Ni Florenda Corpuz
Patapos na ang tag-init kaya naman nasasabik na ang mga lokal at dayuhang turista sa Japan sa pagpasok ng taglagas kung saan napakagandang pagmasdan ng paligid dahil sa makukulay na autumn leaves.
Nagsisimula ang autumn season o aki sa buwan ng Setyembre at tumatagal hanggang Nobyembre kung saan makikitang nagbabago ang kulay ng mga dahon na tinatawag na koyo o fall foliage. Ang mga berdeng dahon sa mga puno ay nagkukulay dilaw, dalandan at pula bago magkalaglag sa lupa.
Isa ang maple tree o kaede sa mga puno na nagpapatingkad sa panahon ng taglagas. Kadalasang makikita ito sa mga kagubatan sa Japan ngunit may mga Hapon din na ginagawa itong dekorasyon sa kanilang mga bakuran. Ang maple leaf ay madalas na napipiling pattern at disenyo sa mga tela ng kimono. Ito rin ay kinakain bilang tempura kung saan ang mga dahon ay nilalagyan ng asin o asukal at piniprito sa tempura batter para sumarap. Nariyan din ang ginkgo tree o icho na nagpapaganda ng kapaligiran tuwing taglagas.
Sa katunayan, ito ay napili bilang symbol tree ng Tokyo. Hindi nagkukulay pula ang dahon ng punong ito subalit nagiging maningning na dilaw naman na kadalasang makikita sa mga templo, parke at kalsada. Sa mga bulubunduking lugar naman sa Japan ay naghahari ang mga rowan tree o nanakamado kung saan ang mga dahon ay halos pareho ng sa maple tree.
Tuwing panahon ng taglagas, popular na libangan ang autumn leaf viewing o momijigari tulad ng cherry blossoms viewing o hanami tuwing tagsibol. Nagsimula ang kasaysayan ng momijigari sa Japan nang mai-compile ang sinaunang koleksyon ng Manyoshu poetry noong ika-walong siglo. May mga eksena sa classic novel noong Heian Period na may pamagat na “The Tale of the Genji” kung saan naghahanap ng mga kamangha-manghang autumn colors ang mga tauhan sa kwento.
Tradisyon na ng mga Hapon ang pagsubaybay sa koyo front na dahan-dahang umuusad mula sa northern island ng Hokkaido hanggang sa makarating ito sa central at southern Japan. Kadalasan ay sa mga parke, templo at bulubunduking lugar nagpupunta ang mga tao para masilayan ang mga naggagandahang autumn colors. Ilan sa mga kilalang koyo spots sa Japan ay ang: Daisetsuzan National Park sa Hokkaido, Hachimantai sa Tohoku, Mount Takao sa Tokyo at Kiyomizudera sa Kyoto.
May ilang national holidays na ginugunita tuwing panahon ng taglagas. Isa na rito ang autumnal equinox o Shunbun no Hi na ipagdiriwang sa Setyembre 23 ngayong taon. Ang autumnal equinox ang araw kung saan ang haring araw ay tumatawid sa ibabaw ng equator mula sa hilaga patungo sa katimugang hemisphere. Ang araw ay eksaktong sisikat sa silangan at eksaktong lumulubog din sa kanluran kaya pantay ang haba ng araw at gabi sa araw na ito.
Pagkatapos ng araw na ito ay mas maikli na ang araw kesa gabi sa northern hemisphere. Bukod sa tanda ng pagpapalit ng panahon, ginunita rin sa araw na ito ang alaala ng mga kapamilyang namayapa na.
May mga autumn festivals din na ginaganap tuwing panahon ng taglagas na tanda ng pasasalamat para sa masaganang ani.
Ang autumn color ngayong taon ay nagsimula noong Setyembre 20.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento