Ni Jovelyn Javier
Kuha ni Jovelyn Bajo |
Bahagi
ang August: Osage County sa prestihiyosong produksyon ng Repertory Philippines
ngayon taon sa kanilang Season 77. Isinulat ito ni Tracy Letts at tumanggap ng
maraming parangal noong 2008, partikular na bilang best play sa Tony Awards at
Drama Desk Award, nanalo rin ito sa Drama League Award, Outer Critics Circle
Award, New York Drama Critics’ Circle Award, Theatre World Award, at Pulitzer
Prize for Drama.
Unang
itinanghal ang August: Osage County sa Steppenwolf Theatre sa Chicago noong
Hunyo 28, 2007, Broadway debut sa Imperial Theater noong Disyembre 4, 2007 at
UK debut sa London National Theatre noong Nobyembre 2008.
Tampok
sa Osage County ang mga nirerespeto at mga bagong pangalan sa industriya ng
teatrong Pilipino na gaya nina: Baby Barredo (Violet), Pinky Amador (Barbara),
Leo Rialp (Beverly), Tami Monsod (Ivy), Liesl Batucan (Karen), Kenneth Moraleda
(Bill), Sheila Francisco (Mattie Fae), Richard Cunanan (Charlie), Angeli Bayani
(Johnna), Hans Eckstein (Steve), Noel Rayos (Little Charles), Arnel Carrion
(Sheriff Deon), at Thea Gloria (Jean).
Binubuo
naman nina Chris Millado (Director), Carmen “Baby” Barredo (Artistic Director),
Katsch Catoy (Lighting Designer), Miguel Faustmann (Set Designer), Orlando
Pabotoy (Fight Captain), James Reyes (Costume Designer), at Ely Maalat (Hair
and Make-Up Designer) ang artistic team ng produksyon.
Sentro
ng produksyon ang kwento ng pamilya Weston na nakatira sa Pawhuska, Oklahoma na
nasa hilagang bahagi ng Texas. Makikilala ang mag-asawang Beverly at Violet
Weston na mga magulang nina Barbara, Ivy at Karen.
Nagsimula
ang kwento kay Beverly, isang dating kilalang makata na kausap ang isang native
American na si Johnna Monevata habang ito ay umiinom. Kinuha niya si Johnna
bilang live-in cook at caregiver para kay Violet, ang kanyang asawang may oral
cancer.
Sa
bahay ng mga Weston, katangi-tanging si Ivy na lamang ang madalas bumisita sa
kanilang mga magulang. Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Ivy at isang guro
sa isang kolehiyo. Samantalang malayo naman ang dalawang kapatid nito na si
Barbara at Karen. Si Barbara ang panganay na anak, ina ni Jean, asawa ni Bill
at isang propesor sa kolehiyo sa Colorado. At si Karen naman ay inilarawan
bilang isang hopeless romantic at isang sosyalera.
Nagsimulang
magtipon-tipon muli ang mga miyembro ng pamilya nang malamang ilang linggo ng
nawawala ang kanilang ama na si Beverly. Kalaunan ay natagpuan na rin ang labi
ni Beverly at idineklarang nalunod ito. Kasama ni Barbara na dumating ang
asawang si Bill kahit sila ay hiwalay na at anak na si Jean, si Karen at
fiancée na si Steve, kapatid ni Violet na si Mattie Fae kasama ang asawang si
Charlie at anak na si “Little” Charles.
Dito
na nagsimula ang kaguluhan sa pamilya Weston, partikular na nang maglabas ng
sama ng loob ang kanilang inang si Violet habang sila ay kumakain. Matindi ang
pinagdadaanan ni Violet, una dahil sa kanyang sakit at pangalawa sa pagkawala
ng asawang si Beverly. Humantong ang pang-iinsulto ni Violet sa bawat miyembro
ng pamilya sa isang malaking away, lalo na sa pagitan niya at ni Barbara. Ito
ang nagtulak kay Barbara para pangunahan ang pamamahala sa bahay, una na rito
ang paghahanap ng lahat ng itinatagong pills ni Violet.
Nagkaroon
din ng hindi magandang kaganapan sa pamamahay ng mga Weston nang muntik ng
molestiyahin ni Steve si Jean, nang matuklasan ni Mattie Fae ang itinatagong
relasyon ni Little Charles at Ivy, at nang ibinulalas ni Violet na matagal na
niyang alam na si Little Charles ay anak ni Beverly at kapatid nina Ivy,
Barbara at Karen.
Sa
kalaunan, isa-isang umalis ang mga miyembro ng pamilya at nang hindi na rin
kinaya ni Barbara ang lahat ng nangyari, tuluyan na rin itong umalis. Sa huli, si
Johnna lang ang naiwan na kasama ni Violet na malungkot sa pag-alis ng mga
anak.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento