Martes, Oktubre 13, 2015

‘The Tale of the Princess Kaguya’ nagningning sa Cinemalaya Independents: Asian Showcase

Ni Jovelyn Javier


Isa ang award-winning animated feature na “The Tale of the Princess Kaguya” ng Studio Ghibli at mula sa direksyon at panulat ni Isao Takahata, isa sa founders ng Studio Ghibli ang itinampok sa kamakailang Cinemalaya 2015 sa Independents: Asian Showcase. Kilala si Takahata sa iba pang Studio Ghibli films kagaya ng “Grave of the Fireflies,” “Only Yesterday,” “My Neighbors The Yamadas” at “Pom Poko.” 

Base ang kwento ng The Tale of the Princess Kaguya sa isang ika-10 siglong katutubong kwento na “The Tale of the Bamboo Cutter” at itinuturing na pinakaunang Japanese prose narrative mula sa Tokugawa period. Ngunit sa pagsasapelikula nito, binigyan ito ng bago at modernong pakiramdam na maiintindihan at matatanggap ng mga tao. 

Sentro ng pelikula ang pagkakatuklas ng isang bamboo cutter na si Okina (Takeo Chii) ng isang maliit na sanggol sa loob ng isang kawayan. Naniniwala si Okina na isang espesyal na sanggol ito at regalo mula sa kalangitan. Inuwi niya ang sanggol sa kanyang maybahay na si Ona (Nobuko Miyamoto) at nang kargahin niya ito ay biglang lumaki ang sanggol.

Pinangalanan nilang Kaguya (Aki Asakura) ang sanggol, na ang ibig sabihin ay “radiant night” dahil nang matagpuan siya ni Okina sa loob ng kawayan ay may nakasisilaw na liwanag na nagmula rito.

Napansin ng ibang mga bata ang mabilis na paglaki ni Kaguya at sinimulan siyang tawaging “Takenoko” o little bamboo dahil kagaya ng isang kawayan ay mabilis din siyang lumaki. Naging malapit siya sa mga batang ito lalo na kay Sutemaru (Kengo Kora).

Isang araw, may natagpuang ginto at magagandang tela si Okina mula sa isang kawayan at lalo itong nakumbinse na isang banal na prinsesa si Kaguya. Umalis sila sa nayon patungo sa siyudad, tumira sa isang mansyon na may mga tagasilbi, hanggang sa mga naggagandahang kasuotan at istriktong pagsasanay para maging isang marangal na prinsesa si Kaguya.

Kalaunan, opisyal na siyang pinangalanang Kaguya-hime (Princess Kaguya) dahil sa kakaibang ningning na nagmumula sa kanya kapag nakikita siya ng ibang tao. Habang ipinagdiriwang ang opisyal na pagbibigay pangalan sa kanya, kinutya ng ilang mga bisita ang kanyang ama na isang simpleng dalaga lang naman si Kaguya at ginagamit lang ni Okina ang kanyang pera.

Nang hindi na makayanan ni Kaguya ang mga mabigat at ipinipilit na tungkulin sa kanya bilang prinsesa sa lupa, humingi siya ng tulong sa buwan. Dito napagtanto ni Kaguya na galing siya sa buwan at dumating siya sa lupa dahil sa pagbali niya ng batas sa buwan sa kagustuhang maranasan ang buhay mortal. 

Ipinapakita ng pelikula kung paanong ang isang hindi mortal gaya ni Kaguya ay nakahanap ng kaligayahan sa piling ng kanyang mga mortal na magulang at  mga kaibigan. At bagaman ‘di perpekto ang buhay, nadiskubre niya ang napakaraming kasaganaan ng buhay sa lupa na puno ng kulay at iba’t ibang mga nilalang, dito niya naranasan ang sarap ng buhay at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malapit na koneksyon sa mga tao. 


Kapansin-pansin din ang kakaibang animation style ng pelikula na hand-drawn o brush-troke na animo’y inii-sketch ang bawat eksena sa harap ng manonood habang nangyayari ito. Maihahalintulad din ito sa mga traditional painting ng Japan. Dagdag pa ni Takahata, pinili niya ang istilong ito dahil gusto niyang hindi ito makalimutan ng mga tao at dahil may kakayahan ang mala-painting na animation para pagalawin ang malawak na imahinasyon at kaisipan ng manonood. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento