Ni Sheherazade Alonto Acaso
Ang akin pong ikukuwento ay isang
pangyayari na hindi ko inaasahan na aking sasapitin dito sa bansang Japan.
Naganap po ito kamakailan sa Ibaraki Kotsu Hi-Way bus terminal na matatagpuan
sa Yellow Port Parking Okushi Chou 90-82 kung saan pansamantala ko munang iginarahe
ang aking sasakyan, isang Toyota Harrier Hybrid 4WD 2005 model.
Kararating ko lang po galing sa
ibang bansa sa isang business trip kasama ang aking kapatid na lalaki at ang
kanyang pamilya. Paglapag na paglapag ko sa Narita airport ay nakahinga ako ng
maluwag dahil nakauwi ako ng matiwasay, galing sa isang biyahe na baon ang
pagod at pag-aalala dahil sa naranasang ‘culture shock’ sa bansang aking
binisita. Masaya ako dahil alam kong nakauwi na rin ako sa bansang ligtas at may
mababang antas ng krimen.
Hindi ko akalain na bubungad sa
akin na wala na ang aking sasakyan na iginarahe ko sa naturang lugar. Noong
una’y hindi ko pa naisip na biktima ako ng carnapping hanggang sa tinawagan ko
ang aking asawa at kumpirmahin niya na hindi niya kinuha ang kotse para
gamitin.
Malakas ang kabog ng aking
dibdib, tumawag ako sa police station upang ipagbigay-alam ang insidente. Hindi
ako makapaniwalang kayang bitbitin ang kotse ko ng mga salbaheng sindikatong
ito dahil sa bukod sa may alarm ang kotse ko ay hindi basta-basta nabubuksan
ang pinto kapag walang ang orihinal na susi dahil nga sa hi-tech ang hybrid
innovated cars. Gayunpaman, ayon sa kumpanya ng Ibaraki kotsu ( management ng
hi-bus na sinakyan ko ) ay kahit anong sasakyan ay kaya raw itong buksan ng mga
ekspertong magnanakaw.
Kinuhaan ako ng katakot-takot na
pahayag hanggang 11: 30 kami ng gabi sa parking na kung saan inimbestigahan ang
lugar na pinagnakawan ng aking sasakyan. Makalipas ang dalawang araw ay tumawag
ako sa mga kinauukulan upang ano ang bagong development sa imbestigasyon sa
pagnanakaw sa aking sasakyan. Hindi ko maiwasang mainis sa bagal ng pag-usad
nito.
Ayon sa mga pulis, hindi raw sila
makapag-imbestiga ng husto dahil walang makuhang ebidensiya. Ako’y nayayamot sa
nangyayari dahil para bang walang hustisyang mangyayari sa akin. Napakasaklap
para sa akin dahil bukod sa napakamahal ng kotse ko ay marami pang mga valuable
things at importanteng papeles na kailangan ko gaya ng passport ng husband ko,
nenkin techo ( pension booklet ), mga photo copies ng property namin at iba pa.
Ayon naman sa aking
napag-alaman, isang grupo ng pulis ang pumunta rito sa bayan ng Oarai kung saan
dati akong nagtatrabaho bilang guro na sila'y
gumawa ng surveillance. Nagtatanong sila kung mayroon mga Africans at Chinese na may kinalaman sa isang kaparehong insidente na nangyari naman sa Shiga-ken. Sangkot umano ang mga ‘di pa nakikilalang Africans sa pagdi-disassemble ng mga mamahaling sasakyang ninakaw tulad ng SUVs.
Ibinibenta umano ito sa
mga Chinese na agad na isinasakay sa cargo ships para i-assemble muli sa China
o Hongkong. Pagkatapos, ibebenta ang mga ito sa Russia at Europa na tatlong
beses ang laki ng presyo kumpara sa Japanese price.
Hindi na nga ba safe ang bansang Hapon?
Papaano na lang ito kung tuluyang pababayaan ng gobyerno ang pag-iimplimenta ng
mga hakbang para sa seguridad?
Ako’y nag-isip na gumawa ng paraan
kaya’t sumangguni ako sa mga grupo ng mga residente sa aming lugar upang panatilihing
ligtas ito sa mga magnanakaw. Ipaglalaban ko na mahuli na ang mga sindikato at matigil na ang
kanilang operasyon na nakakasira sa imahen ng Japan lalo na’t dito gaganapin
ang 2020 Olympics.
Nawa’y itong aking karanasan ay
magbunga ng aral sa kapwa kababayan ko na nandito sa Japan na mag-ingat sa mga
carnappers at iba pang may masasamang loob. Ipamalita at tumulong tayo na
itaguyod at mapanatiling ligtas ang ating lugar at kapaligiran.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento