Lunes, Nobyembre 2, 2015

Filipino art sa Fukuoka Asian Art Museum


Ni Florenda Corpuz

“Juan Luna’s Blood Compact” by Vicente Manansala
Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may mayamang kultura na makikita sa kasaysayan, musika, sayaw, sining at panitikan nito. Ito ay bahagi ng buhay ng bawat Pilipino kaya naman hindi iilan ang kinilala ang husay at galing sa kanilang mga obra tulad na lamang ng mga alagad ng sining na sina Carlos V. Francisco, Vicente Manansala at Robert Feleo. Ang ilan sa kanilang mga likha ay matatagpuan sa Fukuoka Asian Art Museum (FAAM).

Ang FAAM ay matatagpuan sa Fukuoka City, ang kapital ng Fukuoka Prefecture sa hilagang bahagi ng Kyushu, ang pangatlo sa pinakamalaking isla sa buong Japan. Ito ay nagbukas noong 1999 bilang bahagi ng progressive strategy ng lungsod para sa interaksyon sa iba’t ibang kultura sa Asya.

Ang FAAM ang nag-iisang museo sa buong mundo na sistematikong nangongolekta at nagpapakita ng Asian modern at contemporary art.

Ilan sa mga Filipino art na naka-exhibit dito ay ang “Progress Through Education” ng National Artist in Painting na si Carlos V. Francisco o mas kilala sa tawag na “Botong.” Ito ay kanyang nilikha noong 1964 bilang mural para sa isang Manila textbook publishing firm. Ipinapakita rito ang pagdating at paglaganap ng edukasyon sa Pilipinas, mula sa pag-impluwensiya ng Katolisismo sa bansa sa pamamagitan ng mga Kastila hanggang sa pagdating ng mga Amerikano, pati na rin ang kahalagahan nito.

Nilikha naman ni Vicente Manansala ang “Juan Luna’s Blood Compact” noong 1962 bilang tribute sa obra ni Luna na “Blood Compact” na tumutukoy sa sumpaan na isinagawa noong ika-16 na siglo sa pagitan ng Spanish conqueror na si Miguel López de Legazpi at Bohol chieftain na si Datu Sikatuna.

Si Manansala ay miyembro ng “13 Moderns” isang mahalagang modern art group sa Pilipinas at idineklarang National Artist in Painting noong 1981.

Ang makulay na “Mga Manliligaw ni Narda” ay nilikha naman ni Roberto Feleo noong 1987. Ipinapakita rito ang dalawang lalake, isang cowboy (two-faced Morion na ang pinagmulan ay bansang Mexico) at isang Pilipino na nagngangalang Ding ang nag-aalok ng kasal sa isang babae na nagngangalang Narda, (heroine on Filipino comics). Ang dalawang manliligaw ay simbolo ng Western culture habang si Narda naman ay Filipino spirit. Sa obra ay mapapansin na mas maliit si Ding kesa sa cowboy dahil nais ipakita ng maylikha ang kolonyal na pag-iisip o pagtangkilik sa kultura at produkto ng mga dayuhan habang minamaliit ang gawang Pilipino.

Maaaring sadyain ang Fukuoka Asian Art Museum sa ika-pito at ika-walong palapag ng Riverrain Center Building, 3-1 Shimokawabata-machi, Hakata-ku, Fukuoka City para sa iba pang Filipino art na nakahanap ng “tahanan” sa dayuhang lupain.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento