Ni Florenda Corpuz
“’Di bale nang hindi kami pasok sa ‘Bahay ni Kuya’, pasok naman kami sa ‘Tahanan ni Nanay’,” ang pahayag na ito ng mga Japanese-Filipino children o JFC ang nagtulak kay Anita Sasaki o “Nanay Anita” upang itatag ang Tahanan ni Nanay o TNN.
Itinatag noong Oktubre 2012, ang Tahanan ni Nanay ay isang non-governmental organization (NGO) na nagbukas ng pinto para sa mga Japanese-Filipino children na may problema at pinagdadaanang pagsubok sa bahay at sa eskwela. Ito ay nag-ugat sa grupong Christian Association Serving Traditional Laymens Evangelization o CASTLE kung saan ang mga miyembro ay pawang mga maybahay. Nang ang mga maybahay na ito ay magkaroon ng mga supling, ang kanilang mga anak naman ay naging miyembro ng binuong CASTLE Youth.
Sa Tahanan ni Nanay, nililinang ang kakayahan at talento ng mga JFC. May mga programa rin at proyekto na ginagawa upang malinang ang personalidad ng mga kabataang ito.
Paano nabuo ang Tahanan ni Nanay?
“I learn not only from school or books. I learn from people, from young people. They know something that I don’t. Just open your eyes, heart and arms and you will learn. Hindi mataas ang pinag-aralan ko. I listen to the young.”
Pagmamahal sa apo ang nagbigay ng ideya kay Nanay Anita upang itatag ang Tahanan ni Nanay. Isa rin JFC ang apo ni Nanay Anita, si Mariye, na inabandona ng Hapon na ama sa batang edad.
“Malapit ang puso ko sa mga kabataan dahil may mga anak at apo ako na naiwan ko sa Pilipinas. Nanay ako, lola ako,” pahayag ng 66-anyos na si Nanay Anita.
Ngunit ang talagang nagbunsod kay Nanay Anita upang itatag ang CASTLE, CASTLE Youth at Tahanan ni Nanay ay nang iwanan ng isang Pilipina ang kanyang tatlong linggong gulang na sanggol sa pintuan ng club na pag-aari ng asawang Hapon ni Nanay Anita. Bilang mama-san ng club ay may mga obligasyon at responsibilidad si Nanay Anita na dapat unahin kaya’t hindi niya maaaring alagaan ang sanggol araw-araw. Ang ginawa ng ina ng sanggol ay kinuha ito at iniwan sa isang lugar kung saan mga undocumented na Pilipino ang namimirmihan. Napabayaan ang sanggol at kalaunan ay binawian ng buhay.
Hindi naging madali ang inindang hirap at sakripisyo ni Nanay Anita upang maitatag ang Tahanan ni Nanay. Ngunit dahil sa pagnanais na makatulong sa mga JFC ay gumawa siya ng paraan upang malampasan ang mga pagsubok na ito. Nagsagawa siya ng mga proyekto tulad ng “Battle of the Bands” at isang singing contest para sa Japanese nationals na kakanta ng mga OPM upang makalikom ng sapat na pondo sa pag-renta ng lugar na gagawing Tahanan ni Nanay.
Isang maliit na kwarto malapit sa Hirai station ang inookupa ngayon ng Tahanan ni Nanay. Bukod sa mga JFC, kinakalinga rin nito ang mga Pilipino na dumaraan sa mga problema at pagsubok dito sa Japan habang prinoproseso ang kanilang mga dokumento sa pag-uwi sa Pilipinas.
Mga proyekto ng Tahanan ni Nanay
Sa loob ng Tahanan ni Nanay, maraming gawain ang maaaring pagkaabalahan. Noong mga nakaraang buwan, may mga volunteers na nagtuturo ng wikang Ingles sa mga JFC.
Kamakailan ay nagkaroon din ng 3-day Youth Empowerment na may layong tulungang madiskubre ng mga JFC ang kanilang mga sarili bilang aktibo at makabuluhang miyembro ng lipunan. Sila ay dumaan sa workshops at seminars. Nagkaroon din ng values formation, personality development, reading of messages at marami pang iba kung saan ang mga kabataang dumalo ay nasa edad na 15-20 taong gulang.
Balak rin ng Tahanan ni Nanay na bumuo ng isang grupo na tatawaging “TNN Kids Rondalya”. Pera mula sa sariling bulsa ang ilalabas ni Nanay Anita sa proyektong ito ngunit siya ay umaasa na bibigyan ayuda ng mga kaibigan sa Embahada at komunidad ang balakin na ito.
“Sa ngayon, wala pang pinansiyal na suporta na natatanggap ang Tahanan ni Nanay subalit ako ay umaasa na susuportahan nila kami dahil sa maganda ang aming adhikain para sa mga JFC,” ani Nanay Anita.
Si Nanay at ang mga JFC
Taong 1985 nang unang tumuntong sa Japan si Nanay Anita bilang negosyante. 1995 naman nang siya ay manatili rito at muling makapag-asawa ng Hapon, si Hideo Sasaki o “Tatay” kung tawagin ng lahat. May 20 apo at limang anak, ang iba ay nasa Japan habang ang iba naman ay nasa Pilipinas.
“I’m preparing these children kasi hindi naman ako palagi nandito. It hurts me. Mayroon din akong problema sa mga apo ko, ang mga anak ko mahirap din ang buhay pero inalay ko ang oras ko sa ibang tao,” madamdaming pahayag ni Nanay Anita.
“Ang gusto ko lang, they will grow and find themselves at dumating ang panahon na kaya nilang makihalubilo. We need to inculcate Filipino values to these youth. Nais ko rin na itaas ang imahe ng mga Pilipino sa Japan. Habang nandito tayo ay hindi tayo binabatikos. We have to show them na ang mga Pilipino ay iba. Kayo ang pag-asa that’s why I want you to be the best. Mayaman tayo, may kulturang maganda,” dagdag pa niya.
Bukod kay Nanay Anita, katulong rin niya sa pag-aasikaso sa Tahanan ni Nanay sila Amina Banson, George Cabrera at Ma. Ana Amparo.
Mahirap man sa aspetong pinansiyal, mayaman naman si Nanay Anita sa pagmamahal para sa mga JFC. Sandata ang malakas na pananalig sa Diyos, alam ni Nanay Anita na darating ang panahon na tatayo nang mag-isa ang Tahanan ni Nanay at maraming kabataan ang matutulungan nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento