Ni Herlyn Gail Alegre
Monbukagakusho scholar, Herlyn Gail Alegre |
“Why do you want to go to Japan?”
Ito ang paulit-ulit na tinatanong sa akin pero paulit-ulit ko pa rin hinahanapan ng kasagutan. Marami na akong kaibigan at kakilala na nagtanong at nag-usisa, pero kahit isa, wala yata akong nasagot nang tama – hindi sapul, swak o pasok sa banga. Ganoon yata talaga kapag sobrang gusto mo ang isang bagay, hindi mo maipaliwanag nang malinaw sa iba kung bakit.
Kaya sa araw ng interview, nagbaon ako ng ilang linyang maaari kong isagot sa mga tanong ng panel. Hindi ito beauty contest o visa application, interview ito para sa research category ng Monbukagakusho Scholarship, isang full scholarship na ibinibigay ng Japanese Government sa mga Pilipinong gustong mag-aral sa Japan.
Isang pangarap
Nasa college pa lamang ako pangarap ko talagang mag-aral sa Japan. Hindi lang dahil mahilig ako sa anime o gusto ko lang mag-cosplay sa Harajuku, may kakaibang charm ang Japan, gusto ko siyang pag-aralan at gusto kong doon mismo mag-aral. At ang dream school ko, ang Waseda University – isa sa mga pinakatanyag na private universities sa Tokyo. Kaya noong una kong malaman ang tungkol sa Monbukagakusho Scholarship, nagkaron ako ng pag-asa na hindi naman pala imposible para sa mga ordinaryong taong kagaya ko ang makarating sa Japan na may student visa.
Isang silip sa Monbukagakusho Scholarship
May iba’t ibang kategorya ang scholarship: professional training college, college of technology, undergraduate at research category. Bawat taon, nagbubukas ang aplikasyon bandang Abril. Mayroon din scholarships para sa mga teachers, Japanese studies students at government employees . May iba’t ibang stages din ang aplikasyon, nagkakaroon nga lang ng kaunting pagkakaiba sa proseso depende sa kategorya.
Document screening. Kailangan kumpleto lahat ng dokumento na hinihingi ng Embahada ng Japan, isa lamang ang kulang dito, pwedeng masayang ang buong aplikasyon mo. Kaya mahalagang i-double check nang mabuti ang checklist at pagsunud-sunurin ang dokumento para wala kang maiwan. Isa sa mga tinitingnan ng screening committee ay ang academic grades kaya mahalaga sa mga interesadong mag-apply na pagbutihin ang academic performance nila. Mahalaga rin na pagtuunan ng pansin ang paggawa ng research proposal dahil dito unang masusubok ang kakayahan mo bilang isang researcher – kung maayos, malinaw at konkreto ang gusto mong gawing pag-aaral sa Japan.
Written Examination. Sa research category, Ingles at Nihongo lang ang kasama sa written exam. Kailangang sagutan ng lahat ang English exam pero optional ang Nihongo exam. Ibig sabihin, hindi required na matatas ka na mag-Nihongo bago ka mag-apply, pero siyempre, dagadag credentials din kung may background ka na.
Panel Interview. May anim na tao ang kasama sa panel interview ko. Isang mahalagang tandaan pagsalang sa panel ay dapat gamay mo ang research proposal mo. Itatanong nila ang mga detalye tungkol dito at kung paano mo ito balak gawin sa Japan. Hindi mo naman kailangang palabasin na dalubhasa ka na sa topic mo, kailangan mo lang ipakita na kaya mong gawin ang actual research mo.
Sa research category, mahaba-haba pa ang proseso pagkatapos ng interview. Kinailangan pa namin humanap ng professor at university na tugma sa research topic namin. Hindi ibig sabihin na tinanggap ka ng university, sigurado na ang pagpasa sa scholarship. Ibabalik uli sa Ministry of Education, Culture, Sports, Science and Technology (MEXT) ang mga papeles at muling dadaan sa final screening.
Ang Mahabang Paghihintay
Kung mayroong isang bagay akong natutuhan sa pag-apply ko sa Monbukagakusho Scholarship, ito ay ang paghihintay. Mahabang paghihintay na umusad sa bawat stage ng proseso, mas mahabang paghihintay sa bawat tawag at email na mula sa Embassy at pinakamahabang paghihintay para malaman ang resulta. Pero kahit gaano pa kahaba ito, sobrang sulit naman kapag nalaman mo na ang magandang balita.
Tungo sa Bagong Simula
“Why do you want to go to Japan?” Tanong ng isa sa panel of judges. Pinagpapawisan ako kahit malakas ang aircon. Nakalimutan ko ang ilang linyang ni-rehearse ko, wala akong maisip na magandang sagot, walang academic argument, mas lalong walang pang “Miss Universe” na sagot, ngumiti na lang ako at sinabing, “Everyone is entitled to a new beginning,” nanginginig pa ang aking boses. “And I am ready to face whatever it takes.” At sa palagay ko, kahit corny, epektibo naman ang aking sagot, dahil ito ako, magsisimulang harapin sa susunod na buwan ang bagong simula ko sa Tokyo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento