Biyernes, Hunyo 28, 2013

Mt.Fuji mapapasama na sa listahan ng World Heritage Site

Ni Ramil Lagasca  
Kuha ni Tomoaki Tagaki

Ang Mt.Fuji na itinuturing na simbolo ng Japan at ang pinakamataas na bundok ng bansa ay nakatakda ng makasama sa listahan ng World Heritage Sites nitong buwan ng Hunyo. Ito ay ayon sa balitang inilabas ng Japan`s Cultural Affairs Agency kamakailan.

Sa matagal na panahong paghihintay, ang bundok na may taas na 3,776 metro na sumikat din dahil sa pabago-bago nitong kulay at anyo tuwing magpapalit ang panahon, ay mabibigyan na rin ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ng pagkilala bilang isa sa mga dakilang labi ng kasaysayan ng  mundo.

Ang pagkilala sa bundok bilang World Heritage Site ay resulta ng mahigit na 20 taong tuloy- tuloy na pangangampanya ng mga residente ng Shizuoka at Yamanashi upang maihanay ang bundok sa Pyramids Of Egypt o Great Wall Of China na kinikilala sa buong mundo. 

Sa kabila ng lahat bakit nga ba ngayon lamang nakapag-desisyon ang UNESCO na isali ang Mt.Fuji mula pa ng Convention noong 1992? Bakit nga ba mas nauna pang kinilala ang Shiretoko National Parks ng Hokkaido at ang Ancient Forest ng Hiroshima?

Tila ang naging rason kung bakit nahuli ang kandidatura ng bundok ay dahil sa kakulangan sa pagpapanatili ng kalinisan nito. Ang mga naiiwang basyo ng bote at lata ng alak ay ang karaniwang inirereklamo ng ilang bumibisita rito lalo na ang daanan papunta sa tuktok ng bundok.

Naitala na  mahigit na 319,000 tao ang umaakyat dito tuwing Hulyo hanggang Agosto noong nakaraang taon at ngayo`y tila bumababa  ang popularidad nito. Ito ay dahil dumadami ang mga naiiwang dumi ng mga bumibisita mismo rito. Kaya`t  ngayon ay masugid ang mga namamahala rito na mas pagandahin pa at dagdagan ng mas maraming palikuran.

Lumabas sa resulta ng isang pag-aaral na ginanap noong ika-4 ng Hunyo na  pinangunahan ni Kyoto University Professor Koichi Kuriyama, isang environmental economist, dapat ay magbayad ng 7,000 yen ang isang tao na nagnanais umakyat ng Mt. Fuji, at sa ganoong paraan ay magkakaroon ng budget para sa pagpapanatili ng kalinisan at kagandahan ng bundok.

Maraming mountain climbers ang umalma sa inilabas na resulta dahil sa biglang pagtaas ng entrance fee para sa gustong umakyat dito. Mas mababawasan ang nagnanais umakyat ng bundok dahil sa hindi kapani-paniwalang pagtaas sa halaga ng babayaran.

Ngunit matuloy man o hindi ang proposiyon sa pagtaas ng singil sa entrance fee ay desidido pa rin ang mga namamahala na ituloy ang pagpapaganda sa bundok kahit makasali  pa man o hindi sa listahan ng World Heritage Site.

Martes, Hunyo 25, 2013

PM Abe, kinilala ang kabayanihan ni Rizal


Naging bida sa talumpati na ibinigay ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang mga kataga na isinulat ni Dr. Jose Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, sa dinaluhan nitong conference kamakailan.

Tinalakay ni Abe sa 19th Annual Nikkei International Conference na may temang “The Future of Asia” ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng Japan. Sa kanyang talumpati na pinamagatang “An Asia of Tolerance and Humility That Learns from Each Other”, sinabi ni Abe na  malaki ang pagpapahalaga ng mga bansa sa Asya sa edukasyon at kasarinlan na ipinaglaban ni Rizal noon.

Bilang pagpapakita ng lubos na paghanga kay Rizal, binanggit ng lider ng Japan ang isa sa mga pamosong linya na isinulat ni Rizal sa El Filibusterismo na isa dalawang librong nilimbag ng bayani bilang pagtutol sa mga katiwalian ng mga Espanyol sa pagsakop sa Pilipinas.

“It is a useless life that is not consecrated to a great ideal. It is like a stone wasted on the field without becoming a part of any edifice,” ang linya na binanggit ni Abe.

Bukod dito, isinama rin ni Abe, na ngayon ay umaani ng parehong pagsuporta at pagtuligsa sa ipinapatupad na economic reform na “Abenomics”, ang linya sa isang sanaysay ni Rizal na nailathala sa La Solidaridad noong 1890.

“Without education and liberty, which are the soil and sun of man, no reform is possible, no measure can give the result desired.”

Naging batayan umano ang pagpapahalaga ni Rizal sa edukasyon at kasarinlan ng limang prinsipyo ng ASEAN diplomacy ng Japan na kanyang iginiit sa huling biyahe niya sa Southeast Asia noong Enero.

Binigyang-diin ni Abe ang lubos na paghanga ng mga Japanese sa kabayanihan ni Rizal at sa katunayan umano ay kanilang ipinagmamalaki ang 50-taong-gulang na rebulto ng pambansang bayani sa Hibiya Park sa Chiyoda Ward, Tokyo.

'Balik Nampeidai' idinaos

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Din Eugenio

TOKYO, Japan – Muling iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa dating embahada nito sa Nampeidai-machi, Shibuya noong Hunyo 1 kasunod ng pag-anunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa matagumpay na pagbawi sa Nampeidai property.


Naganap ang makasaysayang pangyayari matapos maglabas ng injunction ang Court of Appeals (CA) sa kahilingan nila DFA Sec. Albert Del Rosario, DOF Sec. Cesar Purisima, Ambassador Manuel M. Lopez at Bids and Awards Committee for Nampeidai Property Development Project Chairman Carlo Carag para itigil ang implementasyon ng kontrata na pinirmahan sa pagitan ng pamahalaang Arroyo at Nagayama Taisei Corp. (NTC), ang Japanese consortium na nanalo sa bidding para sa development project ng Nampeidai property noong Oktubre 2005.

“Accordingly, let a writ of injunction issued effective immediately, enjoining the court a quo, its agents and all persons acting for and on its behalf, from implementing the assailed orders dated 17 February 2012 and 02 April 2012, as well as the writ of execution of 02 April 2012,” pahayag ng CA.

Nag-alok ang NTC na magtayo ng ¥1.7-billion halaga ng gusali sa Nampeidai property at bayaran ang gobyerno ng Pilipinas ng karagdagang ¥480-million sa ilalim ng build-operate-transfer agreement.

Samantala, inihayag din ni Ambassador Manuel M. Lopez ang kanyang kagalakan sa isang simpleng seremonya na tinawag na “Balik-Nampeidai” na inorganisa ng Philippine Embassy.

“I never thought that in my tenure here that I could ever see Nampeidai fly the Philippine flag once again. And now it flies so proudly that when it was being raised I got goose bumps,” madamdaming pahayag ni Ambassador Lopez sa harap ng mga panauhing opisyal, abogado at community leaders mula Pilipinas at Japan.

Nauna nang nag-isyu ang CA ng 60-day temporary restraining order kontra sa writ of execution na inilabas ng Pasay Regional Trial Court na pumapabor kay Masahiro Nagayama ng Nagayama Taisei Corp (NTC).

Matatandaang kinansela ng DOF noong Hunyo 2009 ang kasunduan matapos mapatunayang peke ang mga dokumentong isinumite ng NTC sa bidding process.

Ang Nampeidai property ay isa sa apat na lupain na pag-aari ng gobyerno ng Pilipinas sa Japan kabilang ang 4,500-square meter Fujimi property sa Tokyo, ang 764-square meter property sa Naniwa-cho at 3,014-square meter property sa Obanoyama-cho na parehong nasa Kobe. Ito ay bahagi ng reparations ng Japan noong World War II.

Sa ngayon, hindi pa batid kung ano ang gagawin sa Nampeidai property. 

Miyerkules, Hunyo 5, 2013

Richard Poon goes pop on ‘Legends’ album

Ni Len Armea

Richard Poon
Isang sukatan ng pagiging isang tunay na music artist ay ang patuloy nitong pagbibigay ng bagong proyekto para sa mga tagasuporta nito. Isa na rito si Richard Poon, na bagaman kilalang-kilala sa larangan ng Big Band, ay nagpasya na gumawa ng isang pop album na kakaiba sa mga nakagawian ng marinig mula sa kanya.

Binubuo ng 12 kanta  ang “Legends” album ni Richard na kanta ng mga legendary music artists tulad nila Whitney Houston, Barry Manilow, The Beatles at Michael Jackson. Pumili si Richard ng mga kanta ng music icons na ito at kanyang binigyan ng bagong rendisyon – ngayon nga ay tunog pop naman.

“For some people who don’t know, I already have five albums – three were Big Band albums, the fourth is a Christmas album and the fifth is the ‘crooner’s album.’ This is my 6th studio album but it is my first pop album. When I transferred to Universal Records, they asked me if I could offer something new.  This new album is different from what I usually sing,” pahayag ni Richard sa ginanap na presscon sa Makati City.

“Not a lot of people know that I started in the music industry singing pop songs. I perfectly believe that now is the perfect time to go back to my roots – pop,” dagdag pa ni Richard.

Ang mga kantang nakapaloob sa kanyang album ay ang “A Song For You” ni Elton John, “All At Once” ni Whitney Houston, “All In Love Is” ni Stevie Wonder, “Truly” ni Lionel Richie, “And I Love Her” ng The Beatles, “Crazy” ni Kenny Rogers, “Ready To Take A Chance Again” ni Barry Manilow, “Can’t Help Falling In Love” ni Elvis Presley, “If I Keep My Heart Out Of Sight” ni James Taylor, “Borderline” ni Madonna, “The Girl Is Mine” ni Michael Jackson at Paul McCartney at “Evergreen” ni Barbra Streisand.

Sa mga kantang ito, inamin ni Richard na ang kanta ng The Beatles na “And I Love Her” ang paborito ng kanyang kasintahan na si Maricar Reyes. Sa katunayan, sa album launch na ginanap sa Eastwood City kamakailan, dumalo si Maricar at inialay ni Richard ang kantang ito na ikinakilig ‘di lamang ng kasintahan kundi maging ng audience.

“Maricar and I don’t usually have the same taste in music. Most of the sweet love songs that I like, ayaw niya. She likes alternative songs. In the album, if you notice, And I love Her is the most alternative in the album so that’s her favorite,” pag-amin ni Richard.

Nasa plano rin ng singer na maglabas ng all-original album balang araw at ipakanta sa kapwa singers ang kanyang mga naisulat na kanta. Inamin ni Richard na may mga tumutuligsa sa kanya dahil puro cover songs ang ginagawa niya subalit aniya ay may tamang oras para gawin ang bawat bagay.

“There are few critics in the Internet who criticize me for being anti-OPM and hindi raw ako marunong magsulat ng original songs. But I want to make a ‘David Foster-like album’ one day, maybe 12 to 20 songs, that I wrote and arranged and it will be sang by different artists like Gary V., Ogie Alcasid and so on. I have many original songs in my ataul,” aniya.

At nang tanungin siya kung tuluya na niyang iiwan ang Big Band dahil sa pagbalik niya sa pagkanta ng pop ay naging maiksi ang sagot ng binatang singer.

“I will not leave Big Band. It’s my mark.”