Lunes, Abril 7, 2014

Be ‘Electrified’ with MYMP’s newest album

Ni Len Armea

MYMP
Sampung taon na ang nakakalipas simula nang pumalaot sa music at recording scene ang isa sa pinakapopular na acoustic bands sa bansa, ang Make Your Momma Proud o mas kilala sa tawag na MYMP.

At sa kanilang ika-10 anibersaryo ay mayroong dalawang bagong handog ang grupo: ang kanilang ika-pitong album na pinamagatang “Electrified” at ang pagkakaroon nila ng bagong bokalista sa katauhan ni Jana Laraza, ang kapalit ni Juris Fernandez na gumagawa na ngayon ng solo career.

Bukod kay Jana, binubuo ang banda nina Chin Alcantara (guitar/vocals), Ibey Haber (bass), Hannche Bobis (keyboards) at Joel Tolentino (drums).

Nakapaloob sa kanilang album ang dalawang orihinal na kanta at walong cover songs na kanilang napili at binigyan ng bagong rendisyon.

Nilalaman ng album ang “Too Many Broken Hearts,” “Just A Smile Away,” “You’re In Love,” “Gravity,” “Givin’ Up On You,” “Tell Me,” “How Much I Love You,” “Unwritten,” “Bakit Ba Ganyan,” at “Electrified,” na carrier single at titulo ng album.

Ipinagmalaki ng grupo na natatangi ang kanilang bagong album kumpara sa anim na nauna dahil binigyan nila ang bawat kanta ng bagong tunog at konsepto kung saan hindi lamang gitara ang kanilang ginamit.

“Our music and concept in our previous albums were always centered on the acoustic sound and in this album we would like to introduce to our listeners our new sound. Instead of being limited to acoustic guitar, we added more electric instruments. We wanted to explore,” pahayag ni Chin na siyang tumatayong lider ng banda.

Road to the music scene

Kwento ni Chin, nagsimulang mabuo ang banda noong 1996 bilang isang rock band ngunit kinalaunan ay ginawa nila itong isang pop band dahil limitado lamang ang pwedeng pagtanghalan ng rock bands tulad ng Club Dredd at Mayrics.

Bilang isang pop band, mas maganda umano na mayroon silang babaeng bokalista kaya’t kumuha sila at kanilang napili ay si Nina na sikat na singer na rin ngayon. Umabot ang grupo sa top 40’s show band hanggang sa umalis ng banda si Nina para gumawa ng solo career.

Pumalit si Juris Fernandez, na mula sa Davao City, bilang bokalista ngunit kanilang napansin na hindi bagay sa boses ni Juris ang pop kaya’t itinuon nila ang kanilang pansin sa pagtugtog ng acoustic. Napansin ang grupo na nang sa mga panahon na iyon ay nagiging uso na ang acoustic.

“Nahirapan kaming maghanap ng shows noon kasi iyong boses ni Juris hindi bagay sa top 40s so eventually nag-acoustic kami at doon bumagay iyong boses niya. We got signed by a recording label at doon na nagsimula ang lahat.

Unang lumabas ang kanilang unang album noong 2003 na pinamagatang “Soulful Acoustic” hanggang sa nasundan ito ng lima pang studio album: “Versions” (2005), “Beyond Acoustic” (2005), “New Horizon” (2006), “Now” (2008) at “The Unreleased Acoustic Collection” (2011).

Ngayon nga ay mayroon na silang bagong bokalista na si Jana, 21, na kanilang napili dahil sa tingin ng grupo na ang boses nito ang pinakabagay sa kanilang bagong album. Pinanood nila Chin ang YouTube videos nito kung saan kumanta rin si Jana ng MYMP songs.

“Nag-audition po ako June last year tapos naging official band member po ako two months after. Bago po MYMP, nagbabanda na rin po ako, gigs din po sa bars, events and naging lounge singer din po ako,” pahayag ni Jana na mahilig sa neo-soul genre.

Dagdag pa ng dalaga na nape-pressure rin siya dahil hindi maiiwasan na maikumpara siya sa mga dating bokalista ng MYMP ngunit kanya umanong ibibigay ang lahat para mapatunayan na karapatdapat siya.

Going international

Ikinagulat din ng banda ang mainit na pagtanggap sa kanila at sa kanilang musika sa South Korea at Indonesia kung saan naimbitahan sila para mag-perform. Sa katunayan, pitong beses na silang nagpabalik-balik sa Indonesia para magtanghal at sa mga nanood sa kanila ay halos isang porsyento lamang ang mga Pinoy.

Plano nilang bumalik sa South Korea at Indonesia para i-promote ang kanilang bagong album at inaasahan nila na madadagdagan pa ang mga bansa na magkakagusto sa kanilang musika.

“Na-overwhelm kami kaya itutuloy naming iyong kind of music na hindi lang pala pang-Pilipino kundi pang ibang lengguwahe rin,” sambit ni Chin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento