mayroon din silang tinatawag na Tokyo Big 6 Baseball League (東京六大学野球連盟, Tōkyō roku daigaku yakyū renmei) na  binubuo ng anim na pinaka-prestihiyosong mga unibersidad sa Tokyo. Ito ay nagsimula noong 1926. Karaniwang ginaganap ang mga baseball games sa Meiji Jingu Stadium.

Kung ang UAAP ay binubuo ng University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University (ADMU), Dela Salle University (DLSU), Adamson University, National University (NU), University of the East (UE) University of Santo Tomas (UST) at Far Eastern University (FEU), ang Tokyo 6 naman ay binubuo ng University of Tokyo, Waseda University, Keio University, Meiji University, Hosei University at Rikkyo University. Mayroon silang laro tuwing spring at autumn ng bawat taon, samantalang ang UAAP naman ay tumatakbo mula Hulyo hanggang Oktubre ng bawat taon.

One Big Fight Waseda, Animo Keio

Kung sa Pilipinas, labanang Ateneo-La Salle ang pinakaaabangan, may bersyon din sila ng ganyan sa Tokyo 6. Ito naman ang mainit na sagupaan ng Waseda University at Keio University. Mas kilala ang rivalry na ito sa tawag na “sōkeisen” (早慶戦) na mula sa pinagdikit-dikit na “sou” (isang basa sa kanji ng Waseda), “kei” (mula sa Keio) at “sen” (ibig sabihin ay “laban” o “kumpetisyon”). Bawat koponan ay may bitbit na sandamakmak na cheering squad at live band na nagbibigay-sigla sa bawat laro.

Ang mga babaeng cheerleaders ay cute na cute sa kanilang maiikli at hapit na hapit na cheering uniforms. Pero ang mas nakapagpamangha sa akin at nakatawag ng aking atensyon ay iyong mga lalaking miyembro ng cheering squad o “ōendan” (応援団). Nakasuot sila ng dark school uniform, may mga tali sa ulo at walang katapat ang energy kung makapalakpak na parang matatanggal ang kanilang mga braso habang sumisigaw gamit ang malalaki nilang boses.

Pangalawa ang Waseda -- na may 43 panalo -- sa may pinakamaraming championship titles sa Tokyo 6 samantalang pang-apat naman ang Keio na may 33. Hosei na may 44 panalo ang pinakamarami, ang Meiji ay may 34, ang Rikkyo ay may 12 at wala pang napapanalunan ang Univeristy of Tokyo.

Sa UAAP naman, parehas na may tig-8 panalo ang ADMU at DLSU. Ang FEU naman na may 19 panalo ang may pinakamarami, ang UST at UE may tig-18, UP may 2, at NU at Adamson may tig-1.

Tuwing mapapalo ng batter ng Waseda ang bola, maingay na nagchi-cheer ang mga taga-Waseda. Sa mga pagkakataong ito, ina-assume ko na nananalo kami. Kung ikukumpara kasi sa basketball, ‘di hamak na mas kumplikado ang baseball. Maraming mga rules at maraming nangyayari sa loob ng field. Ang isang laro ng baseball ay binubuo ng 9 na player – isang pitcher, isang batter, 4 na infielders at 3 outfielders.

Sa collegiate baseball, may 9 na inning sa bawat game at sa bawat inning may tig-isang pagkakataon ang bawat koponan na mag-pitch at mag-bat. Sa mas pinasimpleng lohika, kung sa basketball, paramihan ng mashu-shoot na bola, sa baseball naman, paramihan ng run na magagawa. Ibig sabihin, ang koponan na may pinakamaraming beses nakaikot sa apat na base ang siyang panalo.

Laro ng buhay

Sa tingin ko nanalo naman ang Waseda noong araw na iyon. Pero manalo o matalo, minsan higit pa doon ang kwento ng bawat laro na nilalahukan natin. Mas mahalaga kung paano lumaban ang bawat isa na kasali rito. Maliksing tumakbo ang mga infielders, eksakto ang galaw ng batter at maganda ang pagbato ng pitcher. Sa akin, ayos na iyon. Kung naging kasing liksi ako ng mga infielders sa pagpasok ko sa university araw-araw, kung naging kasing eksakto ako ng batter sa pagsagot sa mga exams ko, o kung naging kasing passionate ako ng pitcher sa pagsulat ng thesis ko, sa palagay ko, iyon ang mas mahalaga. 

Sa laro ng buhay, hindi tayo laging panalo, but we always get a chance to fight. Parang baseball, we might not always win, but life provides us with opportunities to get a homerun. Kung hindi tayo naka-homerun ngayon, mas magsumikap pa tayo para sa susunod magawa na natin. O baka naman, hindi nga tayo naka-homerun ngayon at isang mabagal na transisyon sa bawat base ang naging paglalakbay natin, pero sa huli, nakarating din tayo kung saan natin gustong makarating.

Noong tinugtog na ang school hymn ng Waseda sa dulo ng laro, nagsitayuan lahat ng mga tao sa banda namin, proud na itinaas ang mga kamay sa ere at sumusuntok sa hangin habang kumakanta. Nakakatuwang makita ang isang matandang mama, puti na ang buhok, naka-khaki na suit at malakas na kumakanta na parang proud na proud siya sa ginagawa niya. Makikitang puno siya ng pag-asa at hindi pa rin nawawala ang kanyang enthusiasm sa laro ng baseball at sa laban ng buhay. Sa basketball man, baseball o sa kahit anong laban ng buhay, dapat laging walang urungan at walang humpay na “Fureee, fureeee” lang ang sigaw mo, dahil baka sa susunod, ikaw na ang maka-home run!


Miyerkules, Setyembre 4, 2013

Ako at ang Monbukagakusho: Isang Bagong Simula sa Tokyo


Ni Herlyn Gail Alegre
Monbukagakusho scholar, Herlyn Gail Alegre


“Why do you want to go to Japan?” 

Ito ang paulit-ulit na tinatanong sa akin pero paulit-ulit ko pa rin hinahanapan ng kasagutan. Marami na akong kaibigan at kakilala na nagtanong at nag-usisa, pero kahit isa, wala yata akong nasagot nang tama – hindi sapul, swak o pasok sa banga. Ganoon yata talaga kapag sobrang gusto mo ang isang bagay, hindi mo maipaliwanag nang malinaw sa iba kung bakit. 

Kaya sa araw ng interview, nagbaon ako ng ilang linyang maaari kong isagot sa mga tanong ng panel. Hindi ito beauty contest o visa application, interview ito para sa research category ng Monbukagakusho Scholarship, isang full scholarship na ibinibigay ng Japanese Government sa mga Pilipinong gustong mag-aral sa Japan. 
Isang pangarap

Nasa college pa lamang ako pangarap ko talagang mag-aral sa Japan. Hindi lang dahil mahilig ako sa anime o gusto ko lang mag-cosplay sa Harajuku, may kakaibang charm ang Japan, gusto ko siyang pag-aralan at gusto kong doon mismo mag-aral. At ang dream school ko, ang Waseda University – isa sa mga pinakatanyag na private universities sa Tokyo. Kaya noong una kong malaman ang tungkol sa Monbukagakusho Scholarship, nagkaron ako ng pag-asa na hindi naman pala imposible para sa mga ordinaryong taong kagaya ko ang makarating sa Japan na may student visa. 

Isang silip sa Monbukagakusho Scholarship

May iba’t ibang kategorya ang scholarship: professional training college, college of technology, undergraduate at research category. Bawat taon, nagbubukas ang aplikasyon bandang Abril. Mayroon din scholarships para sa mga teachers, Japanese studies students at government employees . May iba’t ibang stages din ang aplikasyon, nagkakaroon nga lang ng kaunting pagkakaiba sa proseso depende sa kategorya. 

  Document screening. Kailangan kumpleto lahat ng dokumento na hinihingi ng Embahada ng Japan, isa lamang ang kulang dito, pwedeng masayang ang buong aplikasyon mo. Kaya mahalagang i-double check nang mabuti ang checklist at pagsunud-sunurin ang dokumento para wala kang maiwan. Isa sa mga tinitingnan ng screening committee ay ang academic grades kaya mahalaga sa mga interesadong mag-apply na pagbutihin ang academic performance nila. Mahalaga rin na pagtuunan ng pansin ang paggawa ng research proposal dahil dito unang masusubok ang kakayahan mo bilang isang researcher – kung maayos, malinaw at konkreto ang gusto mong gawing pag-aaral sa Japan.  

  Written Examination. Sa research category, Ingles at Nihongo lang ang kasama sa written exam. Kailangang sagutan ng lahat ang English exam pero optional ang Nihongo exam. Ibig sabihin, hindi required na matatas ka na mag-Nihongo bago ka mag-apply, pero siyempre, dagadag credentials din kung may background ka na. 

  Panel Interview. May anim na tao ang kasama sa panel interview ko. Isang mahalagang tandaan pagsalang sa panel ay dapat gamay mo ang research proposal mo. Itatanong nila ang mga detalye tungkol dito at kung paano mo ito balak gawin sa Japan. Hindi mo naman kailangang palabasin na dalubhasa ka na sa topic mo, kailangan mo lang ipakita na kaya mong gawin ang actual research mo. 

Sa research category, mahaba-haba pa ang proseso pagkatapos ng interview. Kinailangan pa namin humanap ng professor at university na tugma sa research topic namin. Hindi ibig sabihin na tinanggap ka ng  university, sigurado na ang pagpasa sa scholarship. Ibabalik uli sa Ministry of Education, Culture, Sports, Science and Technology (MEXT) ang mga papeles at muling dadaan sa final screening. 

Ang Mahabang Paghihintay

Kung mayroong isang bagay akong natutuhan sa pag-apply ko sa Monbukagakusho Scholarship, ito ay ang paghihintay. Mahabang paghihintay na umusad sa bawat stage ng proseso, mas mahabang paghihintay sa bawat tawag at email na mula sa Embassy at pinakamahabang paghihintay para malaman ang resulta. Pero kahit gaano pa kahaba ito, sobrang sulit naman kapag nalaman mo na ang magandang balita.
Tungo sa Bagong Simula
“Why do you want to go to Japan?” Tanong ng isa sa panel of judges. Pinagpapawisan ako kahit malakas ang aircon. Nakalimutan ko ang ilang linyang ni-rehearse ko, wala akong maisip na magandang sagot, walang academic argument, mas lalong walang pang “Miss Universe” na sagot, ngumiti na lang ako at sinabing, “Everyone is entitled to a new beginning,” nanginginig pa ang aking boses. “And I am ready to face whatever it takes.” At sa palagay ko, kahit corny, epektibo naman ang aking sagot, dahil ito ako, magsisimulang harapin sa susunod na buwan ang bagong simula ko sa Tokyo.