Ni Oliver Corpuz
Taong 1925 nang unang maitala ang kasaysayan ng pamamahayag sa Japan sa pamamagitan ng regular na serbisyong pang-radyo na isinagawa sa Atagoyama, Tokyo – ang lugar kung saan isinilang ang pamamahayag sa bansa.
Pagkalipas ng 88 taon, kamangha-mangha ang pag-unlad ng pamamahayag sa bansa dahil na rin sa makabagong teknolohiya rito -- mula sa radyo, telebisyon, satellite broadcasting hanggang sa HDTV at digital terrestrial broadcasting ngayon.
Noong Marso 3, 1956, itinayo sa Atagoyama ang kauna-unahang broadcasting museum sa buong mundo na tinawag na NHK Museum of Broadcasting. Ang NHK o Nihon Hoso Kyokai (Japan Broadcasting Corporation) ang pambansang pampublikong brodkaster ng bansa. Binabayaran ng mga taong nanonood ng telebisyon ang operating cost nito. Sa NHK Museum makikita ang progreso ng pamamahayag sa Japan sa pamamagitan ng mga kagamitan na naka-display sa loob nito.
Mayroong apat na palapag ang NHK Museum:
Sa unang palapag makikita ang ilan sa mga kagamitan noong nagsisimula pa lamang ang pamamahayag sa Japan. Ilan sa mga ito ay ang replica ng double-button microphone at speaker na maaaring gamitin kung nais marinig ang sound quality noon. Naka-display din ang unang television set sa Japan na inimbento ni Kenjiro Takayanagi, ang “Father of Japanese Television”, na naging matagumpay gamit ang isa sa Japanese iroha alphabet na “イ” o “i”.
Nasa mezzanine floor naman ang Atagoyama Hall kung saan ipinapalabas ang mga programa ng NHK. Matatagpuan din ang Ichiro Fujiyama’s Studio na replica ng workroom ng sikat na singer/composer. May museum shop din dito kung saan maaaring makabili ng mga videos at textbooks mula sa mga sikat na programa ng NHK. May ibinebenta rin na mga character merchandise at libro na gawa ng NHK Broadcasting Culture Research Institute.
Pag-akyat naman ng ikalawang palapag ay matututuhan ang kasaysayan ng pamamahayag sa bansa. Maririnig ang anunsyo ni Emperor Hirohito na tapos na ang World War II sa mga lumang radyo na naka-display dito. Mapapanood din ang ilang mga clips sa ginawang paghahanda noong 1940 Tokyo Olympics gamit ang mga lumang telebisyon. Maaari rin makapanood sa high-resolution digital HDTV Theater. Naririto rin ang Simulated Broadcasting Studio kung saan maaaring masubukan maging isang camera man at announcer gamit ang mga actual broadcasting equipment, o kaya ay mag-operate ng weather camera.
Makikita naman sa ikatlong palapag ang mga lumang kagamitan tulad ng tubular bell na ginamit noong unang panahon upang mabatid ang oras; kamera, microphones, household radio at telebisyon.
Silid-aklatan naman ang nasa ikaapat na palapag kung saan may Program Library at Reference Library na makikita. Mayroong 8,000 na mga programa ng NHK ang pwedeng mapanood dito kabilang na ang “Kohaku Uta Gassenn” o New Year’s Eve Singing Contest”, Taiga history dramas at marami pang iba. Sa Reference Library naman makikita ang mga librong patungkol sa pamamahayag at mga librong gawa ng NHK Broadcasting Culture Research Institute. Makikita rin dito ang ilan sa mga kasuotan, props, scripts at iba pang rare items na ginamit sa Taiga history dramas at New Year’s Eve Singing Contest.
Ang NHK Museum of Broadcasting ay bukas sa publiko mula 9:30 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon, Martes hanggang Linggo. Libre ang admission dito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento