Ni Herlyn Gail Alegre
Kuha ni Herlyn Gail Alegre |
“Fureeeee,
Fureeeee Waseda!” Umaalingawngaw sa buong stadium ang nakakabinging hiyawan ng
mga manonood – karamihan ay estudyante, mayroon din mga alumni, magulang at
ilang mukha na hindi mo maisip kung bakit nandoon bukod sa hinalang fan sila ng
baseball.
Ito
ang unang beses na nanood ako ng baseball game sa pagitan ng Waseda University
at Keio University. Dati, nagbabasa lang ako ng updates tungkol sa laban at
naiinggit sa mga litratong naka-upload sa social networking sites. Pero ngayon,
personal na akong nanood sa stadium habang nakikisayaw, nakikikanta,
nakikiwagayway ng mga banners para i-cheer ang Waseda.
Kaparis ng UAAP
Sa
Pilipinas, masasabing ang University Athletic Association of the Philippines
(UAAP) ang pinakasikat na inter-collegiate basketball tournament na inaabangan
ng marami taun-taon. Nagsimula noong 1938, mayroong 15 iba’t ibang sports ang
pinaglalabanan dito sa kasalukuyan tulad ng volleyball, swimming, judo at iba
pa na nahahati sa senior (collegiate) at junior division (high school) na siya
namang binubuo ng women’s at men’s divison. Pero siyempre ang pinakaaabangan at
pinakasikat na laro dito ay ang collegiate men’s basketball na karaniwang
ginagawa sa Araneta Coliseum o Mall of Asia Arena.
Mayroon
din ganitong hype sa Japan pero hindi basketball ang gusto nila, kung hindi
baseball. Tulad ng UAAP, mayroon din silang tinatawag na Tokyo Big 6 Baseball
League (東京六大学野球連盟, Tōkyō roku daigaku yakyū renmei) na binubuo ng anim na pinaka-prestihiyosong mga
unibersidad sa Tokyo. Ito ay nagsimula noong 1926. Karaniwang ginaganap ang mga
baseball games sa Meiji Jingu Stadium.
Kung
ang UAAP ay binubuo ng University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila
University (ADMU), Dela Salle University (DLSU), Adamson University, National
University (NU), University of the East (UE) University of Santo Tomas (UST) at
Far Eastern University (FEU), ang Tokyo 6 naman ay binubuo ng University of
Tokyo, Waseda University, Keio University, Meiji University, Hosei University
at Rikkyo University. Mayroon silang laro tuwing spring at autumn ng bawat
taon, samantalang ang UAAP naman ay tumatakbo mula Hulyo hanggang Oktubre ng
bawat taon.
One Big Fight Waseda, Animo Keio
Kung
sa Pilipinas, labanang Ateneo-La Salle ang pinakaaabangan, may bersyon din sila
ng ganyan sa Tokyo 6. Ito naman ang mainit na sagupaan ng Waseda University at
Keio University. Mas kilala ang rivalry na ito sa tawag na “sōkeisen” (早慶戦) na
mula sa pinagdikit-dikit na “sou” (isang basa sa kanji ng Waseda), “kei” (mula
sa Keio) at “sen” (ibig sabihin ay “laban” o “kumpetisyon”). Bawat koponan ay may
bitbit na sandamakmak na cheering squad at live band na nagbibigay-sigla sa bawat
laro.
Ang mga babaeng cheerleaders ay
cute na cute sa kanilang maiikli at hapit na hapit na cheering uniforms. Pero
ang mas nakapagpamangha sa akin at nakatawag ng aking atensyon ay iyong mga
lalaking miyembro ng cheering squad o “ōendan” (応援団). Nakasuot
sila ng dark school uniform, may mga tali sa ulo at walang katapat ang energy
kung makapalakpak na parang matatanggal ang kanilang mga braso habang sumisigaw
gamit ang malalaki nilang boses.
Pangalawa ang Waseda -- na may 43
panalo -- sa may pinakamaraming championship titles sa Tokyo 6 samantalang
pang-apat naman ang Keio na may 33. Hosei na may 44 panalo ang pinakamarami,
ang Meiji ay
may 34, ang Rikkyo ay may 12 at wala pang napapanalunan ang Univeristy of
Tokyo.
Sa
UAAP naman, parehas na may tig-8 panalo ang ADMU at DLSU. Ang FEU naman na may
19 panalo ang may pinakamarami, ang UST at UE may tig-18, UP may 2, at NU at
Adamson may tig-1.
Tuwing
mapapalo ng batter ng Waseda ang bola, maingay na nagchi-cheer ang mga
taga-Waseda. Sa mga pagkakataong ito, ina-assume ko na nananalo kami. Kung ikukumpara kasi sa basketball, ‘di hamak na mas kumplikado
ang baseball. Maraming mga rules at maraming nangyayari sa loob ng field. Ang
isang laro ng baseball ay binubuo ng 9 na player – isang pitcher, isang batter,
4 na infielders at 3 outfielders.
Sa collegiate baseball, may 9 na
inning sa bawat game at sa bawat inning may tig-isang pagkakataon ang bawat koponan
na mag-pitch at mag-bat. Sa mas pinasimpleng lohika, kung sa basketball,
paramihan ng mashu-shoot na bola, sa baseball naman, paramihan ng run na
magagawa. Ibig sabihin, ang koponan na may pinakamaraming beses nakaikot sa
apat na base ang siyang panalo.
Laro ng buhay
Sa
tingin ko nanalo naman ang Waseda noong araw na iyon. Pero manalo o matalo, minsan
higit pa doon ang kwento ng bawat laro na nilalahukan natin. Mas mahalaga kung
paano lumaban ang bawat isa na kasali rito. Maliksing tumakbo ang mga
infielders, eksakto ang galaw ng batter at maganda ang pagbato ng pitcher. Sa
akin, ayos na iyon. Kung naging kasing liksi ako ng mga infielders sa pagpasok
ko sa university araw-araw, kung naging kasing eksakto ako ng batter sa
pagsagot sa mga exams ko, o kung naging kasing passionate ako ng pitcher sa
pagsulat ng thesis ko, sa palagay ko, iyon ang mas mahalaga.
Sa
laro ng buhay, hindi tayo laging panalo, but we always get a chance to fight. Parang
baseball, we might not always win, but life provides us with opportunities to
get a homerun. Kung hindi tayo naka-homerun ngayon, mas magsumikap pa tayo para
sa susunod magawa na natin. O baka naman, hindi nga tayo naka-homerun ngayon at
isang mabagal na transisyon sa bawat base ang naging paglalakbay natin, pero sa
huli, nakarating din tayo kung saan natin gustong makarating.
Noong
tinugtog na ang school hymn ng Waseda sa dulo ng laro, nagsitayuan lahat ng mga
tao sa banda namin, proud na itinaas ang mga kamay sa ere at sumusuntok sa
hangin habang kumakanta. Nakakatuwang makita ang isang matandang mama, puti na
ang buhok, naka-khaki na suit at malakas na kumakanta na parang proud na proud
siya sa ginagawa niya. Makikitang puno siya ng pag-asa at hindi pa rin nawawala
ang kanyang enthusiasm sa laro ng baseball at sa laban ng buhay. Sa basketball
man, baseball o sa kahit anong laban ng buhay, dapat laging walang urungan at
walang humpay na “Fureee, fureeee” lang ang sigaw mo, dahil baka sa susunod,
ikaw na ang maka-home run!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento