Gaganapin ang pinakamalaki at pinakamakulay na pagdiriwang sa kasaysayan ng Filipino community sa Japan – ang Philippine Festival Barrio Fiesta 2013 sa Yamashita Park lungsod ng Yokohama sa darating na Setyembre 28-29.
Ipapamalas sa dalawang araw na pista ang yaman ng kulturang Pilipino at isusulong din ang mga naggagandahang lugar at pasyalan sa bansa. Layon ng pagdiriwang na pagdauping-palad ang bawat miyembro ng Filipino community sa Japan at palaganapin ang pag-unawa at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino sa Japan.
Panauhing pandangal sa pagdiriwang ang mga pangunahing opisyal ng mga lungsod ng Maynila at Yokohama, kabilang na ang bagong halal na alkalde ng Maynila na si Hon. Joseph Ejercito Estrada.
Ayon kay Jenavilla Shigemizu, ang overall chairperson ng Barrio Fiesta 2013 executive committee, maraming aktibidades ang nakalinya sa dalawang araw na pagdiriwang. Kabilang na rito ang pagtatanghal ng mga tradisyunal na Pilipinong sayaw, fashion show na magpapakita sa mga likha ng mga magagaling na Pinoy designers at musical at entertainment numbers mula sa mga kilalang performers. May palaro rin para sa mga bata at kokoronohan din ang tatanghaling “Mutya ng Barrio Fiesta 2013”. Mayroon din mga booths kung saan mabibili ang iba’t ibang mga paboritong pagkain tulad ng pansit, adobo, kaldereta, chicken inasal, leche flan at iba pang produkto na gawang Pinoy.
Matatandaang matagumpay ang naganap na Barrio Fiesta noong nakaraaang taon kung saan humigit kumulang 50,000 katao ang nakisaya sa kabila ng mga pag-ulan. Bago ang pagdiriwang na ito, taong 2007 pa huling nagkaroon ng Philippine Festival sa Japan na ginanap sa Yoyogi Park.
Ang Barrio Fiesta 2013 ay proyekto ng Filipino community sa Japan sa pakikipagtulungan sa Embahada ng Pilipinas sa Tokyo. Tulad noong nakaraang taon, inaasahan na susuportahan ng City of Yokohama ang pagdiriwang na ito. Ito ay libre at inaanyayahan ng pamunuan ang lahat na dumalo rito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento