Martes, Abril 1, 2014

Kinkaku-ji: Simbolo ng Kyoto

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Tanyag ang Kyoto sa buong mundo bilang dating kapital ng Japan at dahil sa mga naggagandahan at makasaysayang templo at shrines na makikita rito kabilang na ang Kinkaku-ji, ang itinuturing na simbolo ng lugar.

Matatagpuan sa rehiyon ng Kansai, ang Kyoto ay naging kapital ng Japan noong ikawalong siglo at naging sentro ng pulitika, ekonomiya at kulturang Hapon sa loob ng 1,100 taon. Sa mahabang panahon na ito, maraming templo at shrines ang itinayo sa lugar, isa na rito ang Kinkaku-ji o Temple of Golden Pavilion.

Ang Kinkaku-ji ay isang Buddhist hall na nagtataglay ng mga relics ni Buddha. Ito ay orihinal na bahagi ng templo, ang Rokuon-ji, na itinayo noong ika-14 na siglo bilang pwesto ng Kitayama-dai villa na pag-aari ni Saionji Kintsune. Nagustuhan ito ni Ashikaga Yoshimitsu, ang pangatlong shogun noong Muromachi period, at binili mula sa pamilyang Saionji noong 1397. Nagtayo siya rito ng sariling villa na kanyang tinawag na Kitayama-den.

Nang pumanaw si Yoshimitsu, inihabilin niya sa kanyang testamento na gawin itong templo ng Zen sect ng Budismo na popular sa pagsasagawa ng zazen o religious meditation.

May tatlong palapag ang Kinkaku-ji. Bawat palapag ay may kanya-kanyang architectural style. Ang unang palapag ay itinayo ng shinden style ng imperial aristocracy; ang ikalawang palapag ay may buke style ng warrior aristocracy; at ang ikatlong palapag naman ay sa Chinese zenshu-butsuden style. Nababalutan ng gold leaf ang ikalawa at ikatlong palapag habang sa pinakatuktok ay may nakalagay na phoenix.

Sinasabing ang hardin at gusali sa palibot ng Kinkaku-ji ay kinatawan ng Pure Land of Buddha sa mundong ito. Idinisenyo ang hardin upang magbigay ng iba’t ibang view habang naglalakad sa paligid ng malaking lawa na tinawag na Kyoko-chi. Dito’y may mga nakalagay na malalaki at maliliit na bato na may iba’t ibang hugis na donasyon ng mga mga provincial lords ng mga panahon na iyon.

Makikita rin dito ang Sekka-tei Tea House, isang hiwalay na teahouse na itinayo noong Edo period kung saan masisilayan ang kinang at ganda ng Kinkaku-ji.


Maraming beses nang natupok ng apoy ang Kinkaku-ji noong panahon ng digmaan. Nadale rin ito ng arson. Ngunit ito ay isinaayos noong 1955 at 1987. Kinilala ito ng UNESCO bilang World Cultural Heritage noong 1994.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento