Biyernes, Abril 4, 2014

Gawing espesyal ang Japanese Curry Rice

Ni Jovelyn Javier

Japanese Curry Rice. Kuha ni Jovelyn Bajo
Hindi na iba sa ating mga Pinoy ang chicken curry, madalas itong nakikita sa hapag-kainang Pinoy tuwing tanghalian o hapunan. Ngayong nagsisimula na ang summer, gawing mas espesyal pa ang nakaugaliang chicken curry sa pamamagitan ng Japanese Curry Rice.

Tinatawag na “kare” ang curry sa Japan at isa sa pinakapopular na pagkain sa bansa. Nakasanayan na sa Japan na ihanda ito sa tatlong pangunahing klase: curry rice (kare raisu), thick noodles (kare udon) at kare-pan. Maliban dito sa tatlo, paborito rin ng mga Japanese ang Katsu-kare o breaded deep-fried pork cutlet na may curry sauce.

Binubuo naman ito ng iba’t ibang makukulay na gulay at karne para makagawa ng isang natatangi at tunay na Japanese curry. Pangunahing mga sangkap ang sibuyas, carrots at patatas. At sa karne naman, pinipili ng mga Japanese ang karne ng baka, baboy o manok; samantalang dito sa Pinas ay mas madalas ang manok kaysa sa karneng baka o baboy.

Ngayon na alam na natin ang mga karaniwang sangkap sa curry, mas magiging espesyal ito sa kakaibang recipe ng YouTube sensation, pianist, singer-songwriter na si Marie Digby. Nakilala si Marie Digby sa kanyang cover version ng kantang “Umbrella” ni Rihanna noong 2007 sa YouTube, at naging paborito sa radio at maging sa opening season ng MTV na “The Hills. “ Sinundan ito ng hit at unang official single na “Say It Again” nang Enero 2008. Mula dito, nakapaglabas na si Marie ng maraming studio albums, kabilang na ang isang Japanese cover album. Inilabas nitong Oktubre 2013 ang pinakabago niyang album na “Winter Fields.”

“Next to music, food might be my next favourite thing,” ani ni Marie habang nagluluto ng kanyang espesyal na Japanese curry rice. Kabilang sa mga sangkap ng curry recipe ni Marie ang isang mansanas, dalawang katamtaman ang laki na sibuyas, dalawang patatas, dalawang carrots, dalawang klase ng curry powder (mild/ hot), manok, at pickled vegetables.

Hiwain sa malalaking piraso ang sibuyas, patatas at carrots. Igisa sa mantika ang bawang, sibuyas, grated ginger, manok at mga gulay. Lagyan ng sapat na tubig at hayaang kumulo, saka ilagay ang curry powder at grated mansanas.

Ipinakilala ng mga Briton ang curry sa Japan sa panahon ng Meiji era (1868-1912), kung saan kolonyal na pag-aari pa ng Britain ang India. Kalaunan ay naging sobrang kilala ito at nagkaroon na rin sa supermarkets at mga restaurant. At dahil naging malaking bahagi na ito ng araw-araw na pagkain at pamumuhay na Japanese, tinatawag na rin itong national dish.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento